1,808 total reads
Iginiit ng prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na lumitaw sa testimonya ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang natanggap na pondo ang ahensya mula sa confidential and intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education para sa isinagawang Youth Leadership Summit o YLS.
Sa panayam sa program Veritas Pilipinas, ibinahagi ni dating Surigao del Norte 2nd District Representative at impeachment prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers, na malinaw umano sa testimonya nina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtanggol Panopio na ang YLS ay isang multi-agency activity kung saan kanya-kanyang pondo ang inilaan ng mga participating agencies para sa gawain.
“Napatunayan po doon sa testimonya ni Colonel Buransing at ni Colonel Panopio na wala ho silang natanggap na pondo mula sa confidential and intelligence funds ng ating Office of the Vice President o ng DepEd Secretary.” Bahagi ng pahayag ni Barbers sa Radyo Veritas.
Dagdag ni Barbers, hindi rin umano nagpapatunay ang certification na inilabas ng AFP na may partikular na halaga ng pondo na ginastos para sa YLS.
“Wala naman pong nagsasabi doon na itong certification na ito nagpapatunay na mayroong ginastos na X amount para sa ganitong YLS summit.” Dagdag pa ni Barbers.
Ayon kay Barbers, ang naturang certification ang naging basehan sa liquidation ng confidential funds, kahit hindi naman alam ng mga opisyal ng AFP na gagamitin ito para sa naturang layunin.
Dahil dito, sinabi ni Barbers na hindi lamang AFP kundi pati ang Commission on Audit (COA) ang maaaring nalinlang sa pagsusumite ng naturang certification bilang liquidation document.
“Nabudol muna ‘yung AFP, dahil nakahingi sila ng certification na ginamit naman nila dito sa pag-submit ng liquidation document sa COA. So hindi lamang ‘yung AFP ang nabudol, nabudol din ho ‘yung COA, dahil sinubmit-an ho sila ng certification na wala naman pong kinalaman sa paggamit ng confidential and intelligence funds noong ahensyang ‘yon.” Ayon pa kay Barbers.
Pagbabahagi ni Barbers, sa naging pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ay una ng sinabi nina Colonel Buransing, Colonel Panopio at retired General Nolasco Mempin na hindi nila alam na gagamitin ang certification bilang bahagi ng liquidation ng confidential and intelligence funds ng ahensya na ikinagulat ng mga opisyal ng AFP nang malaman ang naging paggamit sa dokumento.
“Nagulat po sila. Sabi po nila na hindi ho namin alam ‘yan dahil mayroon ho kaming kanya-kanyang budget para ho diyan sa purpose na ‘yan at hindi kami na-allocate-an.” Ani Barbers.
Samantala, sinabi ni Barbers na si dating Education Assistant Secretary Michael Poa umano ang humingi ng certification at nakipag-ugnayan kay retired General Mempin, na noon ay Undersecretary ng Department of Education, para sa koordinasyon sa AFP.
Mahalaga rin umanong malinawan ang naging papel ng isang Assistant Chief of Staff na sinasabing dumadaan sa review at lumalagda sa ilang dokumento ng Department of Education, kabilang ang mga may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds na sinasabing ginamit para sa intelligence gathering at upang makatulong sa mga law enforcement unit sa operasyon laban sa mga violent terrorist organizations.
“Hindi naman po hanggang doon lamang ang alam ng isang assistant secretary o ng isang assistant chief of staff dahil lahat po ng dokumento eh dumadaan po sa kanila.” Ayon pa kay Barbers.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial, inaasahan ng prosecution na higit pang mabibigyang-linaw ang mga dokumento, proseso, at aktuwal na paggamit ng confidential funds na kabilang sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente.




