1,083 total reads
Nagbabala ang Sanlakas na isa sa mga kasaping organisasyon ng Power4People Coalition na maaaring lumala ang epekto ng Super El Niño sa suplay ng kuryente, presyo ng pagkain at kalagayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap at vulnerable sectors.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Atty. Aaron Pedrosa – Secretary-General ng Sanlakas, na hindi lamang usapin ng kuryente ang dapat pagtuunan ng pansin kundi ang mas malawak na epekto ng lumalalang climate crisis sa bansa.
“Hindi lang sa usapin ng kuryente, kundi sa kabuuang dinaranas natin ngayon na tumitinding epekto ng krisis sa klima. And we find the government to be falling short of the urgency, ‘no, to respond.” Bahagi ng pahayag ni Pedrosa sa Radyo Veritas.
Ayon kay Pedrosa, malaking bahagi ng power generation ng bansa ay nakadepende pa rin sa coal, oil, at gas na nagiging dahilan ng pagiging vulnerable ng power supply sa panahon ng matinding climate conditions.
“Nasa 57% ng ating power generation ay mula sa mga planta, coal plant na tinatawag, pumapalya po sa mga panahon na ito ang mga plantang ‘yan, tulad ng nararanasan natin ngayon pa lang na wala pang o nagsisimula pa lang, nasa early onset na tinatawag, ng Super El Niño.” Dagdag pa ni Pedrosa.
Kabilang sa partikular na tinukoy ni Pedrosa ang mga nararanasang power interruptions sa Visayas at Mindanao.
“So, kung ngayon inaabot ng limang oras, anim na oras na may mga power outages sa ilang bahagi sa Visayas at tsaka sa Mindanao, ano kaya ‘pag nandito na tayo sa kalagayan…” Ayon pa kay Pedrosa.
Matatandaang nagbabala rin ang Department of Energy na maaaring makaranas ang bansa ng mas madalas na power outages at mas mataas na singil sa kuryente dahil sa epekto ng matinding El Niño sa coal-fired at hydroelectric power plants.
Hindi lamang sa kuryente ang epekto ng Super El Niño
Samantala, inihayag rin ni Pedrosa ang pangamba na maaaring lumawak ang epekto ng krisis sa pagkain, kalusugan at kabuhayan.
“How much more na ito, buong Pilipinas, hindi lang sa usapin ng petrolyo, kundi agricultural products, ibig sabihin ‘yung pagkain, ‘yung kuryente, ‘yung epekto sa kalusugan, lalo na ‘yung mga vulnerable sectors, ‘yung may mga asthma, etc.” Ani Pedrosa.
Dahil dito, nanawagan si Pedrosa sa mga lokal na pamahalaan na maging aktibo sa paghahanda at pagtugon sa epekto ng Super El Niño.
“So, this is alarming. Kaya babalik tayo doon sa tanong: Ano’ng gagawin ng taong-bayan, rather? I think it’s up to us to pressure at the very local level ng local government units, our own cities, municipalities…” Ayon pa kay Pedrosa.
Samantala, iginiit din ni Pedrosa ang pangangailangang pabilisin ang paglipat tungo sa renewable energy, ngunit hindi dapat isakripisyo ang kalikasan at mga komunidad sa proseso.
Paliwanag ni Pedrosa, “Ang ating prinsipyo dito ay ‘do no harm.’ Kaya kahit nagtutulak tayo ng renewable energy, kailangan hindi rin ‘yung renewable energy sources makakadulot ng mas matinding pinsala, tulad ng pagputol ng mga punongkahoy, sisirain mo ‘yung kagubatan, sisirain mo ‘yung mga komunidad ng mga katutubo o ‘yung agricultural sources.”
Giit ni Pedrosa kailangang bawasan ang pagdepende sa imported fossil fuels ng bansa, kung saan para sa Sanlakas ang paghahanda sa Super El Niño ay dapat isabay sa pangmatagalang pagbabago sa energy system upang matiyak ang sapat at matatag na suplay ng kuryente habang pinangangalagaan ang kalikasan at kabuhayan ng mga Pilipino.




