
Protektahan ang mga bata
185 total reads
Mga Kapanalig, taos-puso tayong nakikiramay sa mga estudyante, guro, at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University na naapektuhan ng malagim na pamamaril noong Agosto 18. Ito ang pangalawang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa loob lamang ng dalawang buwan.
Nanawagan ang Department of Education (o DepEd) sa media, vloggers, content creators, at publiko na huwag mag-post, magbahagi, o magpakita ng mga video at larawan na nagpapakita ng insidente at ng mga naging bunga nito. Ayon sa DepEd, maaari nitong dagdagan ang trauma na nararanasan ng mga biktima, kanilang mga pamilya, at buong komunidad.
Naglabas din ang ilang organisasyon ng media ng pahayag na dapat itrato ang mass shooting katulad ng suicide. Dapat iwasang bigyan ng labis o paulit-ulit na atensyon ang gumawa ng pag-atake, at huwag maglahad ng mga detalyeng hindi naman kailangang malaman ng publiko. Nanawagan sila sa mga kasamahan nila sa media na maging maingat at responsable sa kanilang pagbabalita.
Nangagamba rin ang mga psychiatrists at eksperto sa usaping mental health sa patuloy na pagkalat ng mga video ng insidente sa social media. Anila, may masamang epekto ang paulit-ulit na pagkakalantad sa gumawa ng pag-atake at sa mismong insidente. Dapat daw maging maingat sa pagtalakay sa ganitong mga pangyayari dahil maaari nitong dagdagan ang anxiety at takot ng mga tao.
Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang mas malawak na tugon sa karahasan sa mga paaralan, kabilang ang suporta sa mental health ng kabataan, intervention para sa mga pamilya, at mga konkretong hakbang para sa kaligtasan sa paaralan. May mga panawagan ding suriin ang mga batas tungkol sa pagmamay-ari ng baril.
May mahalagang papel din ang mga paaralan sa paglikha ng ligtas na pisikal at emosyonal na kapaligiran. Makatutulong ang pagkaroon nila ng malinaw na sistema para sa pag-uulat ng bullying, pang-aabuso, at iba pang panganib na maaaring mag-udyok sa mga estudyanteng maging marahas. Sapat na suporta din ang dapat ibigay sa mga mag-aaral at guro. Kaya nangako ang DepEd na magbibigay ng psychological first aid at psychosocial support sa mga apektadong estudyante, staff, at pamilya.
Sa tahanan naman, mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang sa mga nakikita at napapanood ng kanilang mga anak. Paalala ni Pope Francis na dapat subaybayan ng mga magulang kung anu-ano ang mga bagay at impluwensiyang pinapapasok nila sa buhay ng kanilang mga anak, tulad ng mga napapanood sa telebisyon at gadgets, at ng mga taong nakakasalamuha at nakakasama nila.
Sa pagharap natin sa trahedyang ito, huwag nating kalimutan ang mga taong higit na nangangailangan ng ating atensyon—ang mga biktima, kanilang mga pamilya, at ang buong komunidad na patuloy na nagdurusa. Maging maingat tayo sa impormasyong ibinabahagi, lalo na sa social media. May responsabilidad tayong huwag magpalaganap ng sensitibong larawan, tsismis, o fake news na lalo lamang makasasakit sa mga biktima at kanilang pamilya. Hindi natin kailangang dagdagan ang kanilang sakit. Sa halip, piliin nating maging bahagi ng paghilom at pag-iwas sa panibagong trahedya. Patuloy din nating itanong sa ating sarili: paano natin mapoprotektahan ang mga bata mula sa kultura ng karahasan?
Mga Kapanalig, paalala sa atin ng Awit 34:18, “Ang Panginoon ay malapít sa may pusong wasak, at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.” Sa gitna ng ganitong kadiliman, nawa’y maging bukál tayo ng habag at malasakit. Patuloy nating ipanalangin ang mga biktima ng pamamaril, ang kanilang mga mahal sa buhay, at ang buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University. Higit sa lahat, igalang natin ang kanilang dignidad at privacy habang sama-sama nating hinahanap ang mga paraan upang maging mas ligtas ang ating mga anak.
Sumainyo ang katotohanan.






