97,390 total views
Mga Kapanalig, may mungkahi ang Department of Education (o DepEd) na gawing trimester ang school year 2026-2027 mula sa nakagawiang apat na quarters.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, makatutulong ito para sa maging mas mahaba at tuluy-tuloy ang pag-aaral ng mga estudyante, habang mababawasan naman ang gawaing administratibo ng mga guro. Ang bawat semestre ay tatagal ng tatlong buwan, maliban sa huli na dalawa lamang. Bawat termino ay may instructional block na nakalaan para sa pagtuturo at pagkatuto, at enrichment block para sa remediation kung kinakailangan, pagtatala ng mga grades, at ilang araw na pahinga. “Sa ganitong paraan,” paliwanag ni Secretary Angara, “napapangalagaan natin ang kalidad ng edukasyon.”
Solusyon nga ba ang pagbabago ng bilang ng mga semestre para tumaas ang kalidad ng edukasyon. O panibagong trial-and-error ito sa sistemang napakaraming pagkukulang?
Simula 2016, sunud-sunod ang mga pagbabago sa sektor ng edukasyon. Ipinatupad ang K-12 curriculum. Sinundan ito ng pandemyang nagdulot ng biglaang paglipat sa online classes at blended learning, bago unti-unting bumalik sa face-to-face classes. Hindi pa nga tuluyang nakapag-a-adjust ang marami sa mga pagbabagong ito, may panibago na naman.
Ang sinasabing mas mataas na kalidad ng edukasyon, ayon sa Alliance of Concerned Teachers (o ACT), ay hindi posible kung pareho pa rin ang dami ng estudyante sa bawat klase at kulang pa rin ang mga silid-aralan. Mahigit-kumulang 165,000 ang kulang na silid-aralan sa bansa. Dahil dito, libu-libong paaralan ang napipilitang magpatupad ng shifting: may pang-umaga at pang-hapon. Sa ganitong kalagayan, paano magiging “mas tuluy-tuloy” ang pagkatuto ng mga estudyante kung kulang ang oras at espasyo para mangyari ito?
Dagdag pa rito ang malalang teacher-student ratio. May mga guro na humahawak ng 50 o higit pang mag-aaral sa isang klase. Ang resulta: nahuhulí ang mga batang Pilipino sa kanilang aralin dahil hindi sila napagtutuunan ng panahon ng kanilang guro. Ang kalidad ng edukasyon ay hindi lamang nakasalalay sa haba ng bawat semestre, kundi sa kakayahan ng guro na tutukan ang bawat estudyante—bagay na halos imposible kung kulang ang guro at siksikan ang mga silid-aralan.
Kung talagang kapakanan ng guro at mag-aaral ang nasa isip ng DepEd, bakit hindi unahin ang pagdagdag ng mga guro at pagbibigay sa kanila ng maayos na pasahod? Sa kasalukuyan, ang isang bagong teacher ay tumatanggap ng ₱30,000 kada buwan. Sa dami ng kanilang ginagawa at sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin, kulang ang suweldong ito para mabuhay nang may dignidad ang mga humuhubog sa kinabukasan ng bayan.
Ang pagbabagong katulad ng paghahati sa school year sa tatlo ay hindi dapat minamadali. Hindi dapat basta isinasabak ang mga paaralan sa mistulang eksperimento. Hindi mga daga sa laboratoryo ang mga estudyante at guro.
Nilinaw naman ng DepEd na hindi pa ito pinal at sasailalim pa sa konsultasyon. Panghawakan natin ang pangakong ito. Bantayan natin kung ang pinal na plano ay tunay na sumasalamin sa boses ng mga nasa silid-aralan.
Mga Kapanalig, ang edukasyon ay hindi eksperimento. Sabi nga sa Kawikaan 22:6, “ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan.” Edukasyon ang pundasyon ng kinabukasan ng bawat bata at ng buong bansa. Hindi ito maitatatag kung hindi kikilos ang pamahalaan na may pananagutang tiyakin ang sapat na edukasyon, suportahan at ihanda nang maayos ang mga guro, pangalagaan ang mga mag-aaral, at patatagin ang buong sistema ng edukasyon. Ang pagbabago ng iskedyul ay maaaring bahagi ng solusyon, pero kung mananatiling kulang ang mga silid-aralan, ang mga guro, at mababa ang kanilang sahod, mananatili itong band-aid solution lamang sa malalim na sugat.
Sumainyo ang katotohanan.






