Search

Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Sabado, Abril 25, 2026

SHARE THE TRUTH

 1,090 total views

Kapistahan ni San Marcos,
Manunulat ng Mabuting Balita

1 Pedro 5, 5b-14
Salmo 88, 2-3. 6-7. 16-17

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Marcos 16, 15-20

Feast of Saint Mark, evangelist (Red)

UNANG PAGBASA
1 Pedro 5, 5b-14

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, magpakababa kayong lahat at maglingkod sa isa’t-isa, ayon sa nasusulat. “Kinamumuhian ng Diyos ang palalo, at kinalulugdan niya ang mababang-loob.” Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong kabalisahan sapagkat siya ang kumukupkop sa inyo.

Humanda kayo at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisila. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananalig sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis ng maikling panahon, ang Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at isang saligang matibay at di matitinag. Siya rin ang humirang sa inyo upang makihati kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Kristo. Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Sinulatan ko kayo sa tulong ni Silvano, isa nating kapatid na lubos kong pinagtitiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at patunayan sa inyo na ito nga ang tunay na kaloob ng Diyos. Manatili kayo sa biyayang ito.

Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya. Buong giliw kayong magbatian bilang magkakapatid kay Kristo.

Ang kapayapaan ay sumainyong lahat, mga tagasunod ni Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 6-7. 16-17

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

o kaya: Aleluya.

Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw
ang sa tuwi’t-twina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Umawit silang nilikha sa langit,
ang iyong ginawa’y siyang dinadalit
ang katapatan mo, Poon, ay inaawit.
Sino’ng kaparis mo doon sa itaas?
walang ibang diyos na iyong katulad.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

ALELUYA
1 Corinto 1, 23a-24b

Aleluya! Aleluya!
Ang ipinakong Mesiyas
ay karunungan at lakas
ng D’yos na Tagapagligtas
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon: Nagpakita si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”

Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Abril 25
San Marcos, Ebanghelista

Ipinahayag ni San Marcos ang Mabuting Balita ng tunay na Mesiyas, si Jesus na Kristo. Hilingin natin sa Ama na dinggin ang ating mga kahilingan para sa isang mundong nangangailangan ng pag-asang hatid ng Ebanghelyo.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Maranasan nawa namin ang kabutihan Mo, Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y maging isang buhay na tanda ng tunay na malasakit at tapat na pangangalaga sa mga itinatakwil ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga lumihis sa matuwid na landas nawa’y marinig ang tinig ni Kristo, ang Mabuting Pastol, na tumatawag sa kanila para magbalik sa kanyang kawan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y marinig ang tinig ng Panginoon na nananawagan sa kanila sa pagbabalik-loob at sa isang buhay na nakatalaga sa paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng nagdurusa o may karamdaman nawa’y makaunawa na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga at pansin na ibinibigay natin sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makapasok sa pintuan ng kulungan ng mga tupa at magdiwang na kasama ng pastol at gabay ng kanilang mga kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Diyos, sa tulong ng mga panalangin ni San Marcos, tapat na ebanghelista, inilalapit namin sa iyo ang aming mga kahilingan sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Tantanan na ang mga puno!

 62,342 total views

 62,342 total views Mga Kapanalig, sa mga lungsod man o sa mga bundok, hindi tumitigil ang pagpuputol ng mga puno! Noong isang buwan, inihinto ang pagpuputol

Read More »

Karapatan sa kalusugan para sa iilan?

 83,407 total views

 83,407 total views Mga Kapanalig, ang healthcare o pangangalaga sa kalusugan ay isang pangunahing karapatang pantao. Hindi ito luho. Hindi ito pribilehiyo para lamang sa iilan.

Read More »

Maging instrumento ng katotohanan

 106,429 total views

 106,429 total views Mga Kapanalig, parami na nang parami ang mga nakatatanggap ng mga maleta na naglalaman ng limpak-limpak na perang kickback diumano mula sa mga

Read More »

A WAY TO LATE?

 144,272 total views

 144,272 total views Huli na ba ang lahat? O blessings in disguise? Kapanalig, sa paglaganap ng social media at pagkaroon ng access ng mayorya ng mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Lunes, Hunyo 29, 2026

 9 total views

 9 total views Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo Mga Gawa 12, 1-11 Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9 Ang D’yos ang siyang

Read More »

Linggo, Hunyo 28, 2026

 1,223 total views

 1,223 total views Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 2 Hari 4, 8-11. 14-16a Salmo 88, 2-3. 16-17. 18-19 Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong

Read More »

Sabado, Hunyo 27, 2026

 2,557 total views

 2,557 total views Sabado ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Cirilo ng Alejandria, obispo at pantas ng Simbahan o kaya Paggunita sa

Read More »

Biyernes, Hunyo 26, 2026

 4,102 total views

 4,102 total views Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Hari 25, 1-12 Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6 Kung ika’y aking limutin, wala

Read More »

Huwebes, Hunyo 25, 2026

 4,905 total views

 4,905 total views Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Hari 24, 8-17 Salmo 78, 1-2. 3-5. 8. 9 Dahil sa ngalan mo, Poon,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top