273 total views
Mga Kapanalig, maraming mamimili ang umaaray sa nagtataasang presyo ng pagkain ngayon. Sa ilang pamilihan dito sa Metro Manila, halimbawa, ang kada kilo ng siling labuyo ay nagkakahalaga ng ₱600, mas mataas pa sa presyo ng karneng baboy na nasa ₱320 kada kilo. Maraming gulay din ang nagsipagmahalan din ang presyo: ang sibuyas ay nasa ₱270 bawat kilo mula sa dati nitong presyo na ₱160; ang kamatis na noon ay ₱100 kada kilo, ngayon ay nasa ₱160 na; ang mga madadahong gulay katulad ng kangkong at pechay na dati ay ₱10 lamang kada tali, doble na presyo ngayon.[1] Talaga namang sasakit ang ulo ng mga nanay (o tatay) sa pagbabadyet.
Gustuhin man nating kumain ng masusustansyang pagkain katulad ng gulay, lubhang mahirap itong gawin lalo na ng mga pamilyang umaasa sa arawang kinikita ng nagtatrabaho sa kanilang pamilya o kaya naman ay wala na talagang regular na sahod dahil na rin sa pagkawala ng trabaho dulot ng pandemya. Katwiran ng mga nagtitinda ng mga gulay, sadyang napakataas ng kanilang puhunan para kumuha ng mga paninda nila mula sa ibang lugar na pinalalalâ pa ng ipinapatong ng mga middlemen o ang mga pumapagitna sa pagbilil ng gulay mula sa mga magsasaka at mga manininda. Mayroong umiiral na price freeze lalo na sa mga lugar na nasalanta ng magkakasunod na bagyo, at kabilang dito ang Metro Manila. Ngunit ang price freeze na ito, na tatagal ng dalawang buwan, ay para lamang sa mga tinatawag na basic necessities na kinabibilangan ng mga processed food gaya ng instant noodles, powdered milk, at instant na kape.[2]
Kaya hindi natin masisisi ang ilan nating mga kababayang mas piliin ang mga pagkaing hindi nakatutulong sa kanilang nutrisyon. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming Pilipino, lalo na ang mga bata, ang kulang sa timbang at tangkad. Ayon sa UNICEF, isa sa tatlong batang Pilipinong na wala pang limang taong gulang ang stunted o hindi akma ang kanilang tangkad para sa kanilang edad. Isa naman sa bawat sampung adolescents ang obese o lubhang malaki ang pangangatawan dahil sa maling pagkain.[3]
Sa mahal ng pagkain, may mga pamilya ring hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw. Pinatindi pa ng kasalukuyang pandemya ang problemang ito. Sa datos na inilabas ng Social Weather Stations (o SWS) noong Setyembre, nasa 7.6 milyong pamilya ang minsang nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan mula nang isinagawa ang survey. Sa bilang na ito, 2.2 milyong pamilya ang nagsabing matinding gutom (o severe hunger) ang kanilang naranasan.[4]
Sa totoo lang, may sapat na pagkain para sa ating lahat. Lubhang napakarami nga lang ng mga balakid upang makarating ang pagkain sa hapag lalo na ng mga mahihirap at kapos sa buhay. Maliban sa hindi abot-kaya ang presyo ng pagkain, marami rin ang nag-aaksaya ng pagkain na, sabi nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Laudato Si’, ay mistulang pagnanakaw na rin mula sa mesa ng mga dukha.[5] Ang problema natin sa pagkain ngayon ay nakaugat sa maraming bagay—ang kawalan ng maayos na trabaho, ang kasakiman ng ilang mapagsamantalang negosyante, at ang hindi pagbibigay-pansin sa pangangailangan ng mga magsasaka. Ang problema natin sa pagkain ay isang problemang pangkatarungan.
Mga Kapanalig, sinasabi sa Lucas 12:24 na hindi tayo dapat mabalisa kapag wala tayong makain dahil laging nariyan ang Diyos na nagbibigay sa atin ng biyaya, sa ating mas mahalaga pa kaysa sa mga ibong hindi nagtatanim o umaani ngunit nakakakain. Ngunit kung lubhang napakarami na ang walang makain nang maayos sa ating bansa, malakihang pagkilos na ang kailangang gawin ng mga institusyong inaasahan nating magtitiyak na wala tayong mga kababayang kumakalam ang tiyan.