218 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo itinalaga si Senador Manny Pacquiao bilang pangulo ng PDP-Laban, ang partidong kinabibilangan ni Pangulong Duterte. Sa kasalukuyan, isa ang PDP-Laban sa pinakamalalaking partidong pulitikal sa bansa. Ito ang kinabibilangang partido ng limang senador, 58 kongresista, 43 gobernador, 22 bise-gobernador, 600 alkalde, halos 600 ding bise-alkalde, at libu-libong konsehal. Kaya naman, iba’t ibang haka-haka ang lumilitaw ngayon sa pagkakaroon ng bagong pangulo ng partido.[1]
Para sa ilang political experts, bahagi ito ng paghahanda kay Senador Pacquiao bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan sa 2022. Hindi tulad sa ibang bansa kung saan may malinaw na plataporma at mga paninindigan ang mga partidong pulitikal, buháy lamang ang mga partido dito sa Pilipinas sa panahon ng kampanya at eleksyon. Lumalawak ang kasapian ng partido habang papalapit ang eleksyon, kaya nagsisilbi itong makinarya upang makapangampanya para sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Gayunman, bagamat kilalang kampeon ng masa ang boksingerong senador, iba ang mga kakayanang hinihingi ng pagiging pinuno ng isang partido, at lalong mas malaki ang inaasahan para naman pamunuan ang buong bansa. Ano kaya ang naging pamantayan ng PDP-Laban sa pagpili nila ng mamumuno sa kanila?
Sa tingin naman ng iba, ang pagtatalaga kay Senador Pacquiao ay tugon sa mga lamat sa loob ng partido dala ng agawan sa pagiging House Speaker nina Congressman Lord Allan Velasco at Congressman Alan Peter Cayetano. Anila, hindi lingid sa kaalaman ng maraming karamihan sa miyembro ng partido ay mula sa ibang partido na nagsilipatan nang maging prominente ito, o sa madaling sabi, mga balimbing. Sa pamamagitan ng bagong liderato, mapagtitibay daw ang partido, at kahit hindi si Senador Pacquiao ang tatakbo sa pagkapangulo sa darating na eleksyon, magkakaroon siya ng solidong suporta mula sa mga kasapi nito.
May nagsasabi ring pinili si Senador Pacquiao dahil sa kanyang “deep sources” o “malalim na bulsa.” Ngayong Kapaskuhan, mukhang nakikita ang senador na Santa Claus na may ipamamahaging aginaldo sa mga miyembro ng partido. Hindi ba’t siya ang ikalawang pinakamayamang senador ngayon na may net worth na 3.17 bilyong piso?[2]
Ang kuwentong ito ni Senador Pacquiao at ng PDP-Laban ay isang patunay ng malaking pagkukulang sa pulitikal na kultura nating mga Pilipino, lalo na sa ating pag-unawa sa layunin ng pagbubuo ng mga partidong pulitikal.
Sinasabi sa mga Catholic social teaching na layunin ng mga partidong pulitikal na itaguyod ang malawak na partisipasyon ng taumbayan at ang tungkulin nila sa sama-samang pagkamit sa kabutihang panlahat o common good. Tunguhin dapat ng mga partidong pulitikal na bigyang-kahulugan ang hangarin ng taumbayan at pagkalooban sila mismo ng pagkakataong makapag-ambag sa mga usaping pulitikal.[3] Samakatuwid, ang mga partidong pulitikal ay dapat magsilbing instrumento ng pagpapalakas at pagbibigay-boses sa taumbayan. Taliwas sa mga layuning ito ang gamitin ang mga partidong pulitikal bilang behikulo lamang sa pangangampanya ng mga pulitiko, bilang pugad ng mga balimbing, o kaya naman ay bilang isang paraan upang mabili ang tiwala ng mga kapwa-pulitikong sabik sa kapangyarihan.
Mga Kapanalig, tulad nga ng sinasabi sa Exodo 18:21, kinakailangan nating “pumili ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at ‘di masusuhulan,” at sila ang dapat maging mga “tagapangasiwa.” Ang mga partidong pulitikal ay kanlungan ng ating mga “tagapangasiwa”. Kaya pagnilayan natin ang mga salitang ito mula sa Exodo at gamiting pamantayan sa pagpili natin ng mga lider na iluluklok sa susunod na eleksyon. Kasabay nito, maging hangarin sana natin bilang mga mamamayan ang isang uri ng mga partidong pulitikal na ang layunin ay tunay na nakabatay sa plataporma, hindi sa palakasan ng kapit sa poder; mga partidong nagsusulong ng kabutihang panlahat, hindi ng mga pansaraling interes.