Linggo, Pebrero 16, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,069 total views

Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Jeremias 17, 5-8
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

1 Corinto 15, 12. 16-20
Lucas 6, 17. 20-26

Sixth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Jeremias 17, 5-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Ito ang sinasabi ng Panginoon:

“Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa,
sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
Ang katulad niya’y halamang tumubo sa ilang,
sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.
Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Poon,
pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Ang katulad niya’y halamang nakatanim sa tabi ng batisan,
ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito,
kahit di umulan ay wala itong aalalahanin;
patuloy pa rin itong mamumunga.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 12. 16-20

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Kung ipinangangaral naming si Kristo’y muling nabuhay, ano’t sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo. At kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo’y hindi pa nahahango sa inyong mga kasalanan, at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na nananalig kay Kristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit ang totoo, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.

Ang Salitang Diyos.

ALELUYA
Lucas 6, 23ab

Aleluya! Aleluya!
Magalak kayo’t magdiwang
malaki ang nakalaang
gantimpala ninyong tanan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 6, 17. 20-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, bumaba si Hesus, kasama ang Labindalawa, at tumayo siya sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Tumingin si Hesus sa mga alagad at kanyang sinabi,
“Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!”
“Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo’y bubusugin!”
“Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo’y magagalak!”
“Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo’y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito’y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit — gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.”
“Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan!”
“Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom!”
“Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magdadalamhati at magsisitangis!”
“Sa aba ninyo, kung kayo’y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Sa gabay ng mga pagbasa ngayon, hilingin natin sa Diyos ang biyayang magawa natin lagi ang tamang desisyon at pagsumikapan ang mga ito.

Panginoon, dinggin Mo kami!

Upang ang Simbahan ay hindi mapagod na himukin ang bawat isa sa paggawa ng tamang desisyong na aayon sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo!

Upang patuloy tayong gabayan at pukawin ng Santo Papa at iba pang mga pinuno ng simbahan na
mamuhay ayon sa batas ng Diyos. Manalangin tayo!

Upang ang ating mga pinunong pulitikal at kultural ay bumuo ng kapaligirang nagtataguyod
at nagsusulong ng kung ano ang tama at karapat-dapat. Manalangin tayo!

Upang ang lahat ng mga media practitioners ay tunay na maging puno ng mga magagandang katangian at pukawin ang kanilang mga tagapakinig na gawin ang tama at nararapat. Manalangin tayo!

Upang ikintal ng mga magulang at guro sa kabataan ang taus-pusong pagmamahal sa katotohanan, katapatan, kalinisan, at pagmamahal sa Diyos at kapwa. Manalangin tayo!

Upang lahat tayo ay kumilos ng may pagkakaisa at pagtutulungang makabuo ng pamayanang may tunay na katangiang Pinoy: maawain, mapagbigay, pantay-pantay, maka-Diyos, at may pagkakaisa. Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, tulungan Mo kaming mahalin ang Iyong minamahal at tanggihan ang Iyong
tinatanggihan, nang sa gayon ay makamit namin ang buhay na walang hanggan at kaligayan sa Iyong Kaharian kung saan Ka nabubuhay at naghahari magpakailaman. Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

ACCOUNTABILITY

 8,842 total views

 8,842 total views Pananagutan… Kapanalig, ito ang kaliwa’t-kanang panawagan ng iba’t-ibang grupo.,iba’t-ibang sektor., mga religious organizations sa ating bansa. Naging marubdob., naging malakas., naging sama-sama ang

Read More »

Mula Batanes hanggang… saan?

 78,954 total views

 78,954 total views Mga Kapanalig, may mga teritoryo na naman ng Pilipinas na inaangkin ng mga taga-China.  Sa isang pagtitipon ng mga akademiko sa China, sinabi

Read More »

Walang nakahihigit sa batas

 153,568 total views

 153,568 total views Mga Kapanalig, tuluyan nang naisailalim sa kustodiya ng Sandiganbayan si Senador Rodante Marcoleta matapos siyang arestuhin dahil sa kasong plunder. Naganap ito apat na

Read More »

Objection!

 233,647 total views

 233,647 total views Mga Kapanalig, nagsimula na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.  Sa unang mga araw ng paglilitis, nakatuon ang Senado, bilang impeachment

Read More »

PAHIRAP SA MGA PILIPINO

 276,657 total views

 276,657 total views Kapanalig, nakakahinga ka pa napakabigat na pasanin? Ipinagmamalaki ng pamahalaan na bumagal ang inflation sa bansa na naitala sa 6.4-percent noong nakaraang buwan

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Hulyo 19, 2026

 1,081 total views

 1,081 total views Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Karunungan 12, 13. 16-19 Salmo 85, 5-6. 9-10. 15-16a Poon, ikaw ay mabuti sa lahat ng

Read More »

Sabado, Hulyo 18, 2026

 3,030 total views

 3,030 total views Sabado ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado Mikas 2, 1-5 Salmo 9, 22-23.

Read More »

Biyernes, Hulyo 17, 2026

 4,572 total views

 4,572 total views Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8 Isaias 38, 10. 11. 12abkd. 16 Buhay ko’y ‘yong iniligtas,

Read More »

Huwebes, Hulyo 16, 2026

 5,741 total views

 5,741 total views Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Isaias 26, 7-9. 12. 16-19 Salmo 101, 13-14ab at 15. 16-18. 19-21 Mula sa iyong

Read More »

Miyerkules, Hulyo 15, 2026

 6,666 total views

 6,666 total views Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan Isaias 10, 5-7. 13-16 Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15 Ang Poo’y di tatalikod

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top