68,539 total views

Homiliya para sa Miyerkules sa Ika-27 Linggo ng KP, 8 Oktubre 2025, Luk 11:1-4
Dalawa ang bersyon ng Panalanging itinuro ng Panginoon sa kanyang mga alagad: ang kay San Mateo at ang kay San Lukas. Kay San Lukas ang binasa natin ngayon. Ewan kung napansin ninyo ang isang pagkakaiba na gusto kong itawag pansin. Nawawala ang linyang “Sundin ang loob mo.”
Sa ating unang pagbasa, ito ang isyu ni prophet Jonah—ang isyu ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Comedy ang dating ng kwento tungkol sa kanya. Tinawag siya ng Diyos para pangaralan ang mga mamamayan ng Nineveh sa bansang Assyria. Na kung hindi sila magbago ng loob, dadapuan sila ng isang matinding kalamidad. Sumunod ba si Jonah? Hindi. Umiwas siya. Imbes na sa Nineveh magtungo, sumakay ba naman siya sa isang barko papuntang Tarshish, papalayo sa Nineveh para takasin ang tawag ng Panginoon. E binagyo tuloy ang barko. At nang magpalabunutan daw ang mga nakasakay kung sino ba sa kanila ang dapat itapon sa dagat para maligtas ang barko, ang nabunot ay si Jonah. Nagtapat siya na siya daw ang dahilan kung bakit minamalas ang biyahe nila—dahil ayaw niyang sumunod sa kalooban ng kanyang Diyos. Kaya itinapon siya. E nilamon naman siya ng malaking isda. Tatlong araw at tatlong gabi daw siya doon sa loob ng tiyan ng isda, hanggang sa isuka siya ng isda. Masama siguro ang lasa niya. Hulaan nyo kung saan siya napadpad? Sa dalampasigan mismo ng Nineveh!
Pero hindi pa rin siya pinilit. Inulit lang naman ng Diyos ang pakiusap kay Jonah. Ang sagot ni Jonah—“E di ok, ano pang magagawa ko, e itinapon mo na ako rito?” (Hindi niya talaga sinabi iyon. Hula ko lang. Hehe.). Pero finally, sumunod siya sa kalooban ng Panginoon: pinangaralan nga niya ang bayan ng Nineveh. Sa katunayan, minadali pa nga niya, tinapos sa loob ng isang araw. Pero laking gulat niya, tumalab ang pangaral niya. Nagsisi ang lahat, pati ang hari. Nag-ayuno at nagmakaawa sa Diyos, at naawa naman ang Panginoon at iniatras ang paparating na kalamidad.
Punto: nagbabago rin pala ang kalooban ng Diyos. Iyun ang di matanggap ng propeta, kaya sa pagbasa natin—nagtatampo siya, nagmamaktol na parang bata, galit sa Diyos na meron daw pusong mamon. Naisip siguro niya na siya ang mapapahiya kung hindi matuloy ang parusang kalamidad na hinulaan niyang babagsak sa Nineveh. Tuloy, nagwish siyang mamatay na lang siya. Natulog siya sa ilalim ng lilim ng isang halaman para hindi mainitan sa sikat ng araw. Ano ang kasunod? Imbes na siya ang mamatay, ang halaman ang namatay at di na tuloy siya makatulog sa init ng araw. Galit na galit si Jonah sa Diyos; parang gustong magwala sa galit. Sabi ng Diyos sa kanya: “Jonah, nababahala ka sa pagkamatay ng halaman dahil may silbi ito sa iyo. Pero di ka nababahala sakaling mamatay ang dalawampung libong mamamayan ng Nineveh na hindi nakakaalam sa tama at mali, di pa kabilang ang mga hayop?”
Alam ninyong nag-viral ang wish ni Kara David, na ngayon ay wish na rin ni Archbishop Soc Villegas. Pero kahit si Kara at Abp. Soc, kung siryoso man sila, sigurado ako sasabihin nila: “Suggestion lang naman po. Loob mo pa rin ang masusunod, Panginoon.” Sino nga ba naman tayo para mag-utos sa Diyos?
Parang tayo ngayon ang bayan ng Nineveh. Nalulunod na sa baha ng korapsyon. Tuluyan nang nawalan ng tiwala sa mga pulitiko dahil sa ginagawa nila sa pondo ng bayan na mas masahol pa sa lahat ng kalamidad na pwedeng dumapo sa ating bansa. Biglang namulat tayo na ang patronage politics ng mga political dynasties pala ang pinakamalaking salot sa ating bansa. Kung pwede lang na tulad ng Iphone, o laptop, ireset mo lang uubra na ulit kung pumalya. Pero hindi, hindi naman basta maaayos ang lipunan kahit mamatay pa ang mga kurakot sa bansa, papalitan lang sila ng mas maraming iba pang kurakot. Tayong lahat ang dapat mag-reset. Kasama tayo sa problema, dapat kasama rin tayo sa solusyon. Kasama tayong magbubuwag sa kultura o kalakaran ng katiwalian. Kung madungis na ang bata, paliguan. Pero pagkapaligo sa bata, ang tubig na madumi ang itapon, huwag ang bata. Ganyan din sa ating pamahalaan. Kahit pumapalya, hindi naman kailangang itapon lahat—pinagpaguran natin iyan. Ayusin, bantayan, paandarin ang mga institusyon na dapat umubra. Hindi kudeta, hindi revgov, hindi military junta, hindi snap election. Hayaan munang umubra ang batas: hindi bagong election term kundi mahabang prison term sa mga mandarambong.
Siyanga pala. Sa ebanghelyo ni San Lukas, hindi naman tuluyang nawawala ang linyang SUNDIN ANG LOOB MO. Sa eksena ng “agony in the garden,” nang luminaw kay Hesus na bahagi ng misyon niya ng pagtubos ang magdusa at mabitay sa krus, sa bandang huli binigkas na rin niya ang nawawalang linya: HINDI ANG LOOB KO, KUNDI ANG LOOB MO AMA ANG MASUNOD.






