400 total views
Nagpapasalamat ang pamunuan ng Quiapo Church sa pagbibigay pahintulot ng pamahalaan ng Maynila na madagdagan ang bilang ng mga maaring dumalo sa pampublikong misa.
Ayon kay Fr. Douglas Badong-parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church, ito ay malaking tulong para sa mananampalatayang nanabik nang makatanggap ng Eukaristiya.
Umaasa din ang pari na sa kabila ng pagbibigay-luwag ng Maynila ay patuloy na sumunod ang bawat isa sa ipinatutupad na health protocols upang hindi na tumaas pa ang bilang ng mga nahahawaan ng pandemic novel coronavirus.
“Hopefully by that time (advent) mag-increase tayo ulit. Sa ngayon okay na tayo sa 30-percent. Hindi rin naman nating puwedeng biglain yung pagdagsa ng mga tao sa simbahan,” ayon kay Fr. Badong.
Ang kautusan ni Manila Mayor Francisco Domagoso na pagpapahintulot sa 30-porsiyento ng kapasidad ng simbahan mula sa dating 10-porsiyento ay nagsimula noong Lunes.
“Maganda rin ngayon kasi, at least nasasanay na ang mga tao, madidisiplina ang tao sa pagpasok at paglabas ng simbahan. Inihahanda tayo para sa pagdating ng Simbang gabi medyo aware na sila at kung papano kumilos at paano ang galaw natin sa misa,” dagdag pa ng pari.
Naniniwala ang pari na sa pamamagitan ng paunti-unting pagluwag ng community quarantine ay masanay at madisiplina ang mga tao sa pag-iingat sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask at face shield gayundin ang pag-aagwat ng distansya.
Umaasa din si Fr. Badong na nawa bago dumating ang adbiyento at pagsasagawa ng simbang gabi ay mas marami pang mananampalataya ang bigyang pahintulot na makadalo sa simbahan para sa mga pangsimbahang pagdiriwang.