499 total views
Nagpahayag ng pangamba ang mga siyentipiko, civil society groups, at mga apektadong komunidad hinggil sa lumalawak na banta sa kapaligiran ng kontrobersyal na Tampakan Copper-Gold Project ng Sagittarius Mines Inc. sa mga lalawigan ng South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at Davao del Sur.
Sa ginanap na Tampakan Water Forum noong May 13, 2026, iginiit ni Leon Dulce, Campaigns Support and Linkages Coordinator ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC), na nagpapatuloy ang mga operasyon sa lugar sa kabila ng kakulangan ng public consultations at limitadong access sa Environmental Impact Assessments.
“We therefore sought independent scientific studies to assess what is at stake if the Tampakan mine proceeds without addressing outstanding ecological concerns,” pahayag ni Dulce.
Ipinresenta ng mga mananaliksik mula sa Ateneo de Davao University, University of Southern Mindanao, Ateneo de Manila University, at University of the Philippines ang mga pag-aaral na nagpapakita ng malawakang pagkawala ng kagubatan at mataas na antas ng kahinaan sa pagbabago ng klima sa mga apektadong watershed.
Ayon naman kay Frances Jan Marie Manlagaylay, Tropical Risk Management and Research Team Representative ng TropICS, umabot sa 3,306 ektaryang net forest loss mula 2000 hanggang 2020 sa limang watershed na konektado sa mining site, kung saan 90% ng mga ito ay may mataas na panganib sa tagtuyot sa agrikultura.
Dagdag pa ni Manlagaylay, ang Mal Basin, kung saan matatagpuan ang malaking bahagi ng imprastraktura ng proyekto, ay nakararanas ng matinding pagkaubos ng kagubatan at mataas na pagkakalantad sa baha, tagtuyot, at panganib ng pagguho ng lupa, habang ang mismong lawak ng pagmimina ay nasa mga lugar na mapanganib sa pagbaha at pagguho ng lupa.
“The mine site itself overlaps directly with flood- and landslide-prone areas. If operations proceed, the Tampakan mining footprint is expected to exacerbate forest loss and intensify climate-related risks,” ayon kay Manlagaylay.
Binanggit naman ni Dulce na patuloy ding hinaharang ang full public disclosure ng mga dokumento ng proyekto, kabilang ang Environmental Impact Statement, na humantong sa kasong isinampa sa Korte Suprema matapos ang magkasanib na hakbang ng mga grupo at Diyosesis ng Marbel.
“Watersheds don’t recognize project or political boundaries… once impacts occur, they affect water security, food systems, biodiversity, and livelihoods far beyond the direct impact area,” babala ni Dulce.
Patuloy na naninindigan ang Diyosesis ng Marbel, sa pangunguna ni Bishop Cerilo “Alan” Casicas, laban sa mapaminsalang pagmimina na banta hindi lamang sa kalikasan, kundi sa kaligtasan at kabuhayan ng mga residente.






