Huwebes, Abril 17, 2025

SHARE THE TRUTH

 6,790 total views

Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon

Exodo 12, 1-8. 11-14
Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

1 Corinto 11, 23-26
Juan 13, 1-15

Thursday of the Lord’s Supper (White)

UNANG PAGBASA
Exodo 12, 1-8. 11-14

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Mula ngayon, ang buwang ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong pamayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat puno ng sambahayan ay pipili ng isang kordero o bisirong kambing para sa kanyang pamilya. Kung maliit ang pamilya at hindi makauubos ng isang buong kordero, magsasalo sila ng kalapit na pamilya, na hindi rin makauubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang kordero ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang ang kordero ay lalaki, isang taong gulang, walang pinsala o kapintasan. Kung walang tupa ay kahit kambing. Aalagaan itong mabuti hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang kordero. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa mga hamba at sombrero ng pintuan ng bahay na kakainan ng kordero. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaning kasama ng tinapay na walang lebadura at ng mapapait na gulay. Ganito naman ang magiging ayos ninyo sa pagkain nito: nakabigkis, nakasandalyas at may tangang tungkod; dalidali ang inyong pagkain nito. Ito ang Paskuwa ng Panginoon.

“Sa gabing yaon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop man. At parurusahan ko ang lahat ng diyus-diyusan sa Egipto. Ako ang Panginoon. Lalampasan ko ang lahat ng bahay na makita kong may pahid na dugo, at walang pinsalang mangyayari sa inyo sa pagpaparusa ko sa buong Egipto. Ang dugo ang siyang magiging palatandaan na Israelita ang nakatira sa bahay na iyon. Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo magpakailanman bilang pista ng Panginoon.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.
Katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 11, 23-26

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay kumuha ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Gayun din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 13, 34

Ang bagong utos ko’y ito:
mag-ibigan sana kayo
katulad ng ginawa ko
na pagmamahal sa inyo,
ang sabi ni Hesukristo.

MABUTING BALITA
Juan 13, 1-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.

Naghahapunan si Hesus at ang mga alagad. Naisilid na ng diyablo sa isip ni Judas, anak ni Simon Iscariote, ang pagkakanulo kay Hesus. Alam ni Hesus na ibinigay na sa kanya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Hesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuotan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. “Panginoon,” sabi niya, “diyata’t kayo pa ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo nauunawan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Sinabi sa kanya ni Pedro. “Hinding-hindi ko po pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa.” “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,” tugon ni Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Panginoon, hindi lamang po ang mga paa ko, kundi pati ang aking kamay at ulo!” Ani Hesus, “Maliban sa kanyang mga paa, hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.” Sapagkat alam ni Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya sinabi niyang malinis na sila, ngunit hindi lahat.

Nang mahugasan na ni Hesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong mahugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Huwebes Santo

Sa Huling Hapunan, ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Hesus ang hindi malilimot na halimbawa ng kababaang-loob at malasakit sa lahat ng mananampalataya sa pagtatatag ng Sakramento ng Pagpapari at ng Eukaristiya. Ipanalangin nating maging mabunga ang mga biyayang ito, habang sinasabi:

Panginoon, gawin Mo kaming mga taong Eukaristiko!

Para sa buong Simbahan, ang pamayanan ng mga disipulo ni Kristo: Mangibabaw nawa sa kanya ang pagmamahalan, pakum- babang paglilingkod, at bukas-palad na pagbibigay. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at ibang mga pinuno ng Simbahan: Tularan nawa nila ang kababaang-loob ni Hesus sa pagtupad sa kanilang tungkulin sa sambayanan ng mga sumasampalataya. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng paring gumugunita sa kanilang paglilingkod bilang pari sa araw na ito: Ang kanila nawang buong buhay ay maging isang paglilingkod na puspos ng kababaang-loob at pagmamahal sa sambayanan, tulad ng kay Kristo. Manalangin tayo!

Para sa mga parokya: Sila nawa ay maging tunay na sambayanang Eukaristiko na nagpapakita ng katangi-tanging pagmamahal sa mga nagdurusa. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng natitipon dito upang ipagdiwang ang sakramento ng pag-ibig ni Kristo: Pangalagaan nawa natin sa ating pang-araw-araw na buhay ang pagkakaisa at pagmamahal na ating pinasisigla sa Hapag ng Panginoon. Manalangin tayo!

Taimtim nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumahimik sandali.)
Manalangin tayo!

Diyos Ama, ibinigay Mo sa amin si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Walang Hanggang Punong Saserdote. Nawa ang aming buhay ay laging maging salamin ng kanyang buhay, hanggang sumapit ang oras ng pakikibahagi sa Walang Hanggang Piging sa langit, magpasawalang hanggan. Amen!


Huwebes Santo
Pagmimisang may Pagbabasbas ng Langis

Isaias 61, 1-3a. 6a. 8b-9
Salmo 88, 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Pahayag 1, 5-8
Lucas 4, 16-21

Chrism Mass (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 61, 1-3a. 6a. 8b-9

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Pinuspos ako ng Panginoon
ng kanyang Espiritu.
Hinirang niya ako
upang ang magandang balita’y
dalhin sa mahihirap,
pagalingin ang sugat ng puso,
palayain ang mga bihag at bilanggo.
Sinugo n’ya ako,
upang ibalitang ngayo’y panahon nang
iligtas ng Panginoon ang mga tao na hinirang niya,
at upang lupigin lahat ang mga kaaway;
Ako ay sinugo upang aliwin ang nangungulila,
upang ang tumatangis
na mga taga-Sion ay paligayahin.
Sa halip ng lungkot,
awit ng pagpuri yaong aawitin;
upang ang langis ng kagalakan ay ihatid sa tanan;
ang Diyos na Panginoon
iingatan sila at kakalingain.
Ngunit kayo nama’y
siyang maglilingkod sa Diyos na Panginoon,
kayo ay gagawin niyang saserdote.
Ang kayamanan ng ibang bansa’y
inyong makakamtan,
aariin ninyong may galak sa buhay.
Ang sabi ng Panginoon:
“Ako’y namumuhi sa pagkakasala at pang-aalipin,
gawang katarungan ang mahal sa akin.
Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin.
Itong lahi nila
ay makikilala sa lahat ng bansa,
pati anak nila’y
makikilala rin sa gitna ng madla;
sila’y kikilanling anak ng Panginoon saanman makita,
at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko’t aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

IKALAWANG PAGBASA
Pahayag 1, 5-8

Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Sumainyo ang pagpapala at kapayapaan mula kay Hesukristo, ang tapat na saksi, ang unang nabuhay sa mga patay, at Hari ng mga hari sa lupa.

Iniibig niya tayo, at sa kanyang pagkamatay ay pinalaya niya tayo mula sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang liping maharlika upang maglingkod sa Diyos at kanyang Ama bilang mga saserdote. Kay Hesukristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Pakatandaan ninyo! Darating siyang nasa mga alapaap, makikita ng lahat, pati ng umulos sa kanyang tagiliran; dahil sa kanya, iiyak ang lahat ng lipi sa lupa. Magkakagayon nga. Amen.

“Ako ang Alpha at ang Omega,” wika ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Isaias 61, 1 (Lucas 4, 18)

Espiritu ng Poong D’yos
sa akin ay lumulukob.
Ako’y sugo niyang lingkod
nang sa dukha’y maidulot
ang balita ng pagtubos.

MABUTING BALITA
Lucas 4, 16-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
at sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Nilulon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PAG-ASA

 64,813 total views

 64,813 total views Kapanalig, tayong mga Pilipino ay patuloy na kumakapit sa Pag-asa (Hope). Nang ma-appoint si dating DOJ secretary Crispin Remulla na Ombudsman noong October

Read More »

VP Sara

 86,818 total views

 86,818 total views Kapanalig, mayroong kasabihan na walang lihim na hindi nabubunyag! Nabunyag sa pagdinig ng House Committee on Justice na dumidinig sa impeachment complaint na

Read More »

Itigil ang pagdanak ng dugo

 111,160 total views

 111,160 total views Mga Kapanalig, 19 na katao ang pinagpapatay sa bayan ng Taboso sa Negros Occidental noong ika-19 ng Abril.  Mahigit anim na raang residente

Read More »

Palabas ba ang giyera kontra droga?

 133,984 total views

 133,984 total views Mga Kapanalig, patuloy ang pagdinig ng House Committee on Justice para alamin ang probable cause para ma-impeach si Vice President Sara Duterte. Noong

Read More »

Instrumento ng karahasan

 164,818 total views

 164,818 total views Mga Kapanalig, may panibago na namang bahid sa imahe ng kapulisan. Hindi pa nga nila lubusang nalilinis ang kanilang hanay mula sa pagiging

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Mayo 3, 2026

 3,088 total views

 3,088 total views Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) Mga Gawa 6, 1-7 Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19 Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo’y

Read More »

Sabado, Mayo 2, 2026

 3,088 total views

 3,088 total views Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 13, 44-52 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Kahit saa’y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.

Read More »

Biyernes, Mayo 1, 2026

 7,158 total views

 7,158 total views Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 13, 26-33 Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11 Anak ng Diyos kailanman sa

Read More »

Huwebes, Abril 30, 2026

 8,610 total views

 8,610 total views Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Pio V, papa Mga Gawa 13, 13-25 Salmo 88, 2-3.

Read More »

Miyerkules, Abril 29, 2026

 10,016 total views

 10,016 total views Paggunita kay Santa Catalina de Siena, dalaga at pantas ng Simbahan Mga Gawa 12, 24 – 13, 5a Salmo 66, 2-3. 5. 6

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top