14,881 total views
Pinangunahan ng Caritas Philippines ang isang learning session na nagbahagi ng kaalaman at kasanayan sa geo-tagging at mapping sa mga social action centers sa bansa.
Ito ang 5th Online Kalikasan Learning Session on Geo-tagging and Mapping na isinagawa sa pamamagitan ng Zoom conference nitong August 14.
Ayon sa Caritas Philippines, sa pamamagitan nito’y makakamit ang pagkakaroon ng sistemang makakatulong sa pagbibilang, pagbabantay, at pangangalaga sa mga itinatanim na puno.
“Over the last decades, wala daw po tayong maipakitang dokumento na nagsasabi kung ilan sa mga seedlings na ating hiningi ang actual na naitanim, nabuhay, at hanggang ngayon ay nagsisilbing buffer against typhoons, strong winds, landslides, and erosion,” ayon sa Caritas Philippines.
Batay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang simbahan ang may pinakaraming hinihinging tree seedlings ngunit walang maayos na talaan o dokumentasyon sa kalagayan ng mga itinanim na puno.
Kabilang naman sa mga programa ng social at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, sa ilalim ng Alay Kapwa para sa Kalikasan, ang Caritas Philippines Bamboo Forest Project.
Layunin nitong ipalaganap at pagyabungin sa 86-diyosesis sa buong Pilipinas ang pagtatanim ng mga kawayan at iba pang punong-kahoy na makakatulong na mabawasan ang epekto ng mga kalamidad, lalo na ang umiiral na climate crisis.
Katuwang ng Caritas Philipines sa gawain ang United States Agency for International Development (USAID) at Gerry Roxas Foundation.