20,317 total views
Napapanahon pa rin ang misyon ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) makalipas maitatag 50-taon noong panahon ng batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr.
Aminado si TFDP Chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm., na isang kabalintunan ang pagdiriwang ng isang human rights organization ng ika-50 anibersaryo dahil nangangahulugan ito ng patuloy na pag-iral ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
“Ironic i-celebrate mo ang isang human rights organization after 50 years, ibig lamang sabihin meron pa siyang relevance and meron pa siyang dahilan na mag-exists dahil patuloy ang paglabag sa karapatang pantao.”pahayag ni Fr. Buenafe sa Radio Veritas.
Inihayag ng Pari na itinatag ang TFDP bilang isang panandaliang task force na magsisilbing tagapagbantay ng karapatang pantao noong panahon ng Martial Law ngunit nakita ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) na dating AMRSP ang mahalagang misyon na dapat gampanan ng organisasyon sa lipunan.
Iginiit ni Fr. Buenafe na mahalaga ang isinasagawang pagtatala o documentation ng TFDP sa mga nagaganap na paglabag sa karapatang pantao sa bansa upang maipabatid sa international community ang tunay na kalagayan ng human rights situation sa Pilipinas.
“Task Force sana siya, short live lang siya pero nakaabot ng [50 years] dahil nga patuloy yung human rights violations kaya sa part ng mga Major Superiors sa CMSP nakita pa rin na relevant pa din ang ginagawa ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) sa usaping human rights violations, pag-document at nakakatulong itong documentation ng TFDP lalong lalo na kung i-present natin sa international community as a human rights community tungkol sa mga data na patuloy talaga yung pag-violate ng mga karapatang pantao.” Dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Taong 1974 ng itinatag ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) ang human rights organization na Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) upang makapagpaabot ng tulong at ayuda sa mga political prisoners ng Batas Militar sa ilalim ng diktaduryang Marcos Sr..
Bukod sa legal na tulong ay nagkakaloob rin ang TFDP ng moral at pang-espiritwal na paggabay sa mga political prisoners at kanilang pamilya, kasabay ng masusing pagdokumento sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao kabilang na ang kaso ng torture, summary arrest, killings, illegal detention, dis-appearances o desaparacitos.
Sa kasalukuyan puspusan ang isinasagawang paghahanda ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) para sa paggunita ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng organisasyon ngayong taon kung saan napiling tema para sa ika-limang dekada ng human rights organization ang “Pakikibaka para sa Karapatang Pantao at Katarungan, Kumilos nang may Pagmamahal at Pag-asa.” (“Struggle for Human Rights and Justice, Act with Love and Hope.”)
Ayon sa TFDP, sinasalamin ng nasabing tema ang limang dekadang pagsusumikap ng organisasyon na maitaguyod ang karapatang pantao at katarunang panlipunan sa bansa.