Miyerkules, Mayo 7, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,107 total views

Miyerkules sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 8, 1b-8
Salmo 65, 1-3a. 4-5. 6-7a.

Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.

Juan 6, 35-40

Wednesday of the Third Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 8, 1b-8

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Nagsimula nang araw na iyon ang isang mahigpit na pag-uusig laban sa Simbahan sa Jerusalem. At liban sa mga apostol, lahat ng sumasampalataya ay nangalat sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama’y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos, at gayun na lamang ang kanilang panangis.

Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang Simbahan: pinapasok niya ang bahay-bahay at kinakaladkad ang mga sumasampalataya at ibinibilanggo, maging lalaki’t maging babae.

Nangalat ang mga mananampalataya, at saanman sila makarating ay ipinangangaral nila ang Salita. Nagpunta si Felipe sa isang lungsod ng Samaria at ipinangaral doon ang Mesiyas. Nang mabalitaan ng mga tao at makita ang mga kababalaghang ginagawa niya, pinakinggan nilang mabuti ang sinasabi niya. Sapagkat ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong inaalihan nito at sumisigaw habang lumalabas; maraming lumpo at mga pilay ang napagaling. Kaya’t nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 65, 1-3a. 4-5. 6-7a

Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.

o kaya: Aleluya!

Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya’y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga.”

Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.

Ang lahat sa lupa ika’y sinasamba
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala’y pinupuri nila.
Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan.
Ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.

Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.

Naging tuyong lupa kahit yaong tubig,
at ang nuno natin ay doon tumawid;
kaya naman tayo’y nagalak nang labis.
Siya’y naghaharing may lakas ang bisig.

Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw.

ALELUYA
Juan 6, 40

Aleluya! Aleluya!
Mabubuhay na totoo
ang lahat ng mga tao
na nananalig kay Kristo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 35-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.

“Ngunit sinabi ko na sa inyo: nakita na ninyo ako, gayunma’y hindi kayo nananalig sa akin. Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin. Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinibigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules

Taglay ang pagtitiwala sa pagiging bukas-loob ng Diyos Ama na naghandog sa atin ng kanyang Anak sa Eukaristiya bilang pagkain para sa ating kaluluwa, ilapit natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain Mo kami sa Eukaristiya.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpatotoo kay Jesus na siyang Tinapay ng Buhay sa mundong nagugutom sa kahulugan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y aktibong makisangkot sa paghahanap ng mga katugunan sa mga pangangailangan at kapakanan ng ating mahihirap na kapatid, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nag-aakalang hindi nila kailangan ang Diyos sa kanilang buhay nawa’y maakit na tumanggap ng Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y maranasan ang mapagmahal na presensya ni Kristo sa kanilang pagtanggap ng Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumaong tumanggap ng Tinapay ng Buhay nawa’y magkamit ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, gawin mo kaming tapat na nagpapasalamat para sa handog mong Eukaristiya na siyang nagbibigay ng pag-asa at kahulugan sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi lang ‘for the content’

 4,022 total views

 4,022 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 177,956 total views

 177,956 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 155,589 total views

 155,589 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 219,638 total views

 219,638 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 239,128 total views

 239,128 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 27, 2026

 218 total views

 218 total views Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin ng Kanterberi, obispo 1 Pedro 1, 18-25 Salmo 147, 12-13.

Read More »

Martes, Mayo 26, 2026

 1,875 total views

 1,875 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 1,875 total views

 1,875 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 1,774 total views

 1,774 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

Sabado, Mayo 23, 2026

 1,023 total views

 1,023 total views Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 28, 16-20. 30-31 Salmo 10, 4. 5. at 7 Poon, ang mga mabuti

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top