410 total views
Kinondena ng Pontifical Foundation Aid to the Church in Need Philippines ang marahas na pang-atake sa mga simbahan sa Chile.
Hinimok naman ni ACN-Philippines National Director Jonathan Luciano ang mananampalataya na ipanalangin ang kaligtasan ng mamamayan sa Chile lalo na ang nasasakupan ng dalawang simbahang sinunog ng mga raliyista.
“We encourage everyone, our brothers and sisters, to unite in prayer and be in solidarity with our family in Chile,” pahayag ni Luciano sa Radio Veritas.
Giit ni Luciacno, kailanman ay hindi makatwiran ang paghahasik ng karahasan sa lipunan na nagdudulot ng higit pang kaguluhan dahil sa mas mangingibabaw ang pagkamuhi ng mamamayan.
Ika-18 ng Oktubre pinasok at sinunog ng mga raliyista ang St. Francis Borgia Church at ang pinakamatandang simbahan sa Santiago ang Church of the Assumption of the Blessed Virgin Mary na itinatag noong 1876.
Pagbabahagi pa ng ACN na noong 2019 naging sentro ang Chile nang pang-aatake at paglapastangan sa mga simbahan sa lugar nang magsimula ang malawakang pagkilos laban sa pamahalaan ng Chile.
Naniniwala si Luciano na tanging diyalogo o pag-uusap ang daan upang magkaroon ng pagkakasundo at kapayapaan sa pamayanan.
“While there may exist difference in belief, in principle, or in faith, all these may be peacefully reconciled through dialogue and communication,” ayon kay Luciano.
Nagpahayag rin ng pakikiisa si ACN Executive President Thomas Heine-Geldern sa Chile partikular na kay Rev. Fr. Pedro Narbona ang kura paroko ng Church of the Assumption na tagasuporta sa mga gawain ng ACN.
Batay sa tala ng Pontifical Foundation nasa 57 pang-atake sa mga simbahan sa Chile ang naitala simula noong 2019. Umaasa naman si Luciano na ang bawat mananampalataya ay maging instrumento ng kapayapaan tulad ng panawagan ng Panginoon sa bawat isa na palaganapin ang pag-ibig sa lipunan.
“Let us also please not promote further hate, and may we be instruments of love, understanding, justice, and forgiveness,” dagdag pa ni Luciano.
Ang Pontifical Foundation Aid to the Church in Need ay itinatag upang magbigay ng pastoral at humanitarian na tulong sa mga inuusig na simbahan at kristiyano sa buong mundo.
Sa halos pitong dekada ng ACN milyun-milyong indibidwal at simbahan na ang natulungan nito sa 145 mahihirap na bansa kabilang na ang Pilipinas.