
Homiliya para sa araw ng Paggunita kay San Ignacio ng Loyola, 31 Hulyo 2025, Exod 40:16-21, Salmo 84, at Mat 13:47-53
Maikli lang ang buhay natin sa mundo. Sayang naman kung gugulin natin ito sa pakikidigma sa maling kalaban. Sabi nga ni San Pablo sa sulat niya sa mga Efeso 6:12, hindi naman mga tangke at armas ang kailangan natin sa mga tunay na labanan sa mundo. Bakit? Dahil hindi naman mga tao o mga puwersang sandatahan ng mga tao o bayan ang talagang nagtutunggalian sa daigdig kundi mga prinsipyo. Mga puwersang hindi nakikita pero matindi kung kumilos at maka-impluwensya sa ating mga tao at pamayanan ang hinaharap natin araw-araw. Dahil hindi lang mga anghel ang mga espiritung nilikha ng Diyos. Tayo ring mga tao ay mga espiritwal na nilikha; mga sumasakatawang-diwa o espiritu.
Mas mahirap nga namang kalabanin ang hindi-nakikita kaysa nakikita. Pwede silang pumasok at kumilos sa sinuman o alinmang tao, samahan, kilusan o lipunan—na may likas na galing, kakayahan at talino para sa mabuti. Pwedeng kasangkapanin ng mga pwersang espiritwal ang kahit anong institusyon na maibalangkas ng tao. Kumbaga sa mga kabahayan natin, pwedeng anayin ang mga poste sa loob nang hindi namamalayan ng maybahay, at bigla na lang guguho ito, kahit gaano kaganda, kahusay o kagaling ang pagkakagawa.
Tayong lahat ay nilikhang likas na mabuti. Di lang tayo, kundi pati na rin ang lahat ng ating mga kapwa-nilikha sa mundo. Sabi nga ng Kasulatan, nilikha tayong mga tao sa hugis at wangis ng iisang Diyos na mabuti. Pero nilikha rin tayong malayang magpasya o pumili, gamit ang talino ng isip, puso at kaluluwa, nilikha tayong may kakayahang kumilatis sa kalakaran ng mga bagay-bagay at mga pangyayari. Ito kasi ang tunay na larangan ng “digmaang espiritwal”, ng tunggalian ng mga mabuting espiritu at mga espiritung napasama dahil naligaw ng landas o nawalay sa kabutihan.
Sa ganito natin maiintindihan ang sinasabi ni Hesus sa ebanghelyo ngayon. Ang takbo ng kaharian ng Diyos ay katulad daw ng ginagawa ng mangingisda kapag nakahuli ang lambat niya. Pagkaahon sa bangka niya nga nalambat niya, hindi naman lahat ay iuuwi niya. Ang iba ay itatapon niya. Pinipili ang mabuti at iwinawaksi ang walang pakinabang. Ganyan din ang turo ni San Ignacio de Loyola sa kanyang Espiritwal na Pagsasanay na nagpapaunlad ng kakaibang klase ng talino; nagpapahusay sa kakayahan ng tao na kumilatis sa galaw ng mga espiritu, sa mga prinsipyong tama at mali, nakabubuti at nakasasama, at sa iba’t ibang antas ng pagpapahalaga sa mga bagay-bagay.
Ganito rin naman kasi ang tunay na gawaing pinapasok natin sa pananalangin. Pagkakataon ito para sa atin na pumasok sa tunay na templo ng Diyos—ang panloob na silid ng diwa, puso at kaluluwa. Pagkakataon para gumawa ng espasyo ng dalanginan, isang puwang na pamamahayan ng Diyos, isang tahimik, payapa at maayos na kalooban na laan para maging tahanan ng Diyos.
Sabi nga ng Salmo 84:2-3 “Nananabik akong pumasok sa iyong templo o Panginoon, makapangyarihang Diyos… doon kung saan kahit ang mga ibong maya ay nakakatagpo ng pamumugaran para sa kanilang mga inakay.”






