710 total reads
Hinimok ng child and adolescent psychologist na gawing trauma-informed ang nakatakdang National Simultaneous School Safety Drill upang matiyak na ang paghahanda sa posibleng karahasan ay hindi magdudulot ng dagdag na psychological distress sa mga mag-aaral.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Jhon Carandang, RPsy, CEO at Founder ng Carandang Institute Mental Health Services, na hindi siya tutol sa paghahanda ng mga paaralan para sa emergency situations, ngunit kailangang maging maingat sa paraan ng pagsasagawa ng mga drill.
“Very vigilant kami dito sa gagawin. We are not—I am personally not against doon sa paghahanda. Pero sa pamamaraan ng paghahanda, ayun ang aking gustong linawin.” Bahagi ng pahayag ni Carandang sa Radyo Veritas.
Ayon kay Carandang, maaaring maging traumatic para sa ilang bata ang aktuwal o makatotohanang simulation na gumagamit ng mga elementong gaya ng baril, dugo at tunog ng putok, lalo na’t hindi pare-pareho ang karanasan at coping skills ng bawat bata.
Aniya, kailangang isaalang-alang ang mga batang maaaring may dating karanasan sa karahasan o trauma na maaaring ma-trigger ng mga ganitong simulation.
“Kahit sabihin natin magkaroon ng drill, it can cause trauma, eh. It can cause trauma sa mga bata lalo na ‘yung halimbawa, magpapakita sila kunwari ng may baril na sa labas. Anong gagawin ng bata? Hindi siya magandang pamamaraan kasi okay kung may drill, kung earthquake drill o fire drill, kasi hindi naman talaga namaiiwasan ‘yan. Pero ‘yung makakakita sila kunwari ng dugo, tunog ng baril, hindi natin alam kung ano ang pinagdadaanan ng bawat isang bata o ng teacher, ‘di ba?” Dagdag pa ni Carandang.
Sa halip na aktuwal na simulation, iminungkahi ni Carandang ang paggamit ng tabletop activities at discussion-based exercises upang maituro sa mga mag-aaral ang tamang pagtugon sa posibleng emergency nang hindi sila inilalagay sa isang traumatic situation.
Maaari umanong talakayin sa ganitong paraan kung ano ang dapat gawin kapag may napansing kahina-hinalang tao o sitwasyon, kung kanino dapat magsumbong at kung paano mananatiling ligtas sa loob ng classroom.
“Para sa akin lang po ang pinaka-epektibo na pamamaraan sa paghahanda nito ay ‘yung table top activities lang o exercises. Halimbawa, discussion: “O, ‘pag may nakita tayong kahina-hinala na mga bata, anong gagawin natin? Sasabihin sa authority.” Parang ganun lang po. “O, ‘pag may narinig tayo, anong gagawin natin? Isasarado natin pintuan.” Something like that. Wala nang kailangang drill.” Ayon pa kay Carandang.
Binigyang-diin din ni Carandang na kailangang maihanda ang mga guro at masuri ang mga materyales na gagamitin sa safety activities, kabilang ang mga video na maaaring magkaroon ng triggering content.
Mahalaga rin umano ang needs assessment upang matukoy ang mga batang may history of trauma o may physical at cognitive disabilities na maaaring mangailangan ng ibang paraan ng paghahanda.
Iginiit din ng psychologist ang kahalagahan ng psychological debriefing matapos ang mga aktibidad upang matugunan agad ang anumang distress na maaaring maranasan ng mga bata.
“Kailangan i-train muna ang mga teachers, at ‘yung mga materials na gagamitin. Example, kung magpapakita ng mga videos, ano ba ‘to? May trigger warning ba ‘tong mga videos na ‘to, ‘di ba? Or sino ‘yung magdi-discuss para at least, kahit papaano, mas matanong ‘yung bata, maintindihan lalo ng bata. At the same time, right after the activities, may debriefing pa rin. May stress debriefing kasi may mga wordings na hindi natin maiwasan na ‘pag narinig ng bata, ma-trigger.” Ani Carandang.
Bukod sa emergency preparedness, sinabi ni Carandang na dapat ding palakasin ang values formation sa mga paaralan bilang bahagi ng pangmatagalang pag-iwas sa karahasan.
Sa bahagi ng Simbahan, ang pangangalaga sa mga bata ay hindi lamang usapin ng pisikal na seguridad kundi pati ng pagpapahalaga sa kanilang dignidad at kabuuang kapakanan kaya naman mahalagang lumikha ng mga paaralan at komunidad na tunay na ligtas, mapagkalinga at sensitibo sa pinagdaraanan ng bawat bata.




