17,269 total views
Hinimok ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga kabataan at mamamayan na gamiting inspirasyon ang paggunita ng Araw ng Kagitingan upang manindigan para sa mga teritoryo na inaangkin ng mga banyaga.
Ayon sa Obispo, ito ay upang mapalakas ang mga pagkilos at paninindigan ng mga Pilipino para sa inaangking West Philippine Sea ng China kung saan nananatiling banta ang mga imprastraktura at malalaking Chinese Coast Guard, Navy at Fishing Vessels.
“Nasa araw po tayo ng kagitingan, ito po ay isang araw na paalalala po sa atin ng ating pagsasakripisyo ng mga kababayan natin sa kanilang Death March noong panahon ng giyera, ipinakita po nila at ng kanilang pagtitiyaga ang kanilang kagitingan na ipaglaban ang ating bayan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Umaasa ang Obispo na ang Araw ng Kagitingan ay maging inspirasyon para sa mga kabataan na huwag mangamba at sa halip ay higit pang palawigin ang kanilang kaalaman hinggil sa usapan.
Hinimok din ng Obispo ang mamamayan na paigtingin ang pagkakaisa sa pananalangin upang i-adya ng Panginoon mula sa anumang kapahamakan ang mga mangingisda o uniformmed personnel na namamalagi sa West Philippine Sea upang maghanap-buhay o bantayan ang teritoryong pagmamay-ari ng Pilipinas.
“Mayroon ding mga banta din sa ating bansa, pinakabanta ngayon ay yung sa West Philippine Sea na inaagaw ang ating karagatan kaya dito ay ipakita din po natin na nababahala po tayo at maging concern tayo sa mga bagay na ito, wag tayong magpatakot, wag manghina ang loob natin kahit na malaki ang kalaban basta mahalaga magkaisa ng pagpapahayag na hindi dapat aagawin ang ating bayan, ang ating teritoryo, ngayon din po ay sikapin po natin na magdasal para po sa ating bansa, pagkakaisa ng ating kapayapaan at ang ating komunidad, ang ating bayan, sana po hindi mawala ang kagitingan sa ating mga Pilipino,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Bilang pakikiisa naman ng mga sibiliyan para sa teritoryo, muling isinusulong ng Atin Ito: West Philippine Sea Movement! ang pagkakaroon ng ikalawang civillian led resupply mission sa lugar.
Layunin itong maidaos ngayong summer season upang ipakita sa mga Pilipino na mahalaga ang paninindigan at pagsuporta sa mga hakbang na itataguyod ang soberany ng Pilipinas.