
Homiliya para sa Biyernes sa Panlimang Linggo ng Kuwaresma, 27 Marso 2026, Juan 10:31-42
Ang kuwaresma ay panahon ng pagsasanay na espiritwal. At isa sa mga disiplina na kailangang matutuhan natin bilang tao ay paglilinis ng kalooban. Isang malinaw na ebidensya kung bakit importanteng disiplina ito ay ang nangyayari ngayong krisis sa Gitnang Silangan.
Nilusob ng Israel at America ang Iran. Unang araw pa lang ng paglusob nila—patay ang 168 sa mga batang estudyante, 80 marinong Iranian na hindi armado sa barko nila sa may Sri Lanka. Patay ang marami sa pamilya ng kanilang Supreme Ayatollah. Wala nang batas-batas na sinusunod kundi ang batas ng lakas.
Ano ang kasunod? Gumanti ang Iran. Nagpalipad ng mga drones at missiles patungong Israel at sa mga base militar ng America. Muling gumanti ang America at Israel—pinasabog ang mga oil wells at military installations ng Iran, gayundin ang mga kuta ng Hezbollah sa Lebanon. Gumanti ang Iran, isinara ang stait of Hormuz para matigil ang 20% na supply ng langis na nanggagaling sa Gulf States. At lahat tayo ngayon apektado sa matinding economic crisis na idinulot nito.
Ang hirap talaga ng sitwasyon kapag ang anak mo binubully pala sa school pero di niya masabi sa magulang niya. Araw araw niyang kikimkimin ang galit sa loob niya at ang pagnanais na makaganti. Kaya di ba ang daming beses nating makarinig sa America ng mga kabataan na biglang magwawala, papasok sa school na may dalang baril at basta na lang ilalabas ang matagal nang kimkim na galit kahit sa mga taong walang kinalaman sa nambully sa kanya?
Ang mga kausap ni Hesus sa ebanghelyo, mukhang marami ring kimkim na basurang espiritwal sa loob nila. Feeling nila iniinsulto sila ni Hesus, kaya pumupulot kaagad ng batong ipupukol sa kanya. Sa dahas ng kamay inilalabas ang galit nila.
Aminin natin, kapag nasaktan tayo, natural ang magngitngit; gusto mo ring manakit. Ang mga pagbasa natin ngayon ay magandang paalala kung ano ang dapat gawin kapag sumisidhi ang sama ng loob at natutukso tayong gumanti at manakit sa pamamagitan ng salita at gawa?
Sa first reading, kay propeta Jeremias, ang sagot ay: isumbong mo sa Diyos. Binully din si Jeremias. At sa unang pagbasa naghihinga siya ng sama ng loob. Sa tindi ng hinanakit, gusto rin niyang manakit, magwala, at maghiganti. Pero imbes na magpadala sa udyok ng galit, inilabas niya sa panalangin. Inireklamo niya sa Diyos. Sabi niya, “Panginoon natatalos po ninyo ang nasa isip at puso ko. Ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti; sa iyo ko ipinagkakatiwala ang sama ng loob ko.”
May tawag tayo dito, tayong mga Pilipino sa mga ganitong sitwasyon na parang gusto mong magwala: i poagpasa-Diyos mo. Ihinga mo sa Kanya. Sa kanya mo sabihin. Murahin mo sila na walang ibang makakarinig kundi ang Panginoon. Ilabas mo ang kimkim mong galit, isigaw mo, iiyak mo, ipagdasal mong magdusa at mamatay na silang lahat kung iyon ang ramdam mo. Pero siyempre, Thy will be done pa rin sa dulo; suggestion lang naman po, Lord.
Hindi naman totoong puro “Praise the Lord” lang ang puwede nating sabihin sa dasal. Sa harap man lang ng Diyos magpakatotoo naman tayo, huwag tayong magkunwari dahil alam naman niya ang kaloob-looban natin.
Maganda ang payo ni San Pablo:
“Matuto kayong magpuno sa pagkukulang ng isa’t isa. Pag may hinanakit kaninuman, matutong magpatawad dahil pinatawad din kayo. Papaghariin sa puso ang kapayapaan dahil bahagi kayo ng iisang katawan. Tinawag kayo ng Diyos para mabuhay na mapayapa. At maging mapagpasalamat kayong lagi.”






