894 total reads
Nanawagan ng patuloy na pananalangin sa mga mananampalataya si Rev. Fr. Gregory Ramon Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma para sa kalusugan ni Pope Leo XIV na patuloy pa ring nagpapagaling sa Gemelli Hospital sa Roma.
Sa kanyang ulat bilang Vatican Correspondent ng Radio Veritas, ibinahagi ni Fr. Gaston na nananatiling maayos ang kalagayan ng Santo Papa sa kanyang ikalawang gabi sa ospital matapos na sumailalim sa operasyon sa baga.
“Kaya tuloy ang ating pagdasal para sa ating Santo Papa.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.
Batay sa pinakahuling update ng Vatican, naging maayos ang ikalawang gabi ni Pope Leo XIV sa Gemelli, kung saan nakabangon na rin ang Santo Papa at nakapag-almusal, habang nagpapatuloy ang kaniyang post-operative recovery.
Nauna na ring iniulat ng Holy See Press Office na nakapaglakad na si Pope Leo XIV sa kaniyang silid, nakapagpatuloy sa pagkain at nakatanggap ng respiratory physiotherapy.
Nakapagdiwang din ang Santo Papa ng Misa bilang concelebrant sa isang silid na pansamantalang ginawang chapel sa ika-10 palapag ng ospital.
Sa pinakahuling update ng Vatican, nagsimula na rin siyang muling gampanan ang ilang gawain habang nagpapatuloy ang kaniyang paggaling sa ospital.
“Collaborators” sa misyon ng Santo Papa
Ibinahagi rin ni Fr. Gaston na bagamat pansamantalang nasuspinde ang ilang audience at meeting ni Pope Leo XIV habang siya ay nagpapagaling, ay nagpapatuloy pa rin ang pananalangin at pag-aaral ng Santo Papa, gayundin ang pagtanggap nito ng mga update mula sa Vatican.
Samantala, hinikayat din ng Pari ang mga mananampalataya na makita ang kanilang pang-araw-araw na gawain bilang paraan ng pakikipagtulungan sa misyon ng Santo Papa.
“Kung nasaan man tayo, ang ating ginagawa sa bahay, sa trabaho, sa pamimili, sa shopping, sa paglaro, lahat ‘yan ginagawa natin kasama ‘yung ating kapwa, service natin ‘yan sa ating kapwa.” Mensahe ni Fr. Gaston.
Aniya, sa pamamagitan ng pagtulong at pagpapasaya sa kapwa ay nagiging bahagi rin ang bawat isa ng misyon ng Simbahan.
“Sa ganung paraan, kahit anong ginagawa natin, maalala din natin ang Santo Papa, ipagdasal natin at sa ganung paraan ay kumbaga collaborators na tutulungan natin ang Santo Papa sa kanyang misyon sa pagdala ng mensahe ng Panginoon sa buong Simbahan.” Ani Fr. Gaston.
Mula sa Vatican, muli ring ipinaalala ni Fr. Gaston ang kahalagahan ng panalangin para sa Santo Papa habang nagpapatuloy ang kaniyang pagpapagaling mula sa operasyon.
“Patuloy lang ang ating pagdasal para sa ating Santo Papa.” Panawagan ni Fr. Gaston.
Sa isinagawang operasyon, inalis ng mga doktor ang ibabang bahagi ng kanang baga ng Santo Papa gamit ang video-assisted technique, at iniulat na natapos ito nang walang komplikasyon.
Kinumpirma rin ng pagsusuri sa tissue habang isinasagawa ang operasyon ang lung adenocarcinoma, na pinaghinalaan na sa mga naunang pagsusuri.




