387 total views
Naniniwala ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines na marami pa rin ang nagpapamalas ng kagitingan hanggang sa kasalukuyang panahon tulad ni Hesus na muling nabuhay mula sa kamatayan sa krus at ng mga bayani noong World War 2.
Ito ang pagninilay ni AMRSP Co –Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, OFM sa ika-79 na taong paggunita sa Araw ng Kagitingan sa gitna ng panahon ng pandemya at Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Ayon sa Pari, sa kabila ng kapahamakan na dulot ng COVID-19 pandemic ay marami pa rin ang mga magigiting na handang ialay ang buhay upang makapaglingkod sa kapwa.
Partikular na tinukoy ni Fr. Cortez ang mga medical at church frontliners bilang mga bagong bayani ng bayan na patuloy na nagsusumikap na maipadama sa kapwa ang habag at pagmamahal ng Panginoon sa kabila ng panganib sa buhay.
“Sa panahon ngayon marami ang nagpakita ng kagitingan, katulad ni Hesus na muling na buhay ipinamalas nya ang kanyang kagitingan sa pag-aalay ng kanyang buhay. Marami tayong mga medical at church fronliners na tinatahak ang delikadong sitwasyon upang makapaglingkod at maipadama ang pagmamahal ni Hesus. Sila ang mga makabagong magigiting ng ating bayan.” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radio Veritas.
Umaasa naman ang Pari na mabigyan ng naaangkop na pagkilala at pagpapahalaga ang lahat na buong pusong iniaalay ang buhay para sa kapwa ngayon panahon ng pandemya.
“Nawa sa araw na ito, hindi lamang bantayog o pangalan ang katunayan ng kagitingan kundi ang paglilingkod at pag-aalay ng buhay na hindi nag-iintay ng kapalit.” Dagdag pa ni Fr. Cortez.