38,740 total views
Homiliya – September 19, 2025
Friday of the 24th Week in Ordinary Time, 1 Timoteo 6:2c–12, Lukas 8:1–3
Kamakailan, nag-celebrate ng birthday ang pamangkin kong si Kara David. Binigyan siya ng birthday cake na may kandilang nakasindi, at tinanong kung ano ba ang wish niya. Ang sinabi niya sa video ay ang wish niyang mangyari sa mga nangungurakot sa bayan. Pabirong isinigaw, sabay halakhak at pinatay ang kandila. Aba, nagviral ba naman ang video! Nakaka-relate daw ang marami sa wish niya. Kasi nga ngayon, mainit ang usapin tungkol sa corruption sa Senado at Kongreso. Totoong ‘pag parang wala tayong magawa para masupil ang katiwalian parang natutukso na tayong maghinagpis at managhoy tulad ng maraming Salmo sa Bibliya na kapareho ng tono ng birthday wish ni Kara.

Motorists traverse a gutter-knee deep flood along McArthur Highway in Barangay Dalandanan, Valenzuela City, September 4, 2024, caused by moderate to intense rain from the enhanced southwest monsoon.
INQUIRER PHOTO / NINO JESUS ORBETA
Pero may isa pa siyang video interview na sana nag-viral din. Ininterbyu siya ng isang pari tungkol sa mga values na napulot niya sa pamilya. Naalala daw niya ang kantang “Sana’y Mayaman” na madalas kantahin noon ng mother niya, ang yumaong hipag ko na si Karina Constantino David. Ang simula ng kanta ay tanong ng anak sa nanay niya: kung sila daw ba ay mayaman. Sabi naman ng nanay, hindi anak, pero nakakaraos lang naman tayo. Sasabihin ng bata na siya, ako gusto ko yumaman nang husto, para mabili daw ang gusto. Sabi ng ina:
“Anak, makinig ka. Sa ating mundo maraming lamangan, kasi mayroong suwapang na gustong magpakayaman. Di na bale ang ibang lunod sa kahirapan, basta’t makuha lang ang pansariling kabutihan.” At nagpaliwanag pa. Isipin mo aniya,
“Kung ang tao’y sampu, at ang pera’y sampu lamang
At walang lamangan sa mga mamamayan,
Sa ganitong sitwasyon, walang maghihirap…
Pero kapag may isa na kumuha ng lima, anong matitira sa siyam? Paghahati-hatian ang naiwang pera. Ang siyam ay maghihirap, at ang isa’y magpapasasa.
Magandang palaisipan, di ba? Ito ang ibinubunga ng kawalan na katatarungang panlipunan. Sabi ni San Pablo sa ating unang pagbasa ang korapsyon ay sa puso ng tao nagsisimula: isang bulok na puso—na walang pakundangan sa kapakanan ng iba. (Cor-ruptus mula sa cor, ‘puso’ at rompere ‘wasak’ : pusong wasak, kaloobang bulok.) Magandang pag-isipan habang pinakikinggan natin ang imbestigasyon sa mga maanomalyang mga flood control projects. Ang pondo na dapat sana’y panlaban sa baha at laan sa kalusugan, edukasyon at iba pang mga pangangailangan ng marami, napupubta sa bulsa ng iilan. Resulta: patuloy na nalulubog sa baha at kahirapan ang marami sa ating bayan.
Sabi ni San Pablo sa unang pagbasa:
“Wala tayong dala nang isilang tayo sa mundo, at wala rin tayong dadalhin sa ating pagpanaw. Kung may pagkain at damit, dapat masiyahan na tayo. Ngunit ang mga nagnanais magpakayaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag… Sapagkat ang pagkahunaling sa salapi ang ugat ng lahat ng kasamaan.”

Ang salita para dito sa English ay: avarice—pagkaganid, pagkagahaman. Ito ang nangyayari kapag natuto ang tao nagsisimula mahalin ang pera at gamitin ang tao, imbes na mahalin ang tao at gamitin ang pera.
Sa Africa, may isang prinsipyo na tinatawag na Ubuntu: “I am because we are.” Ang ibig sabihin: ang tunay na yaman ay hindi nararanasan sa makasariling pagpapasasa, kundi sa pagkilala na ang ating buhay ay nakatali sa kapwa. Kung ang kapwa ko ay naghihirap, kahit maginhawa ang lagay ko hindi rin ako magiging tunay na maligaya.
Ang ebanghelyo ay tungkol sa mga babaeng may kaya na taos-pusong nagbahagi ng meron sila para mas marami ang maabot ng mabuting balita: na lahat tayo ay magkakapatid. Ang tunay na yaman ay hindi nasusukat sa dami ng pera, kundi sa lalim ng ating pakikipagkapwa at pakikibahagi.
Mga kapatid, ano ang mensaheng pwedeng baunin natin ngayon?
1. matutong makontento sa simpleng pamumuhay.
2. laging magpasalamat sa biyaya ng Diyos.
3. gamitin ang natatanggap nating pagpapala para sa kabutihan ng nakararami, hindi para sa sariling bulsa.
Sabi nga ng sumikat na tema noong ipagdiwang natin ang 500th year of Christianity: “Gifted to give.” Tayo’y Pinagpala para maging pagpapala sa iba.
Kung ituturing natin ang isa’t isa bilang kapatid, at ang lahat ng pondo ng bayan ay para sa ikabubuti ng lahat, maaampat natin baha ng kahirapan, wala sanang magugutom, at wala ring magpapasasa sa kayamanang hindi pinagpaguran.






