86,596 total views
Ang kalidad ng hangin ay isang seryosong usapin. Malaking hamon ito – tinatayang mga 92% ng populasyon sa Asya at Pasipiko ay exposed sa mga mapanganib na epekto ng maruming hangin. Sa Pilipinas, may pag-aaral na nagsasabi na ang air pollution ang dahilan ng 66,230 deaths sa ating bansa noong 2019.
Ironic, diba, kapanalig. Ang ating bansa ay isang arkipelago, at dapat sana ay malinis ang ating hangin. Pero dahil sa mabilis na urbanisasyon, industriyalisasyon, at pagdami ng populasyon, nagiging mahirap para sa atin na panatilihing malinis ang ating hangin.
Ang transportasyon ay isa sa mga pangunahing sanhi ng polusyon sa ating bansa. Ang mga lumang sasakyan, kawalan ng sapat na regulasyon sa emisyon, at pagsikip ng trapiko ay nagdudulot ng mataas na antas ng mga pollutants tulad ng nitrogen dioxide, carbon monoxide, at particulate matter na may malubhang epekto sa kalusugan.
Bukod sa transportasyon, ang mga industriya tulad ng coal-fired power plants at pabrika ay naglalabas din ng mga mapanganib na kemikal sa hangin. Ang pagsunog ng basura at mga kaingin ay pinagmumulan din ng polusyon na nagiging sanhi ng haze o smog sa ilang mga lugar, lalo na sa mga urbanized na lungsod.
Marami tayong mga hakbang na maaaring gawin upang mapabuti ang kalidad ng hangin sa bansa. Ang pagpapatupad ng Clean Air Act ng 1999 ay isang hakbang patungo sa tamang direksyon. Layunin nitong mabawasan ang emisyon ng mga mapanganib na kemikal mula sa mga sasakyan at industriya. Gayunpaman, may mga hamon pa rin sa implementasyon ng batas na ito, tulad ng kakulangan ng monitoring systems at mahigpit na enforcement. Liban dito, maaari rin tayong magsulong ng ilang mga initiatives, gaya ng pagtataguyod ng green spaces at mas mahusay na pampublikong transportasyon.
Kapanalig, direkta ang epekto ng maruming hangin sa ating kalusugan, kaya’t kailangan nito ng agarang atensyon at aksyon. Banta ito sa kalusugan at buhay ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng mas mahigpit na regulasyon, epektibong implementasyon ng mga batas, at masusing pagsubaybay, mas mapapabuti natin ang kalidad ng hangin sa bansa. Kapag ating pangangalagaan ang hangin, aalagaan din tayo nito. Ayon nga sa Caritas en Veritate: The way humanity treats the environment influences the way it treats itself, and vice versa.
Sumainyo ang Katotohanan.