76,919 total views
Mga Kapanalig, nagulat at nanlumo ang 44 na miyembro ng tribong Ati sa isla ng Boracay nang palayasin sila sa lupang inakala nilang napakasamay na nila. Linggo ng Palaspas nang dumating ang mga guwardyang naglagay ng mga piraso ng yero upang paligiran ang lupa. Hindi sila pinapasok ang mga katutubo kahit pa namagitan ang isang pari at ang kapitan ng barangay. Kinansela kasi ng Department of Agrarian Reform (o DAR) ang Certificates of Land Ownership Award (o CLOA) na nagbibigay sa mga katutubo ng karapatang ariin ang lupang ipinamahagi sa kanila ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mayo noong nakaraang taon pa nang kuwestyunin ang pagkaka-award ng mga lupa dahil hindi naman daw akma ang mga ito para gawing sakahan. Pinagbigyan ng DAR Western Visayas ang petisyon ng mga property developers na bawiin ang 4,800 square meters na lupang ipinagkaloob sa labinlimang pamilyang Ati sa Barangay Manoc-Manoc.
Pinanindigan ito ng DAR. Hindi na raw sakop ang lupang ibinigay sa mga katutubo ng panahon kung kailan isinama sa pag-issue ng notice of coverage ang mga pribadong lupa. Nag-expire na raw ito noong 2014, samantalang ang pag-a-award ng CLOA sa mga katutubo ay ginawa noong 2018. Wala rin daw bisa ang Executive Order No. 75 ni Pangulong Duterte na nagkaloob ng lupa sa mga Ati. Una sa lahat, hindi naman daw gobyerno ang may-ari ng lupang ipinamahagi sa pamamagitan ng naturang kautusan. May legitimate claimant daw ito. At dahil hindi nga ito akma para sa agrikultura, exempted ang ganitong lupa sa Republic Act No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988.
Sa isang banda, mahalagang sundin ang batas, gaya ng iginigiit ng DAR. Sa kabilang banda naman, bakit naman hinayaan ng ahensya na matuloy ang pamamahagi ng lupa sa mga katutubo kung hindi naman pala ito sakop ng agrarian reform program ng gobyerno? Bakit naman nila pinaasa ang mga kapatid nating katutubo na sa wakas, ang lupang matagal na nilang tinitirhan ay mapapasakanila na?
Ang nakalulungkot pa, ginagamit ang nangyaring ito sa mga Ati sa pamumulitika. Pinalalabas na binawi ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang lupang ipinamahagi ng pinalitan niyang administrasyon. Tila ninakawan daw ng lupa ang mga katutubo, gaya ng naging laganap noong rehimen ng kanyang ama. Samantala, tila nagpabango lang daw ng pangalan ang dating Pangulong Duterte gamit ang isyu ng lupa. Hindi naman pala sang-ayon sa batas ang ginawa niya pero itinuloy pa rin para palabasing siya ay makamasa.
May mas malaking isyu sa usaping ito. Mas nangingibabaw nga ba dapat ang pribadong pagmamay-ari kaysa sa kapakinabangan ng mga kababayan nating matagal nang nakatira, katulad ng mga katutubong Ati?
Bagamat kinikilala at iginagalang ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan ang pribadong pagmamay-ari o private property, mas manaig dapat ang prinsipyo ng universal destination of goods o, sa Filipino, ang pangkalahatang layunin ng mga bagay sa mundo. Ang karapatang magmay-ari ay may hangganan. Ang mga may pribadong ari-arian, katulad ng lupa, ay inuudyukang magbahagi sa kanilang kapwa sa ngalan ng kabutihang panlahat o common good at ng kaligtasan mula sa kapahamakan, lalo na ng mga mahihina at isinasantabi. Karapatan ng taong makamit ang bunga ng kanyang pagsusumikap, ngunit pakatandaan natin ang lahat ng bagay sa mundo ay nilikha at ipinagkaloob ng Diyos para sa lahat.
Mga Kapanalig, gaya ng pahiwatig sa Levitico 6 kung saan “ang sumira sa kasunduan” ay kailangang ibalik ang nawala o binawi, nangako ang DAR na ililipat sa lupang pagmamay-ari ng gobyerno ang mga katutubong pinaasa at pinalayas. Kung ganito naman pala, hindi na sana umabot sa kanilang pagpapalayas ang pagkiling sa mga pribadong may-ari ng lupa.
Sumainyo ang katotohanan.