338,273 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo, sa kasagsagan ng pananalanta ng Super Typhoon Uwan, nag-viral sa social media si Pangasinan Second District representative Mark Cojuangco dahil sa komento niya sa isang video na ipinakikita ang mga binahang kababayan natin. Aniya, “Bakit kasi sa floodplain gumawa ng tirahan? Takaw sakuna.” Parang sinasabi niyang dapat lang na asahan ng mga nakatira sa mga patag at mabababang lugar na lulubog sila sa baha. Pinili nilang tumirá doon.
Inulan ng batikos ang congressman dahil sa pagiging “out of touch” o kawalan ng malasakit niya sa mga biktima ng bagyo. Sinisisi pa raw niya ang mga binaha sa masaklap nilang sinapit. Sabi nga ng isang aktres, “You don’t start giving swimming lessons to a drowning man… You save him first.” Hindi raw dapat sinesermonan ang mga biktima sa panahon ng sakuna. Dapat silang tulungan. Tanong pa niya, bakit hindi pinigilan ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng mga bahay sa mga mapanganib na lugar? Hindi naman lubos na batid ng mga tao kung mapanganib bang tirahán ang lugar na pinili nila. Pinasaringan din ng aktres ang isang celebrity developer na binabatikos ngayon dahil sa ipinagmamalaki niyang luxury condominium. Itinatayo ang proyektong ito sa gilid ng isang buról sa Cebu na sinasabing nakaambag sa matinding pagbaha sa karatig-lugar.
Nakadidismaya ang mga sinabi ng congressman. Hindi lahat ay may kakayahan at kalayaang pumili ng ligtas na lokasyong pagtitirhan. Maraming pamilya, lalo na ang mahihirap, ang napipilitang tumira sa delikadong lugar katulad ng floodplain dahil ito lang ang abot-kaya nila, malapit ito sa kanilang kabuhayan, o ‘di kaya ay wala nang ibang lugar sa lungsod. At gaya ng sinabi ng aktres, responsabilidad ng pamahalaang bantayan ang pagtatayo ng mga bahay, gusali, at iba’t ibang development.
Sa Catholic social teaching na Evangelii Gaudium, sinabi ni Pope Francis na maraming kuntento na lamang sa paninisi sa mga mahihirap sa kanilang kalagayan kaysa hanapin at baguhin ang totoong sanhi nito. Ang kaisipang ito ay higit na nakadidismaya kung iisipin ang malawakang korapsyon sa mga bansa—mula sa kanilang pamahalaan, sa mga negosyo, hanggang sa mga institusyon.
Daan-daan ang mga namatay, nasugatan, at nawawala dahil sa Bagyong Tino. Mahigit 20 naman ang nasawi sa Bagyong Uwan. Samantala, parami nang parami ang mga pulitiko, opisyales, at kontratistang nadadawit sa maanomalyang flood control projects pero wala pa ring napapanagot. Ngayon nga, mukhang nagtuturuan at naglalaglagan na sila. Alam nating nagresulta sa matinding sakuna ang katiwaliang ito. Alam nating hindi natural ang mga sakunang nangyayari. Alam nating ang problema ay systemic—nakaugat sa magkasanga-sangang istruktura ng lipunan na kontrolado ng mga nasa poder.
Hindi katanggap-tanggap ang paninisi sa mga biktima o victim-blaming tuwing may kalamidad. Malaking insulto pa na nanggaling ito sa isang congressman na kabilang sa isang political dynasty, anak ng bilyonaryo, at nakinabang sa pagnakaw sa kaban ng bayan noong rehimen ng dating Pangulong Marcos Sr. Kaya hindi na rin nakapagtatakang sa halip na alamin kung ano ang pagkukulang ng mga katulad niyang nasa pamahalaan, mas pinili ng congressman na sisihin ang mga biktima ng kalamidad.
Mga Kapanalig, halos apat na buwan nang gumugulong ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects ngunit wala pa ring nakukulong at wala pa ring pera ng bayan ang naibabalik. Patuloy pang titindi ang mga kalamidad sa Pilipinas dahil sa climate crisis. Pero gaya ng ipinahihiwatig sa 2 Corinto 7:11, huwag tayong mawalan ng malasakit sa mga biktima ng trahedya at huwag tayong tumigil sa paghangad na maparusahan ang mga maysala. Patuloy nating panagutin ang mga nasa likod ng katiwalian. Patuloy nating isulong ang katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.






