2,990 total views
Umapela ng tulong at panalangin ang sangay ng pontifical foundation ng Vatican sa bansa na Aid to the Church in Need-Philippines para sa mga biktima ng dalawang malakas na lindol sa bansang Turkey at Syria.
Ayon kay ACN Philippines acting president Msgr. Gerardo Santos, ang anumang donasyon na matatanggap ng sanggay ng ACN sa bansa ay ipadadala sa ACN International upang maipaabot sa mga naapektuhan ng lindol sa dalawang bansa.
Pagbabahagi ng Pari, bukod sa pananalangin ay mahalaga rin ang anumang tulong at donasyon para sa mga kagyat na pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.
“ACN Philippines appeals for your prayers and support. Any donation will be sent to ACN International – a pontifical organization that has tirelessly assisted the affected countries in recent decades,” ang bahagi ng pahayag ni ACN Philippines acting president Msgr. Gerardo Santos sa Radio Veritas.
Pagtiyak ng Pari, makakaasa ang mamamayan ng Turkey at Syria sa pakikiisa ng sangay ng pontifical foundation ng Vatican sa Pilipinas hindi lamang sa pamamamagitan ng pananalangin kundi bilang daluyan ng biyaya, habag, awa at pagmamahal ng Panginoon.
Umaasa naman si Msgr. Santos sa aktibong pagtugon ng bawat mananampalataya sa panawagan ng Santo Papa Francisco upang makiisa at magpaabot hindi lamang ng panalangin kundi ng konkretong pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng paglindol sa dalawang bansa.
“ACN Philippines is one with the people of Syria and Turkey as they grieve and try to recover from the devastation of the recent earthquakes. Our beloved Pontiff, Pope Francis, has called for solidarity with all the victims. At his General Audience, he mentioned Aid to the Church in Need (ACN) as one of the foundations that urgently responds to the suffering Church in Syria and Turkey. We grieve with our brothers and sisters over the loss of over 12,000 lives, even as they have not yet recovered from a long war,” dagdag pa ni Msgr. Santos.
Batay sa kasalukuyang tala, umaabot na sa humigit kumulang 12,000 ang naitalang nasawi sa naganap na malakas na lindol sa Turkey at Syria kung saan karamihan sa mga mamamayang nakaligtas ay tinitiis ang malamig na panahon at kakulangan ng supply ng mga pangunahing pangangailangan.
Matatandaang taong 2016 ng nagkaroon ng sanggay ang ACN sa Pilipinas na isa lamang sa mahigit 20-piling mga bansa sa Europa, Amerika, Australia at Asia na naatasan na humawak at mangasiwa sa misyon ng sangay ng pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need.