4,850 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Abril 2024
Sa tuwing maririnig ko ang kuwento kay Santo Tomas Apostol ni Kristo, ako'y nanlulumo dahil batid ko hindi ayon turing natin sa kanya na "Doubting Thomas" gayong tanging tag-uri sa kanya ng Ebanghelista ay "Didymus" o "Kambal"; nag-alinlangan nga si Tomas sa balitang napakita si Jesus na muling nabuhay sa kanyang mga kasama nguni't kailanma'y di nabawasan kanyang paniniwala at pagtitiwala.
Malaking pagkakaiba ng hindi maniwala sa hindi makapaniwala na isang pag-aalinlangan bunsod ng kakaibang pakiramdam tulad ng pagkamangha o ng tuwang walang pagsidlan sa isang karanasang napaka-inam ngunit hindi maintindihan balot ng hiwaga at pagpapala gaya nang mabalitaan ni Tomas paanong nakapasok sa nakapinid na mga pintuan Panginoong Jesus na muling nabuhay.
Katulad ng kanyang mga kasamahan nonng kinagabihan ng Linggo ding iyon, wala ding pagsidlan tuwa at kagalakan ni Santo Tomas nang sa kanya inilarawan ipinakitang mga kamay ni Jesus taglay pa rin mga sugat natamo sa pagpapako sa Krus nagpapatunay na Siya nga ang Panginoong nagpakasakit at namatay noon, nabuhay muli ngayon!
Hindi ba ganyan din tayo sa gitna ng ating mga pag-aalinlangan bagama't damang dama natin ang katotohanan ng mga pagpapala at biyaya hindi tayo makapaniwala sa kadiliman ating natagpuan liwanag ni Kristo habang sa kawalan naroon Kanyang kaganapan at kapunuan? Sandigang ating pinananaligan dasal na nausal ni Tomas na banal pagkakita kay Jesus na muling nabuhay, "Panginoon ko at Diyos ko!"
Huwag tayong matakot kung tayo ay mag-alinlangan at kung minsa'y hindi makapaniwala sa mga gawa ng Diyos na sadyang kahanga-hanga; sa mundong ito na ang pinanghahawakang kasabihan ay "to see is to believe", ang kabaligtaran nito ang siyang katotohanang ating mapapanaligan, "believe that you may see" dahil sa dilim at kawalan parati dumarating ang Panginoong Jesus natin!