781 total views
Binigyang-diin ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang kahalagahan ng pagkakaisa at sama-samang misyon ng buong Simbahan sa ginanap na Chrism Mass ng Diyosesis ng San Carlos sa Negros Occidental noong Miyerkules Santo, Abril 1, 2026 sa St. Charles Borromeo Cathedral Parish.
Ayon sa Obispo, ang Chrism Mass ay isang natatangi at mahalagang sandali ng pakikipagkaisa bilang isang Simbahan at isang sambayanan ng Diyos na iisang pinahiran ng banal na langis at isinugo ng Panginoon.
Paliwanag ni Bishop Alminaza, mahalaga ang pagkakaisa ng buong sambayanan ng Diyos na pawang tinatawagan na maging katuwang ng Simbahan para sa patuloy na pagsasakatuparan ng misyon ni Hesus sa lipunan.
“We are gathered as one church, as one people of God, as one anointed community. This is the beauty of the Chrism Mass. A moment of unity and communion. A sign that we walk together as one body. A visible expression that the Church is not divided into some who are holy and others who are not. But all, every one of us, are called, are loved, all are anointed, all are sent. Different yet one. Equal in dignity and sent on mission.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.
Ipinaalala rin ni Bishop Alminaza na ang bawat mananampalataya ay may pantay na dignidad at tinatawag na makibahagi sa misyon ng Simbahan bilang pari, propeta, at hari.
Binigyang-diin din ng Obispo na sa gitna ng lumalalang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at katiwalian hindi lamang sa mundo, kundi lalo na sa Negros ay nangangailangan ang sanlibutan ng paghilom at pagkilos ng Simbahan.
“Rising cost of living, poverty and inequality… corruption and tolerated evils… a wounded environment,” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Ayon sa Obispo, ang pagpapahid ng langis ay hindi pribilehiyo kundi pananagutan na isabuhay ang misyon ni Kristo para sa kapwa, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Hinimok din ni Bishop Alminaza ang mga pari na tingnan ang kanilang mga bagong atas hindi bilang gantimpala kundi bilang misyon.
Paliwanag ng Obispo, kaakibat ng mga atas sa mga Pari ang misyon na iniatang ni Hesus upang gabayan ang bawat isa patungo sa pangakong kaligtasan ng Panginoon sa sanlibutan.
“Today, my dear brother priests, we receive new assignments. Let us see them not only as clergy movement or transfer, but as part of the mission of the whole Church. Assignments are not rewards. They are missions entrusted in love. Where you are sent is where Christ is waiting. And where we are sent, the people of God are already there. The Spirit is already at work.” Ayon pa kay Bishop Alminaza.
Bukod dito, nanawagan si Bishop Alminaza ng mas malalim na pagsasabuhay ng synodality o sama-samang paglalakbay bilang Simbahan.
Hinimok din ng Obispo ang lahat ng mga pari, relihiyoso, at layko na makibahagi sa pagpapahayag ng Mabuting Balita, pagtulong sa mahihirap, pangangalaga sa kalikasan, at paninindigan laban sa katiwalian.
“Who will bring the good news to the poor… stand against injustice… demand accountability? Not just us, but all of us,” Giit ni Bishop Alminaza.
Samantala, pinaalalahanan din ni Bishop Alminaza ang mga mananampalataya na ang bawat isa ay pinahiran ng banal na langis at isinugo ng Panginoon upang maging saksi ng pagmamahal ng Diyos sa mundo.






