19,246 total views

Homiliya – Martes, Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon, 2 Setyembre 2025 (Lk 4:31–37)
Isang kuwento ng pagpapalayas ng masamang espiritu ang narinig nating ebanghelyo ngayon. Magandang pagkakataon ito para pagnilayan natin ang marami sa ating mga maling akala tungkol sa mga kilos at galaw ng mga masamang espiritu. Yung tipong blockbuster Hollywood horror movie tulad ng The Exorcist: dalagitang possessed daw, lumulutang sa ere, umiikot ang ulo, bumubuga ng kulay berdeng suka, nagsasalita ng Latin na boses-lalaki. Nakakakilabot nga, pero hindi naman talaga ganyan ka-drama kung kumilos ang demonyo sa totoong buhay.
42 years na ako sa pagkapari at masasabi kong hindi ganoon kababaw ang paraan ng masamang espiritu. Matalino rin ang demonyo, aral tungkol sa human psychology—sabi nga ni CS Lewis sa kanyang librong Screwtape Letters, at kung kumikilos suwabe lang at hindi gaanong halata. Mas delikado iyon, dahil hindi agad nakikita o napapansin ng tao.
Napakaraming halimbawa. Magbanggit tayo ng ilan mula sa Bibliya. Sa Unang Aklat ni Samuel, inilarawan na ang pagseselos at pagka-inggit ni Haring Saul kay David ay sintomas na pala ng pang-aalipin sa kanya ng masamang espiritu. Sa Ebanghelyo, alam natin na minsan tinangka ni Pedro pigilan si Hesus na magpatuloy sa paglalakbay niya patungong Jerusalem, sinabi ni Hesus, “Lumayo ka, Satanas.”
Sigurado ako hindi naman mukhang hibang o wala sa sarili si Pedro sa mga sandaling iyon; parang nagpapahayag lang naman siya ng malasakit ng kaibigan sa kaibigan. Pero naramdaman daw ni Hesus na ginagamit si Pedro ng masamang espiritu na ibig humadlang sa plano ng Diyos. At sa kuwento ng Pasyon, si Judas Iscariote—wala namang kakaibang kilos, normal na normal ang dating—pero sinabi ni San Juan “nilukuban daw siya ni Satanas” at noon niya binalak na ipagkanulo ang kaibigan kapalit ng tatlumpung pirasong pilak.
May isa pa sa Lucas 13: may isang babaeng 18 taon nang kuba. Hindi siya nagsisigaw o nagwawala, pero parang pasan niya ang buong daigdig. At sinabi ni Hesus na “Matagal na siyang iginapos ni Satanas.” May mga taong ganyan: parang walang kaligayahan sa buhay—mabigat ang loob sa lahat ng bagay. Nakukuba sa pagparusa sa sarili.
Sa totoo lang, kahit hindi na masyadong nakikita ang mga pari na gumagawa ng tradisyonal na eksorsismo, malaking bahagi pa rin ng aming tungkulin ang gawain ng pagpapalayas ng dimonyo. Pero kung hindi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, wala tayong kapangyarihanng magpalayas. Baka nga kami pa ang sapian ng dimonyo.
Maraming beses ko nang naramdaman ang lakas ng Espiritu Santo na tumatalab sa mga sinasapian—sa pagbibigay ng simpleng blessing o pray over, sa matiyagang pakikinig sa mga kasalanan ng mga nagkukumpisal. Minsan para kaming tapunan ng spiritual na basura. At kung kami mismo ay kulang sa panalangin, parang wala rin kaming lakas na maibibigay. Gayundin sa counseling, sa pag-antabay sa mga may pinagdadaanan.
Ang unang tanda ng kapangyarihan sa dimonyo ay ang pag-unlad sa buhay-panalangin, sa kakayahang kumilatis o kumilala sa galaw ng masamang espiritu sa sarili, sa mga ugnayan, o maging sa lipunan. Madaling pagmasdan ang galaw ng dimonyo kahit sa mga hearings sa Kongreso at Senado. Nandiyan din siya sa social media at sa mga digital apps—lalo na sa mga gumagapos sa kabataan sa iba’t ibang uri ng adiksyon—pati na sa online gambling. Alam nyo bang ang bagong hilig daw ng 39% nga mga adult Filipinos ngayon ay ang 1xBet sa mga simpleng laro sa online—basketball, e-sports pero lahat tinatayaan—NBA, PBA, MPBL Mobile Legends, DOTA 2. Legit na legit ang dating. At ang masaklap nito, ang pusher ng adiksyon sa sugal ay mismong gubyerno natin sa pamamagitan ng PAGCOR. Kaya ang saya-saya ni Satanas!
Parang virus din kung kumilos ang diyablo. Marami din siyang variants. At hindi laging halata ang may sintomas. Pero yung carrier, matindi rin kung makahawa. Kung minsan nagpapakitang-gilas, kusang nilalantad ang dapat itinatago, ipinagmamalaki ang dapat ikahiya, para panghinaan tayo ng loob. Para sabihin natin na wala tayong magagawa, para mawalan tayo ng pag-asa. Mahusay din siyang mang-udyok ng inggit, galit, sama ng loob, takot para mawalan ng tiwala sa kapwa-tao. Kaya kung kailangan natin ng proper nutrition sa katawan, ganyan din sa kaluluwa. Kung kailangan natin ng physical workout, kailangan din ng spiritual exercises—pag-aayuno, pagkakawanggawa, para maging malakas sa pakikipaglaban sa masama.
Pero huwag matakot. Tinanggap na natin sa binyag ang pinakamatinding panlaban at tagapagtanggol natin sa digmaang espiritwal—Ang Espiritu Santo. Siya ang nagtuturo sa atin na makilala ang mga bitag ng kasamaan, ang nagbibigay ng lakas sa atin para di mahulog saa tukso, at siya rin ang nagbubuklod sa atin sa katawan ni Kristo. Kapag mag-isa lang tayo, madali tayong matalo. Pero kapag magkakasama, mas pinatitibay tayo ng Espiritu bilang mga komunidad, mas nagiging matatag tayong makibaka laban sa pwersa ng kadiliman.






