93,992 total views
Madilim. Masikip. Marumi. Ito ay ilan lamang sa mga salitang naglalarawan sa mga slum areas sa ating bayan.
Ang mga daanan sa ganitong lugar, motor o tao lamang ang kasya. Nagsasalubong na ang kanilang mga bubong kaya minsan, kahit araw, madilim sa mga eskinita. At dahil malayo sa daanan ng mga garbage collectors, kadalasan, ang basura ay kung saan saan na lamang natatapon. Mahirap ang buhay sa slum areas ng ating mga syudad. Pero ito ay tahanan ng napakaraming mga Filipino
Ayon sa isang report ng UN Habitat, tinatayang umaabot sa 3.7 million ang mga informal settlers sa ating bayan, na kadalasang tinatawag nating squammy o squatters. Kalahating milyon sa kanila ay nakatira sa mga slum at high-risk areas ng National Capital Region. Malaking hamon ito sa ating bayan, kapanalig, lalo pa’t nasa era tayo ng climate change.
Tingnan na lamang nating ngayon ang kanilang sitwasyon ngayong panahon ng sobrang tag-init. Ang mga dingding nila, karaniwan yero, at at ang bubong nila, yerong wala ring insulasyon. Para silang pumapasok sa pugon ngayong tagtuyot tuwing papasok sila sa kanilang tahanan.
Sa mga tahanan din ito, kulang ang tubig. Kadalasan, may regular na nagdedeliver lamang sa kanila ng tubig na iniimbak nila sa mga drum sa kanilang tahanan. Minsan naman, may common faucet silang pinagkukunan. Pati kuryente, problema rin sa mga slum settlements. Kung meron silang linya ng kuryente, pansit pansit sa mga poste ang mga kable tungo sa kanilang mga tahanan. Yung ibang mga di kayang magpa-metro, nagtitiis sa kandila o gasera, na napakalaking fire hazard sa ganitong mga lugar.
Dahil marami rin sa ating mga slum settlements ay nasa high risk areas gaya sa mga tabi ng estero, o malalambot na lupa, prone o bulnerable sila sa pagbaha at erosion. Maraming pagkakataon, nagigising na lamang sila na baha na pala, o unti unti ng gumuguho ang bahay.
Kapanalig, ang pagkakaroon ng disenteng bahay ay karapatan nating lahat. Hindi makatarungan na marami sa ating mga kababayan ay walang shelter mula sa iba’t ibang elemento ng panahon o weather. Kailangan nating mabago ang sitwasyon na ito bago pa lalong dumami ang mga slum settlements sa bansa.
Ayon sa Sollicitudo Rei Socialis, ang kawalan ng disenteng pambahay ay ebidensya ng malaking pagkukulang ng lipunan. Kapag hindi natin maibigay sa tao ang kahit simpleng pabahay lamang, hindi tunay o authentic ang ating kaunlaran. Kaya inuudyukan ng Pacem in Terris ang pamahalaan na magbigay ng taos puso at masusing atensyon sa authentic na development ng tao. Kailangan nitong tiyakin ang pabahay, kasama ang iba pang karapatan ng mamamayan.
Sumainyo ang Katotohanan.