Pera, hindi tao, ang mahalaga sa POGO

SHARE THE TRUTH

Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 62,230 total views

Mga Kapanalig, sa raid na ginawa sa isa na namang POGO hub kamakailan, naka-recover ang mga awtoridad ng iligal na droga, libu-libong pera, alahas, at torture devices. 

Nangyari ito sa POGO hub sa bayan ng Porac sa Pampanga. Nasamsam ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (o PAOCC) ang mga bagay na ito—pati na ang mga computers at gadgets—sa pito lamang sa mahigit 40 na gusali sa compound. Patuloy ang imbestigasyon ng ginagawa ng mga awtoridad habang isinusulat natin ang editoryal na ito. Inaalam din kasi kung totoong may kaugnayan ang POGO na ito sa Pampanga sa POGO sa bayan naman ng Bamban sa Tarlac. 

Gayunman, mukhang nakatunog ang mga nagpapatakbo ng POGO sa Pampanga. Tatlong araw bago ang paghahalughog ng PAOCC, nakatakas na sila at ang mga nagtatrabaho roon. Gaya ng ibang POGO sa bansa, mga dayuhan ang karamihan sa mga tauhan sa pasilidad na ito sa Pampanga. Nasa 186 naman ang naiwan at nasagip, kabilang ang ilang Pilipino.

Isinagawa ang raid bilang aksyon rin sa reklamong natanggap ng awtoridad na may torture na nagaganap sa naturang POGO. Kapag hindi raw naaabot ng mga empleyado ang kanilang quota bawat araw, dinidisiplina raw sila sa pamamagitan ng pagpalo sa kanila gamit ang baseball bat. Sangkot din daw ang POGO sa panloloko online kaya tinawag din itong “scam farm”. Ginagamit din umano ang POGO para sa human trafficking o ang iligal na pagkalakal sa mga tao para sa sapilitang paggawa. May mga babaeng empleyado rin daw na sexually trafficked

Pinalalakas ng ganitong mga kaso ang hinalang ginagamit ang mga POGO ng mga sindikato ng krimen. Matatandaang nagsulputang parang mga kabute ang mga pasilidad na ito sa ilalim ng administrasyong Duterte. Naniniwala kasi ang dating presidente na makatutulong ang pagpapapasok sa mga dayuhang gambling operators na palaguin ang ating ekonomiya. Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (o PAGCOR), nagbigay ang mga POGO ng trabaho sa halos 20,000 Pilipino. Kaya naman, tutol ang PAGCOR sa tuluyang pagba-ban sa mga POGO dahil libu-libo raw ang mawawalan ng trabaho. Bilyung-bilyong piso rin daw ang ambag ng mga POGO sa kita ng PAGCOR at buwis na kinukolekta gobyerno. Mawawala rin daw ito kung aalisin ang mga POGO.  

Pero makatwiran ba ang mga benepisyong ito kung ang kapalit ay ang dangal ng mga taong inaabuso sa mga POGO? Mula sa hindi makataong kalagayan ng mga empleyado hanggang sa pagkakasangkot nila sa krimen, mahirap sabihing positibo para sa dignidad ng tao ang hatid ng mga pasilidad na ito. Malinaw na pagkamal ng pera ng mga negosyanteng nasa likod ng POGO ang nangingibabaw, hindi ang kapakanan ng mga manggagawa.

Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, pinahahalagahan ang dignidad ng paggawa dahil tao ang nasa sentro nito. Sabi nga sa Catholic social teaching na Laborem Exercens, ang pagtatrabaho ay dapat na nakatutulong sa manggagawang makamit ang kanyang pagiging tao. Hindi ito nakakamit kung sa kanilang trabaho, itinuturing sila na parang mga makinang hindi dapat napapagod o kasangkapang pwedeng ikalakal. Nawawala ang kanilang dignidad kapag ginagamit sila sa panloloko ng kanilang kapwa. Nabubura ang kanilang pagkatao kapag sinasaktan sila dahil hindi nila naaabot ang kanilang quota

Mga Kapanalig, sa mga lumalabas na impormasyon tungkol sa mga POGO sa ating bansa, makikitang ibinabasura sa industriyang ito ang dangal ng mga manggagawa, Pilipino man o dayuhan. Ang nakalulungkot (at nakagagalit), hinayaan itong mangyari ng ating mga lider. May ilan pang gustong magpatuloy ang mga negosyong ito. Ang mga mapang-abusong negosyante at mga pinunong nagbubulag-bulagan sa mali ay parang “ulan na sumisira sa pananim,” wika nga sa Mga Kawikaan 28:2.

Sumainyo ang katotohanan.

Pagkakaibigan, pinakamabisang daan ng bokasyon-Cardinal Tagle

 10,816 total views

Iginiit ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-prefect ng Dicastery for Evangelization, na ang pagkakaibigan ang isa sa pinakamabisang daan ng bokasyon, sapagkat sa pamamagitan ng mga tunay na ugnayan nagiging buhay at konkretong karanasan ang pagkilala kay Hesus at ang pagtugon sa tawag ng Diyos.

Tinalakay ito ni Cardinal Tagle sa isinagawang Heart to Heart Talk sa unang araw ng 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII) 2026 sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion, kung saan ibinahagi nina Sr. Mary Joannie Bolisay ng Sisters of Saint Paul of Chartres (SPC) at Fr. Dean Jerome Cruz ng Diocese of Cabanatuan ang mga pagkakaibigang naging bahagi ng kanilang paglalakbay tungo sa buhay relihiyoso at pagpapari.

Binigyang-diin ni Cardinal Tagle na bagama’t mahalaga ang mga vocation promotion materials tulad ng posters, videos, short stories at seminars, mas nagiging makapangyarihan ang personal na ugnayan at buhay na patotoo ng mga taong nagpapakita ng kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos.

“While we appreciate the use of film, mga short stories na nakikita natin sa TV, yung mga posters announcing a diocese, a seminary, a religious order, they’re all good for giving information. But we should not discount the role of friendship in making the face of Jesus, the face of the Church, real to people,” pahayag ni Cardinal Tagle.

Ibinahagi ni Sr. Bolisay na ang kanyang pagtugon sa bokasyon ay unti-unting nahubog sa pakikipagkaibigan niya sa mga seminarista ng Maria Asunta Seminary noong siya ay youth coordinator ng Diocese of Cabanatuan.

Ayon sa madre, ang masayang samahan at dedikasyon ng mga seminarista sa paglilingkod ang naging inspirasyon upang makita niya ang kagandahan ng buhay relihiyoso.

“Iyong joyful disposition ng mga seminarians, ‘yun po ‘yung isa sa mga nakahikayat sa akin na pwede naman palang subukan. At sila din po ‘yung nagpakilala sa akin ng congregation kung saan po ako papasok,” ayon kay Sr. Bolisay.

Samantala, ibinahagi naman ni Fr. Cruz na ang kanyang bokasyon bilang pari ay nagsimula rin sa pag-anyaya at paggabay ng mga kaibigang altar server at youth ministers noong siya ay nasa high school.

Binigyang-diin ng pari na mahalaga ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan maging sa patuloy na buhay-paglilingkod, lalo na sa panahon ng mga pagsubok at panghihina ng loob sa ministeryo.

“Truth and charity, magkakambal po ‘yan para sa growing relationship. You have to be truthful and of course you have to be charitable in expressing the truth para po balanse. Kasi kapag truth lang po, baka po masaktan kung walang charity. Pero kung charity lang, baka puro compromise naman po at wala pong truth. Baka po fake friendship na po ‘yun,” saad ni Fr. Cruz.

Sa pagtatapos ng talakayan, hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na huwag matakot makipagkaibigan at maging saksi ng pag-ibig ni Kristo, dahil ang mga ugnayang binubuo ngayon ay maaaring maging binhi ng mga bokasyon sa hinaharap.

“The seeds of friendship that you sow now will be the harvest of vocation in the future,” ayon kay Cardinal Tagle.

Tema ng PCNE XII ang “Sangkay: I have called you Friends (John 15:15),” na naglalayong palalimin ang diwa ng pagkakaibigan bilang daan tungo sa pagbabagong-loob sa misyon at sa pagbuo ng isang higit na sinodal na Simbahang Katolika sa Pilipinas.

Pag-ibig, pundasyon ng tunay pakikipagkaibigan

 10,823 total views

Binigyan-diin ng Prior Provincial ng Dominican Province of the Philippines Father Filemon Dela Cruz Jr., O.P – , ang ‘pag-ibig’ bilang pundasyon ng tunay na pakikipagkaibigan at matatag na ugnayan ng bawat mananampalataya sa kaniyang mensahe para sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) sa University of Santo Tomas.

Ito ay sa kaniyang pagninilay sa session ng “Confessio Peccati et Laudis: Healing and Nurturing Relationships,” na nakatuon sa pagpapanumbalik at pagpapatibay ng mga ugnayan.

Ayon kay Fr. dela Cruz, ang tunay na pagkakaibigan ay nakaugat sa pag-ibig na nag-uudyok sa tao na pahalagahan, ingatan, at alagaan ang kapwa.

Iginiit niyang ang pagmamahal ay hindi lamang damdamin kundi isang desisyon na kilalanin ang dignidad at kahalagahan ng bawat tao, na siyang nagpapatatag sa mga ugnayang humuhubog sa pamayanan ng pananampalataya.

“Friendship is friendship in love, kaya kapag ika’y nagmahal, iingatan mo ang halaga ng isang tao pinapahalagahan mo ang taong yan, kaya mahal kita l, mahalaga ka sakin,” ayon sa pagninilay ni Fr.Dela Cruz

Binigyang-diin din ng pari na ang pagpapahalaga sa kapwa ay nagiging daan upang mapagaling ang mga nasirang relasyon at makabuo ng mga pamayanang nagkakaisa sa diwa ng pakikinig, pag-unawa, at pagmamalasakit. dahil ang tunay na pagkakaibigan ay naipapakita sa konkretong pag-aaruga at patuloy na pag-akay sa isa’t isa tungo sa pag-ibig ni Kristo.

Kaugnay nito, umaasa si Fr. dela Cruz na magsisilbing inspirasyon ang PCNE 2026 upang higit pang mapalalim ang kultura ng pagkakaibigan at pagmamahalan sa loob ng Simbahan, kasabay ng paghahanda ng mga mananampalataya para sa Evangelization 2033, sa pamamagitan ng paghubog ng mga disipulong handang magmahal, maglingkod, at maghatid ng pag-asa sa kapwa.

Pagkakaibigan, mahalagang pundasyon ng sama-samang misyon sa pagpapalaganap ng ebanghelyo- Papal Nuncio sa mananampalataya

 11,969 total views

Binigyang-diin ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown na ang tunay na pagkakaibigan na nakaugat kay Hesukristo ang mahalagang pundasyon ng sama-samang misyon ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.

Sa kanyang mensahe para sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII), sinabi ng kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas na ang pagkakaibigan ay isa sa pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao, kasunod lamang ng mismong buhay, sapagkat ito ang nagpapatatag sa mga pamayanan at nagbibigay ng tunay na kagalakan at pag-asa.

Ipinaliwanag din ni Archbishop Brown na ang tunay na pagkakaibigan ay hindi nakabatay sa pakinabang o pansariling interes kundi sa kalayaan, kabutihang-loob, at tapat na pagmamahal sa kapwa.

“Friendship is truly one of life’s greatest treasures, next only to the gift of life itself. Even wealth without friends feels empty when compared to the joy of good friendship. Friendship strengthens communities and transforms ordinary connections into lasting happiness. Without it, life becomes incomplete and burdensome. This is not merely because we are social beings, but because friendship is a vital bond rooted in freedom, generosity, and goodwill. Friendship is more than duty or utility.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.

Binigyang-diin din nito ang turo ni San Agustin na ang tunay na kaibigan ay nananatiling tapat sa anumang kalagayan ng buhay.

Ayon kay Archbishop Brown, ang pagkakaibigan ay higit pang nagiging ganap sa pananampalatayang Kristiyano sapagkat ito ay nagiging pakikipagkaisa kay Kristo na humahamon sa mga mananampalataya na sama-samang maglingkod, ipagtanggol ang pananampalataya, at pangalagaan ang pagkakaisa ng Simbahan.

“In our mission as Christians, friendship means communion in Christ. Together we strive for the faith, resist false teachings, and guard against discord,” Dagdag pa ni Archbishop Brown.

Ipinaalala rin ng kinatawan ng Santo Papa na ang sukdulang larawan ng pagkakaibigan ay ipinakita mismo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buhay para sa Kanyang mga kaibigan.

Kasabay nito ay binati ni Archbishop Brown si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, ang mga obispo, pari, mga nakatalaga sa buhay-relihiyoso, layko, at lalo na ang mga kabataang kalahok sa kumperensya, at hinikayat ang lahat na patuloy na isabuhay ang diwa ng pagkakaibigang nagmumula kay Kristo bilang daan sa masiglang misyon ng ebanghelisasyon.

Isinagawa ang 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII) noong Hulyo 24 hanggang 26, 2026 sa University of Santo Tomas sa Maynila na may temang “Sangkay: I Have Called You Friends” (Jn. 15:15), na naglalayong palalimin ang pakikipagkaibigan kay Hesus at paigtingin ang pakikibahagi ng bawat mananampalataya sa misyon ng Simbahan.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONVERSION OF RELATIONSHIP

 65,352 total views

 65,352 total views “A Filipino culture ruined by politics, of indifference, ideology, self-interest”. Kapanalig, likas sa ating mga Pilipino ang kultura ng pakikipagkapwa o pakikitungo sa

Read More »

NASAAN ANG SIMBAHAN

 93,644 total views

 93,644 total views Kapanalig, malimit nating naririnig ang katanungang, “NASAAN ANG SIMBAHAN”? Kapag may nangyaring trahedya., sakuna., man-made calamities., kawalan ng moral na pamumuno., WHERE IS

Read More »

Upper-middle income na ang Pilipinas

 139,575 total views

 139,575 total views Mga Kapanalig, upgraded na daw ang Pilipinas!  Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ay isa nang upper-middle income country. Ibig sabihin, lumampas na

Read More »

Ibinasurang paraiso

 172,658 total views

 172,658 total views Mga Kapanalig, napanood ba ninyo ang dokumentaryo tungkol sa lupang ninuno o ancestral land ng mga katutubong Aeta na ginawang tambakan ng basura

Read More »

Gaslighting

 196,803 total views

 196,803 total views Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang salitang “gaslighting”? Ang gaslighting ay isang uri ng sikolohikal na manipulasyon kung saan ipinalalabas ng isang

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

CONVERSION OF RELATIONSHIP

 65,354 total views

 65,354 total views “A Filipino culture ruined by politics, of indifference, ideology, self-interest”. Kapanalig, likas sa ating mga Pilipino ang kultura ng pakikipagkapwa o pakikitungo sa

Read More »

NASAAN ANG SIMBAHAN

 93,646 total views

 93,646 total views Kapanalig, malimit nating naririnig ang katanungang, “NASAAN ANG SIMBAHAN”? Kapag may nangyaring trahedya., sakuna., man-made calamities., kawalan ng moral na pamumuno., WHERE IS

Read More »

Upper-middle income na ang Pilipinas

 139,577 total views

 139,577 total views Mga Kapanalig, upgraded na daw ang Pilipinas!  Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ay isa nang upper-middle income country. Ibig sabihin, lumampas na

Read More »

Ibinasurang paraiso

 172,660 total views

 172,660 total views Mga Kapanalig, napanood ba ninyo ang dokumentaryo tungkol sa lupang ninuno o ancestral land ng mga katutubong Aeta na ginawang tambakan ng basura

Read More »
Scroll to Top