Linggo, Abril 13, 2025

SHARE THE TRUTH

 5,335 total reads

Linggo ng Palaspas
ng Pagpapakasakit ng Panginoon (K)

Lucas 19, 28-40

Isaias 50, 4-7
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Filipos 2, 6-11
Lucas 22, 14 – 23, 56
o kaya Lucas 23, 1-49

Palm Sunday of the Lord’s Passion (Red)
Alay Kapwa Sunday

Ang Prusisyon ng Palaspas

MABUTING BALITA
Lucas 19, 28-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Nagpauna si Hesus patungong Jerusalem. Nang malapit na siya sa Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagi’y Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawang alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na bayan. Sa pagpasok doo’y matatagpuan ninyo ang isang bisirong asnong nakatali; hindi pa ito nasasakyan ninuman. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalag, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” Kaya’t lumakad ang mga inutusan at natagpuan nga nila ang asno, ayon sa sinabi sa kanila ni Hesus. Samantalang kinakalag nila ito, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalag iyan?” “Kailangan ito ng Panginoon,” tugon nila. Dinala nila kay Hesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya’y pinasakay nila. Nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay at sa kanyang daraanan nama’y inilalatag ng mga tao ang kanilang mga balabal. Nang malapit na siya – palusong na sa libis ng Bundok ng mga olibo – nagsigawan sa galak ang buong pangkat ng mga alagad at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kababalaghang nasaksihan nila. Ang wika nila, “Purihin ang hari na dumarating sa ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!”

Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo nga ang iyong mga alagad.” Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo: kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Ang Misa

UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin,
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis
ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon,
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap.
Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
Siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
ikaw bayan ng Israel ay sumamba at maglingkod.

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Si Kristo Hesus bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos,
bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9

Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.

MABUTING BALITA
Lucas 22, 14 – 23, 56

Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Lucas

Nang dumating na ang oras, dumulog si Hesus sa hapag, kasama ang kanyang mga apostol. At sinabi niya sa kanila, “Malaon ko nang inaasam-asam na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskuwang ito bago ako magbata. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito’y maganap sa kaharian ng Diyos.” Hinawakan niya ang isang kalis, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo na mula ngayo’y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga’t hindi dumarating ang kaharian ng Diyos.” At dumampot siya ng tinapay at, matapos magpasalamat sa Diyos, kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Gayon din naman, dinampot niya ang kalis pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan ng aking dugo na mabubuhos dahil sa inyo.”

“Ngunit kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos; ngunit nakapangingilabot ang sasapitin ng taong magkakanulo sa kanya.” At sila’y nagtanung-tanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng gayon.

Nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilanling pinakadakila. At sinabi sa kanila ni Hesus, “Ang mga hari sa mundong ito’y pinapanginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga maykapangyarihan ay napatatawag na mga tagatangkilik nila. Ngunit hindi gayon sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na siyang pinakabata, at ang namumuno’y tagapaglingkod. Sino ba ang higit na dakila, ang nakadulog sa hapag o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako’y kasama-sama ninyo bilang isang naglilingkod.

“Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. Kung paanong pinaglalaanan ako ng Ama ng kaharian, gayun din naman, pinaglalaanan ko kayo ng dako sa aking kaharian. Kayo’y kakain at iinom na kasalo ko, at luluklok sa mga trono upang mamahala sa labindalawang angkan ng Israel.

“Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas at ipinahintulot naman sa kanya, na kayong lahat ay subukin. Subalit idinalangin ko na huwag lubusang mawala ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.” Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!” “Pedro,” ani Hesus, “tandaan mo: bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makaitlo mo akong itatatwa.”

Pagkatapos, tinanong sila ni Hesus, “Nang suguin ko kayo nang walang dalang lukbutan, supot, o panyapak, kinulang ba kayo ng anuman?” “Hindi po,” tugon nila. Sinabi niya, “Ngunit ngayon, kung kayo’y may lukbutan o supot, dalhin ninyo. Ang walang tabak – ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isa. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatan: ‘Ibinilang siya sa mga salarin.’ Sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na!” At sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya.

Gaya ng kanyang kinaugalian, umalis si Hesus at nagtungo sa Bundok ng mga Olibo; at sumama ang mga alagad. Pagdating doo’y sinabi niya sa kanila. “Manalangin kayo, nang hindi kayo madaig ng tukso.” Lumayo siya sa kanila nang may isang pukol ng bato, saka lumuhod at nanalangin. “Ama,” wika niya, “kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis na ito. Gayunma’y huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” Napakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. Tigib ng hapis, siya’y nanalangin nang lalong taimtim; tumulo sa lupa ang kanyang pawis na animo’y malalaking patak ng dugo.

Tumindig siya pagkapanalangin at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa tindi ng dalamhati. “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Nagsasalita pa si Hesus nang dumating ang maraming tao, na pinangungunahan ni Judas, kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Hesus upang hagkan. Sinabi nito sa kanya, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?” Nang makita ng mga alagad na kasama niya kung ano ang mangyayari, sinabi nila, “Panginoon, mananaga na po kami!” At tinaga nga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong saserdote at natigpas ang kanang tainga niyon. Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag! Hayaan ninyo sila!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling.

Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at sa mga pinuno ng mga bantay sa templo at sa matatanda ng bayan, na naparoon upang dakpin siya, “Ako ba’y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? Araw-araw, nagtuturo ako sa templo at naroon din kayo; ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit panahon ninyo ngayon at ang kapangyarihan ng kadiliman ang namamayani.”

Dinakip nga nila si Hesus at dinala sa bahay ng pinakapunong saserdote. Si Pedro nama’y sumunod sa kanya, ngunit malayo ang agwat. Nang maparikit na ang apoy sa gitna ng patyo, naupo sa paligid ang mga taong naroon; si Pedro nama’y nakiumpok sa kanila. Nakita siya ng isang utusang babae at siya’y pinagmasdang mabuti. “Kasama rin ni Hesus ang taong ito!” sabi niya. Ngunit itinatwa ito ni Pedro. “Aba, hindi!” sagot niya. “Ni hindi ko siya nakikilala!” Pagkaraan ng ilang sandali, napansin siya ng isang lalaki at nagtanong ito, “Isa ka rin sa kanila, ano?” Ngunit sumagot siya, “Nagkakamali kayo, Ginoo!” Pagkalipas ng humigit-kumulang na isang oras ay iginiit naman ng isa, “Kasama nga ni Hesus ang taong ito. Isa rin siyang Galileo.” Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!” Nagsasalita pa siya nang tumilaok ang manok. Lumingon ang Panginoon at tinitigan si Pedro. Naalaala nito ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makaitlo mo akong itatatwa.” Lumabas si Pedro at nanangis nang buong saklap.

Samantala, si Hesus ay nililibak at hinahampas ng mga nagtatanod sa kanya. Siya’y piniringan nila at tinanong, “Sige, hulaan mo nga! Sino ang humampas sa iyo?” At kung anu-ano pang panlalait ang sinabi sa kanya.

Kinaumagahan, nagtipon ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, at ang mga eskriba – ang Sanedrin – at iniharap si Hesus sa kanilang kapulungan. “Sabihin mo sa amin,” wika nila, “ikaw ba ang Mesiyas?” Sumagot siya, “Sabihin ko man sa inyo, hindi kayo maniniwala, at kung tanungin ko kayo, hindi naman kayo sasagot. Ngunit mula ngayon, ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos.” “Ibig mong sabihi’y ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat. “Kayo na rin ang nagsasabing ako nga,” tugon niya. Sinabi nila, “Ano pang patotoo ang kailangan natin? Tayo na ang nakarinig – mula sa sarili niyang bibig!”

Tumindig ang buong kapulungan at dinala si Hesus kay Pilato. Sinimulan nilang paratangan siya. Anila, “Ang taong ito’y nahuli naming nanunulsol sa aming kababayan na maghimagsik, at nagbabawal ng pagbabayad ng buwis sa Cesar. Pinapaniwala pa niya ang mga tao na siya ang Kristo, isang hari.” At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Kayo na ang nagsasabi,” tugon ni Hesus. Sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Ngunit mapilit sila at ang wika, “Sa pamamagitan ng kanyang mga turo’y inuudyukan niyang maghimagsik ang buong Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo’y narito na.”

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Hesus. At nang malamang siya’y mula sa nasasakupan ni Herodes, kanyang ipinadala siya sa taong ito na noon nama’y nasa Jerusalem. Tuwang-tuwa ito nang makita si Hesus. Marami na siyang nabalitaan tungkol dito at matagal na niyang ibig makita. Umaasa siyang gagawa ito ng kababalaghan at ibig niyang makita iyon. Kaya’t tinanong niya nang tinanong si Hesus, ngunit hindi ito sumagot kaunti man. Naroon ang mga punong saserdote at ang mga eskriba na walang tigil ng kapaparatang kay Hesus. Hinamak siya at tinuya ni Herodes, pati ng kanyang mga kawal. Sinuutan siya ng maringal na damit at ipinabalik kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati’y magkagalit.

Ipinatawag ni Pilato ang mga punong saserdote, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga tao. Ngayon, siniyasat ko siya sa harapan ninyo, at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayon din si Herodes, kaya si Hesus ay ipinabalik niya sa akin. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan – wala siyang kasalanan. Kaya’t ipahahagupit ko lamang siya saka palalayain.” Tuwing Paskuwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo para sa kanila. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang madla, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas!” Nabilanggo si Barrabas dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod, at dahil sa pagpatay. Minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, sa pagnanais na mapalaya si Hesus; ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya’y ipapatay, ipahahagupit ko na lamang siya at saka palalayain.” Datapwa’t lalo nilang ipinagsisigawan na dapat ipako si Hesus sa krus; at sa wakas ay nanaig ang kanilang sigaw. Kaya’t ipinasiya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ayon sa hinihingi nila, at ibinigay sa kanila si Hesus upang gawin ang kanilang kagustuhan.

Nang dala na nila si Hesus upang ipako, nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid. Ito’y si Simon na taga-Cirene. Pinigil nila ito at ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Hesus.

Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin sa tuyo?”

May dinala pa silang dalawang salarin upang pataying kasama ni Hesus. Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Hesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuotan ang mapupunta sa isa’t isa. Ang mga tao’y nakatayo roon at nanonood; nililibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Hesus, “Ama, sa kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Nang makita ng kapitan ang nangyari, siya’y nagpuri sa Diyos. “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” sabi niya. Ang nangyaring ito’y nakita ng lahat ng taong nagkakatipon at nagmamasid; at umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaing sumunod sa kanya mula sa Galilea, at nakita rin nila ang mga bagay na ito.

May isang lalaki na ang ngala’y Jose, tubo sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio. Mabuti at matuwid ang taong ito at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. Bagamat kagawad siya ng Sanedrin, hindi siya sang-ayon sa kanilang ginawa kay Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Nang maibaba na ang bangkay, binalot niya ito ng kayong lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato – hindi pa iyon napaglilibingan. Araw noon ng Paghahanda, at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga.

Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Hesus mula sa Galilea, at nakita nila ang pinaglibingan, pati ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Hesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Lucas 23, 1-49

Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Tumindig ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, at ang mga eskriba. Dinala nila si Hesus kay Pilato. Sinimulan nilang paratangan siya. Anila, “Ang taong ito’y nahuli naming nanunulsol sa aming kababayan na maghimagsik, at nagbabawal ng pagbabayad ng buwis sa Cesar. Pinapaniwala pa niya ang mga tao na siya ang Kristo, isang hari.” At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Kayo na ang nagsasabi,” tugon ni Hesus. Sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Ngunit mapilit sila at ang wika, “Sa pamamagitan ng kanyang mga turo’y inuudyukan niyang maghimagsik ang buong Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo’y narito na.”

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Hesus. At nang malamang siya’y mula sa nasasakupan ni Herodes, kanyang ipinadala siya sa taong ito na noon nama’y nasa Jerusalem. Tuwang-tuwa ito nang makita si Hesus. Marami na siyang nabalitaan tungkol dito at matagal na niyang ibig makita. Umaasa siyang gagawa ito ng kababalaghan at ibig niyang makita iyon. Kaya’t tinanong niya nang tinanong si Hesus, ngunit hindi ito sumagot kaunti man. Naroon ang mga punong saserdote at ang mga eskriba na walang tigil ng kapaparatang kay Hesus. Hinamak siya at tinuya ni Herodes, pati ng kanyang mga kawal. Sinuutan siya ng maringal na damit at ipinabalik kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati’y magkagalit.

Ipinatawag ni Pilato ang mga punong saserdote, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga tao. Ngayon, siniyasat ko siya sa harapan ninyo, at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayon din si Herodes, kaya si Hesus ay ipinabalik niya sa akin. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan – wala siyang kasalanan. Kaya’t ipahahagupit ko lamang siya saka palalayain.” Tuwing Paskuwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo para sa kanila. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang madla, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas!” Nabilanggo si Barrabas dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod, at dahil sa pagpatay. Minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, sa pagnanais na mapalaya si Hesus; ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako sa krus! Ipako siya sa krus!” Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya’y ipapatay. Ipahahagupit ko na lamang siya at saka palalayain.” Datapwa’t lalo nilang ipinagsisigawan na dapat ipako si Hesus sa krus; at sa wakas ay nanaig ang kanilang sigaw. Kaya’t ipinasiya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ayon sa hinihingi nila, at ibinigay sa kanila si Hesus upang gawin ang kanilang kagustuhan.

Nang dala na nila si Hesus upang ipako, nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid. Ito’y si Simon na taga-Cirene. Pinigil nila ito at ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Hesus.

Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman ang gagawin sa tuyo?”

May dinala pa silang dalawang salarin upang pataying kasama ni Hesus. Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Hesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuotan ang mapupunta sa isa’t isa. Ang mga tao’y nakatayo roon at nanonood; nililibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa masama.” At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Hesus, “Ama, sa kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Nang makita ng kapitan ang nangyari, siya’y nagpuri sa Diyos. “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” sabi niya. Ang nangyaring ito’y nakita ng lahat ng taong nagkakatipon at nagmamasid; at umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaing sumunod sa kanya mula sa Galilea, at nakita rin nila ang mga bagay na ito.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (K)

Buong pagtitiwala sa mahabaging pagmamahal ng Panginoon na nakauunawa sa ating mga kahirapan at pangangailangan, idulog natin ang ating mga kahilingan. Manalangin tayo:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Nawa, tulad ng nagsitanggap sa kanya sa Jerusalem, maging bukas lagi ang mga puso ng lahat ng
nananampalataya sa pagtanggap kay Hesus. Manalangin tayo!

Nawa ang Santo Papa, ating Obispo, at ating mga pari ay magpatuloy sa paggabay sa atin na maging tapat kay Hesus sa pamamagitan ng kabanalan ng kanilang buhay. Manalangin tayo!

Nawa ang paghatol ng lahat ng hukom sa ating bayan ay maging walang pagkiling o katiwalian. Manalangin tayo!

Nawa ang mga biktimang pinagkaitan ng katarungan ay magpatuloy sa paghahanap ng katarungan nang may tibay ng loob at magtamo ng nauukol sa kanila. Manalangin tayo!

Nawa maunawaan nating ang mga hirap at sakit ni Hesus ay dahil sa sarili nating mga pagkakasala at kawalan ng pagsisisi. Manalangin tayo!

Tahimik nating idalangin ang pansarili nating mga kahilingan. (Manahimik sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, alalayan Mo kaming mabuhay alinsunod sa turo ni Hesus. Sa pakikibahagi namin sa kanyang paghihirap, makibahagi rin nawa kami sa kanyang kaluwalhatiang walang hanggan. Amen!

 

PAANO MABUHAY SA 96-PESOS

 18,257 total reads

Kapanalig, ipinagyayabang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang poverty statistics ng Philippine Statistics Authority na hindi ka maituturing na mahirap kapag kumikita ka ng 96-pesos sa isang araw o katumbas ng 14,634 pesos sa isang buwan. Ito ang poverty threshold ng gobyerno para sa family of five na matugunan ang pangangailangan sa pagkain, non-food requirements tulad ng bayarin sa bahay, transportasyon,edukasyon, tubig, kuryente at healthcare. Pinagluluko ba tayo ng gobyerno ni PBBM?

Paano ka mabubuhay sa 96-pesos sa loob ng isang araw? Sa pamasahe pa lang, kulang na ang nasabing halaga, paano ang pagkain mo? Magtitiis ka na lang sa “langhap sarap” kasabay ng buntong-hininga. Ang mahirap sa magagaling at matatalinong Department of Planning and Economy  Development, dukha ka na nga, gagawin pa tayong bobo o hindi man lang marunong magbilang at magkuwenta?

Kahit anong gawin mong aritmitik sa 96-pesos na kita sa loob ng isang araw, hindi ka mabubuhay! Paano nasasabi ng DepEV daily cost of living ang 96-pesos? Ano ang kanilang naging batayan?

Ang reyalidad Kapanalig, maging sa isang street dweller ay hindi magkakasya ang nobenta y sais pesos. Kung 96-pesos ang poverty threshold ng administrasyong Marcos, wala nang mahihirap na mga Pilipino.

Tinagurian ng IBON Foundation ang poverty threshold ng pamahalaan na “problematic, outdated at unrealistic o hindi makatotohanan. Ang problema ng administrasyong Marcos, binabalewala nito ang laganap na kahirapan o karukhaan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga “band-aid solutions” sa halip na resolbahin ang ugat ng kahirapan tulad ng sistimatikong korapsyon sa pera ng taumbayan.

Ang nakakalungkot at nakaka-highblood, tinagurian tayong “mayayabang” ng mismong gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas kaya walang naiipon at naghihirap sa buhay.

Walang karapatan si BSP Gov.Eli Remolona Jr., na tawagin tayong mga Pilipino na mayayabang! Bakit?

Napakalaki ng pinapasahod natin sa walang modong gobernador ng B-S-P. Kapanalig, batay sa Commission on Audit report sa salaries and allowances o (ROSA) ng mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas para sa taong 2025, sila ang may pinakamalaking sahod sa lahat ng kawani ng pamahalaan.

Bakit sila pinagpala? Sa report ng COA, si BSP GOV. Eli Remolona Jr. ay tumatanggap ng nakakalulang  ₱52.756 milyong-pisong total compensation kabilang na ang basic salary, bonuses, incentives, at allowances. Napakalakas pa ng loob ng opisyal na ito para tapak-tapakan tayong mga nagpapasahod sa kanya. Ang dalawang Senior Assistant Governor ng BSP na sina Johnny Noe Ravalo at Edna Villa, ₱30.588 million at ₱30.520 million ang kinikita kada taon.

Tumatanggap naman ang Monetary Board Members ng B-S-P na kinabibilangan ni budget secretary Benjamin Diokno at Romeo Bernardo, Rosalia De Leon, Jose Querubin, at Walter Wassmer tumataginting na ₱29.852 million hanggang ₱30.199 million; ang Deputy Assistants at senior assistant governors na sina Chuchi Fonacier, Mamerto Tangonan, Bernadette Romulo Puyat, Zeno Ronald Abenoja, Arifa Ala, at Lyn Javier ay tumatanggap ng ₱28.82 million kada taon. Akalain mo, yung 96-pesos na poverty threshold ng administrasyong Marcos ay negative percent sa kinikita ng mga opisyal na ito? Ano ba ang espesyal nilang trabaho, bakit natin sila pinapasahuran ng napakalaki?

Kapanalig, basura man ang turing sa atin ng kapwa, tayo ay biyaya para sa Diyos tulad ng sinasabi ng  Luke 6:20 – “And he lifted up his eyes on his disciples, and said, Blessed be ye poor: for yours is the kingdom of God.” Sinasabi din ng James 2:5 – “Hearken, my beloved brethren, Hath not God chosen the poor of this world rich in faith, and heirs of the kingdom which he hath promised to them that love him?”

Sumainyo ang Katotohanan.

PAGLALAKBAY SA DAAN NG KAPAYAPAAN

 3,828 total reads

Ang kapayapaan ay hindi kawalan ng problema, kundi ang kakayahang manatiling panatag sa kabila ng mga unos ng buhay. Nagsisimula ito sa pagtanggap, pagpapatawad, at pagtitiwala sa Diyos sa mga bagay na hindi natin kayang baguhin. Sapagkat hindi man laging tahimik ang ating paligid, maaari pa ring magkaroon ng katahimikan ang ating puso kapag ipinauubaya natin sa Kanya ang ating mga pangamba. At sa kapayapaang ating natatagpuan, nawa’y maging daan din tayo upang mapanatag ang puso ng iba.

OUTSMARTED

 5,308 total reads

Gospel Reading for November 06, 2026 – Luke 16: 1-8

OUTSMARTED

Jesus said to his disciples, “A rich man had a steward who was reported to him for squandering his property. He summoned him and said, ‘What is this I hear about you?Prepare a full account of your stewardship, because you can no longer be my steward.’ The steward said to himself, ‘What shall I do, now that my master is taking the position of steward away from me? I am not strong enough to dig and I am ashamed to beg. I know what I shall do so that, when I am removed from the stewardship, they may welcome me into their homes.’ He called in his master’s debtors one by one. To the first he said, ‘How much do you owe my master?’ He replied, ‘One hundred measures of olive oil.’ He said to him, ‘Here is your promissory note. Sit down and quickly write one for fifty.’ Then to another he said, ‘And you, how much do you owe?’ He replied, ‘One hundred measures of wheat.’ He said to him, ‘Here is your promissory note; write one for eighty.’ And the master commended that dishonest steward for acting prudently. For the children of this world are more prudent in dealing with their own generation than the children of light.”

————

Satan is as sly as sly can be. He teaches those who allow him to influence them the wily ways that can often outsmart even those who are good.

Although Jesus teaches us to forgive those who wrong us, he never taught us that the wrong they do should be tolerated. Otherwise, he would not have used such strong words against the scribes, Pharisees, and chief priests. Neither would he have driven out the merchants and money changers from the Temple.

Let us also not make the mistake of thinking that because the master in the parable commended the dishonest steward, Jesus was commending his dishonesty, too. Rather, Jesus was pointing out the steward’s shrewdness and resourcefulness. He was teaching us that Christians, who are children of the light, should be just as wise and resourceful in pursuing what is good and in building God’s Kingdom. We should never allow ourselves to be OUTSMARTED by the evil one.

“Be alert and of sober mind. Your enemy the devil prowls around like a roaring lion looking for someone to devour.” (1 Peter 5:8)

Sometimes, even the children of light who are supposed to expose evil become deceived because they grow complacent, thinking that being children of God makes them safe from the influence of the evil one. This is precisely why we must remain vigilant. No one is beyond temptation, even Jesus, the Son of God that he is, was tempted by Satan in the desert. No one should ever consider him/herself immune to sin. The moment we believe we are no longer vulnerable to evil may be the moment we become most vulnerable to it.

So, when the evil one tries to influence our minds by making us believe that doing things contrary to the teachings of Jesus is justifiable, we must remain alert and clear-minded. The devil will never lead us toward what is good because his purpose is to lead us away from God and destroy what God has created.

Lord Jesus, may your Spirit always grant us the wisdom and strength to make the right decisions in our daily lives. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PAANO MABUHAY SA 96-PESOS

 18,258 total reads

 18,258 total reads Kapanalig, ipinagyayabang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang poverty statistics ng Philippine Statistics Authority na hindi ka maituturing na mahirap kapag kumikita ka

Read More »

MAHIYA NAMAN KAYO

 90,254 total reads

 90,254 total reads Kapanalig, JULY 28, 2025… naalala niyo pa ba? Ito ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ng pangulong Ferdinand Marcos Jr.,

Read More »

Kasaysayang ayaw nating maulit

 176,755 total reads

 176,755 total reads Mga Kapanalig, mahigit isang taon na mula nang mabunyag ang iskandalo sa mga palpak at pekeng flood control projects. May mga inaresto at

Read More »

Angry nerds

 219,789 total reads

 219,789 total reads Mga Kapanalig, tila wala namang tinamaan sa mga sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA noong isang taon na: “Mahiya naman kayo!”

Read More »

Don’t panic?

 268,704 total reads

 268,704 total reads Mga Kapanalig, bumagsak ang halaga ng piso sa panibagong pinakamababang antas na mahigit sa ₱64 kada isang US dollar! May epekto sa halaga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Huwebes, Nobyembre 5, 2026

 10,960 total reads

 10,960 total reads Huwebes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Filipos 3, 3-8a Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7 Ang may pusong tapat sa D’yos ay

Read More »

Miyerkules, Nobyembre 4, 2026

 13,482 total reads

 13,482 total reads Paggunita kay San Carlos Borromeo, obispo Filipos 2, 12-18 Salmo 26, 1. 4. 13-14 Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan. Lucas 14, 25-33

Read More »

Martes, Nobyembre 3, 2026

 15,567 total reads

 15,567 total reads Martes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Martin de Porres, namanata sa Diyos Filipos 2, 5-11 Salmo

Read More »

Lunes, Nobyembre 2, 2026

 14,086 total reads

 14,086 total reads Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano Mga Pagbasa para sa Unang Misa 2 Macabeo 12, 43-46 Salmo 103, 8 at 10.

Read More »

Linggo, Nobyembre 1, 2026

 15,185 total reads

 15,185 total reads Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal Pahayag 7, 2-4. 9-14 Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6 Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top