3,293 total views
Mga Kapanalig, may mga teritoryo na naman ng Pilipinas na inaangkin ng mga taga-China.
Sa isang pagtitipon ng mga akademiko sa China, sinabi nilang ang mga isla ng Batanes ay “natural geographical extension” o karugtong ng Taiwan. Wala raw batayan sa kasaysayan o anumang batas ang pagpapaloob ng Batanes sa pamamahala ng Pilipinas. At bilang teritoryo din daw nila ang Taiwan, maituturing na parte ng China ang Batanes.
Hindi man gobyerno ng China ang naglabas ng panibagong propaganda na ito, hindi ito binalewala ni Secretary Gibo Teodoro Jr ng Department of National Defense. Aniya, walang batayan ang sinabi ng mga akedemiko sa China. Ito ay isang “joke” at “ludicrous” o katawa-tawa. Ang ganitong mga pahayag, dagdag ng kalihim, ay patunay ng paniniwala ng ating pamahalaan na intensyon talaga ng China na palawakin ang impluwensya nito sa mga karagatan.
Malaking bansa ang China. Ang kalupaan nito ay halos 9.6 million square kilometers. Ito ang pang-apat na pinakamalaking bansa. Kasya sa sukat na ito ang 32 na Pilipinas, na may land area naman na 300,000 square kilometers. Maliban sa mga teritoryo ng Pilipinas, inaangkin din ng China ang mga lupa sa border nito sa India, Bhutan, Tajikistan, at Nepal. Bakit ganoon na lamang ka-obsessed, ‘ika nga, ang China sa pag-angkin ng mga teritoryo ng mga karatig na bansa nito gayong napakalawak na ng sakop nito?
Pulitika at ekonomiya ang mga pangunahing dahilan. Sa usapin ng West Philippine Sea at mga islang nakapaloob dito, gusto ng China na lumaki ang kontrol nito sa pandaigdigang kalakalan o shipping lanes. Halos 20% ng mga pandaigdigang kalakal ay dumadaan sa South China Sea. Kung kontrolado nila ang ruta, hawak nila ang daloy ng mga produkto. Sagana rin ang karagatan sa isda, langis, at natural gas na mahalaga para sa patuloy na pag-unlad ng kanilang ekonomiya. Nais din nilang palawakin ang kanilang teritoryo upang magkaroon ng harang laban sa mga kalaban nito gaya ng Japan at Estados Unidos. Ang pagtatayo ng mga base militar sa mga isla ay nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan sa rehiyon. Iginigiit din ng China ang kanilang mga historikal na pag-aari, bilang bahagi ng kanilang pagnanais na burahin ang tinatawag nilang “century of humiliation” kung kailan sinakop sila ng mga dayuhan.
Ano naman ang ipinaglalaban natin? Ang ipinaglalaban ng Pilipinas ay ang karapatang pamahaláan at pakinabangan ang mga yaman sa loob ng sarili nating exclusive economic zone (o EEZ) batay sa mga pandaigdigang batas. Hindi natin habol ang mas malaking kontrol sa kalakalan o militar na depensa. Ang paggigiit natin ay para sa mga kababayan nating nakasalalay ang kanilang kabuhayan sa pangingisda. Ang paggigiit natin ay para sa responsableng paglinang sa mga likas-yaman para suportahan ang ating ekonomiya. Gumagamit ang Pilipinas ng mapayapang paraan at diplomasya habang nagpapatatag ng alyansa sa mga bansa upang mapanatili ang kapayapaan at malayang paglalayag (o freedom of navigation) sa rehiyon. Sinusuportahan naman ang tugon na ito ng pamahalaan ng 66% ng mga Pilipino, batay sa isang survey ng Octa Research.
Mga Kapanalig, laging sinusubok ng China ang paninindigan ng Pilipinas para sa mga teritoryo nito. Pero sabi nga sa Santiago 3:18, “Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.” Ang Catholic social teaching naman na Pacem in Terris ay nagpapaalalang ang ugnayan sa pagitan ng mga estado ay dapat gabayan hindi ng puwersa ng armas, kundi ng liwanag ng katwiran—ibig sabihin, ng katotohanan, ng katarungan, at ng tapat na pagtutulungan. Naniniwala tayong sa pagkiling sa kapayapaan, maipagtatanggol natin hindi lang ang West Philippine Sea at Batanes kundi ang soberenya ng ating bansa.
Sumainyo ang katotohanan.




