435 total reads
Dismayado ang ilang delegado ng COP31 na ginanap sa Turkiye dahil sa pag-atras ng mga napagkasunduang hakbang para tugunan ang climate change.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Rachelle Junsay, national coordinator ng Youth Advocates for Climate Action Philippines, hindi naipalita sa binalangkas na kasunduan ang mga panawagan ng mga bansang higit na apektado ng pagbabago ng klima, kabilang ang Pilipinas.
“And I would agree po to the other room who’ve spoken already na this year’s result po was a big disappointment dahil pag-atras po talaga ito mula doon sa mga improvements, saka mga genuine solutions na naabot na natin mula noong mga nakaraang taon,” ayon kay Junsay sa panayam ng Radyo Veritas.
Ikinadismaya ni Junsay ang pagtanggal sa malinaw na plano para sa unti-unting paghinto sa paggamit ng fossil fuels.
Aniya, sa halip na palakasin ang napagkasunduan sa mga nakaraang climate summit, hindi na isinama sa huling dokumento ang mismong terminong fossil fuels.
Gayundin ang kakulangan ng sapat na pondong tutulong sa mga bansang mahihirap at lubhang apektado ng climate change na makaangkop sa epekto nito, kabilang dito ang Pilipinas na patuloy na nakararanas ng matitinding bagyo at iba pang kalamidad.
At ang kawalan ng malinaw na mekanismo para subaybayan at panagutin ang mga bansang may malaking greenhouse gas emissions mula sa kanilang operasyon militar, lalo na sa gitna ng dumaraming digmaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“At sa amin po yung taon-taon namin talagang dine-demand na taon-taon din natin hindi nakikita talaga doon sa cover decision, ay yung kakulangan ng accountability doon sa military emissions. Lalo na po ngayon sa buong daigdig ay mas dumadami yung mga panggigera,” saad pa ni Junsay.
Binatikos din ni Junsay na dumalo sa pagtitipon ang hindi nabibigyang-pansin ang kinabukasan ng mga kabataan sa mga desisyong direktang makaaapekto sa kanilang buhay.




