Martes, Pebrero 4, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,760 total views

Martes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Hebreo 12, 1-4
Salmo 21, 26b-27. 28 at 30. 31-32

Magpupuri kailanpaman
ang tinawag ng Maykapal.

Marcos 5, 21-43

Tuesday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Hebreo 12, 1-4

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, yamang naliligid tayo ng makapal na saksi, iwaksi natin ang kasalanan, at ang anumang balakid na pumipigil sa atin, at tayo’y buong tiyagang magpatuloy sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Hesus na siyang pinagmulan ng ating pananampalataya, at siya ring nagpapasakdal nito. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo’y nakaluklok sa kanan ng trono ng Diyos.

Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang paglaban ng mga makasalanan upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pagdanak ng iyong dugo ang pakikitunggali ninyo sa kasalanan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 26b-27. 28 at 30. 31-32

Magpupuri kailanpaman
ang tinawag ng Maykapal.

Sa harap ng masunuring mga lingkod mong hinirang,
ang handog na panata ko ay doon ko iaalay.
Magsasawa sa pagkain yaong mga nagdarahop,
aawit ng pagpupuri ang sa Diyos ay dudulog;
buhay nila ay uunlad, sasagana silang lubos.

Magpupuri kailanpaman
ang tinawag ng Maykapal.

Sa dakilang Panginoon, ang lahat ay magbabalik,
ang lahat ng mga lahi ay sasambang may pag-ibig.
Mangangayupapang lahat ang palalo’t mayayabang,
ang lahat ng mga tao ay yuyuko sa Maykapal,
ang narito sa daigdig na nilikhang mamamatay.

Magpupuri kailanpaman
ang tinawag ng Maykapal.

Maging lahing susunod pa ay sasamba’t maglilingkod,
at mayroong mangangaral sa kanila tungkol sa Diyos.
Sa lahat ng sisilang pa’y ganito ang ihahayag,
“sa hinirang niyang bansa ay Panginoon ang nagligtas.”

Magpupuri kailanpaman
ang tinawag ng Maykapal.

ALELUYA
Mateo 8, 17

Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 5, 21-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalipumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.

May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang nahihirapan. Marami nang manggagamot ang tumingin sa kanya, at naubos na sa kapapagamot ang kanyang ari-arian, ngunit hindi siya napabuti kahit kaunti bagkus ay lalong lumubha. Narinig niya ang sinasabi ng mga tao tungkol kay Hesus, kaya’t nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Hesus. At hinipo niya ang damit nito. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Biglang tumigil ang kanyang pagdudugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman naman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong nagsisiksikan ang napakaraming tao, bakit itinatanong ninyo kung sino ang humipo sa inyo?” Subalit patuloy na luminga-linga si Hesus, hinahanap ang humipo sa kanya. Palibhasa’y alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Hesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.”

Samantalang nagsasalita pa si Hesus, may ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Kalakip ang buong pananalig habang nananalangin tayo nang may pananampalataya sa Diyos Ama na tutugunin niya ang ating mga mithiin nang may nag-uumapaw na kabutihang-loob, iluhog natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng buhay, akayin Mo kami.

Ang Simbahang Katolika sa buong daigdig nawa’y maging simbolo ng nagpapagaling na gawain ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang pag-aaruga sa mga may karamdaman sa pangangatawan, isip, at diwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y makilahok at makiisa sa mga nagnanais na mapanatili ang kalusugan at kalinisan ng ating kapaligiran, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga doktor at mga nars, at yaong mga nag-aalaga ng mga maysakit nawa’y maipakita nila ang habag at kahinahunan ni Kristo sa pangangalaga lalo na sa mga maliliit nating mga kapatid, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang siyensya sa panggagamot nawa’y dagling makatagpo ng lunas sa mga di-karaniwang karamdaman na nagiging hadlang sa mga nagdurusa nito upang magkaroon sila ng isang ganap at aktibong pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagluluksa sa kamatayan ng kanilang anak nawa’y makatagpo ng kasiyahan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa habag ng aming mananakop, manalangin tayo sa Panginoon.

Makalangit na Ama, tulungan mo kami na patuloy na manalig sa iyo at sumampalataya sa nagpapagaling na kapangyarihan ng iyong Anak na siyang naghihilom ng aming mga sugat sa buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PAG-ASA

 75,749 total views

 75,749 total views Kapanalig, tayong mga Pilipino ay patuloy na kumakapit sa Pag-asa (Hope). Nang ma-appoint si dating DOJ secretary Crispin Remulla na Ombudsman noong October

Read More »

VP Sara

 97,754 total views

 97,754 total views Kapanalig, mayroong kasabihan na walang lihim na hindi nabubunyag! Nabunyag sa pagdinig ng House Committee on Justice na dumidinig sa impeachment complaint na

Read More »

Itigil ang pagdanak ng dugo

 122,096 total views

 122,096 total views Mga Kapanalig, 19 na katao ang pinagpapatay sa bayan ng Taboso sa Negros Occidental noong ika-19 ng Abril.  Mahigit anim na raang residente

Read More »

Palabas ba ang giyera kontra droga?

 144,656 total views

 144,656 total views Mga Kapanalig, patuloy ang pagdinig ng House Committee on Justice para alamin ang probable cause para ma-impeach si Vice President Sara Duterte. Noong

Read More »

Instrumento ng karahasan

 174,666 total views

 174,666 total views Mga Kapanalig, may panibago na namang bahid sa imahe ng kapulisan. Hindi pa nga nila lubusang nalilinis ang kanilang hanay mula sa pagiging

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Mayo 3, 2026

 3,763 total views

 3,763 total views Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) Mga Gawa 6, 1-7 Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19 Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo’y

Read More »

Sabado, Mayo 2, 2026

 3,763 total views

 3,763 total views Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 13, 44-52 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Kahit saa’y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.

Read More »

Biyernes, Mayo 1, 2026

 7,833 total views

 7,833 total views Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 13, 26-33 Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11 Anak ng Diyos kailanman sa

Read More »

Huwebes, Abril 30, 2026

 9,021 total views

 9,021 total views Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Pio V, papa Mga Gawa 13, 13-25 Salmo 88, 2-3.

Read More »

Miyerkules, Abril 29, 2026

 10,427 total views

 10,427 total views Paggunita kay Santa Catalina de Siena, dalaga at pantas ng Simbahan Mga Gawa 12, 24 – 13, 5a Salmo 66, 2-3. 5. 6

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top