19,873 total views
Nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga opisyal ng pamahalaan na panagutin ang mga sangkot sa katiwalian, at ipakita na “no one is above the law.”
Sa pahayag ng grupo, iginiit ng PPCRV na dapat papanagutin at ipakulong ang mga nagkasala, at ibalik ang mga pondong ninakaw upang magamit sa mga proyektong makatutulong sa mamamayan gaya ng poverty alleviation, disaster response, progressive education, at nutritional enrichment programs.
Ayon sa PPCRV, ang ganitong hakbang ay hindi lamang usapin ng batas kundi isang moral na tungkulin upang maibalik ang tiwala ng taumbayan. Kasabay nito, nanawagan din ang grupo ng lubos na transparency sa pamahalaan at sa mga halal na lider, kabilang ang pag-alis sa mga “shadow contracts” at pagsasapubliko ng mga proyekto upang mabantayan ng mamamayan.
“We demand accountability and the incarceration of those who are guilty, proving that no one is above the law. We demand that the funds pocketed by the guilty be returned and funneled into much needed poverty-alleviation, disaster amelioration, progressive education, and nutritional enrichment projects. We demand transparency from our government and the leaders that we voted for.” Bahagi ng pahayag ng PPCRV.
Binigyang-diin ng grupo na dapat patuloy na ipaglaban ng bawat mamamayan ang tunay na pananagutan at hustisya upang wakasan ang kultura ng katiwalian.
“We must demand without reprieve so that true accountability and true justice can happen. Let us not forget. And should complacency and acceptance creep in yet again in our history, remember with compassion those whose lives were swept away by floods which could have been avoided if money had been properly spent.” Dagdag pa ng PPCRV.
Hinimok din ng grupo ang sambayanan na alalahanin ang mga biktima ng kapabayaan at katiwalian — ang mga namatay sa pagbaha dahil sa mga proyektong ghost o substandard, ang mga Pilipinong baon sa utang at kahirapan, ang mga batang nawalan ng pag-asa at edukasyon dahil sa kasakiman, at ang mga tinig ng mga mahihirap na patuloy na nananahimik.
Naniniwala ang PPCRV na ang panawagan laban sa katiwalian ay hindi lamang politikal, kundi isang panawagan ng budhi upang muling ibalik ang dangal ng pamahalaan, ang dignidad ng mamamayan, at ang pananampalatayang Kristiyano na umiibig sa katotohanan at katarungan.




