79,593 total views
Ang bangketa ay maraming bagay para sa mga Pilipino. Ito ay daanan, minsan tahanan, at kadalasan, tindahan ng maraming Pilipino. Dahil sa hirap ng buhay, oo, pati bangketa ay nagiging pwesto na ng maraming maliliit na negosyanteng Pilipino.
Ang bangketa kasi ay daluyan ng tao, at kung saan may tao, may benta. Kaya diyan, sa ating mga bangketa makikita ang iba ibang paninda – street foods, ulam, tinapay, gulay, karne, isda, damit, sapatos, at kung ano ano pa.
Marangal na trabaho ang magtinda, kapanalig, pero para sa maraming mga tindero dito, minsan, natatanggalan sila ng dangal. May mga pagkakataon, dahil impormal at walang opisyal na permiso ang ibang nagtitinda sa bangketa, sila ay hinuhuli ng mga otoridad. Kapag dumarating na ang pulis o MMDA, halimbawa, makikita na natin silang kumakaripas ng takbo tulak tulak ang kanilang mga kariton. Ang mga street vendors kasi, kapanalig, ay eyesore o mantsa sa mga maraming urban areas. Marami sila kapanalig, pero walang opisyal na bilang dahil nga sila ay impormal at ambulant – palipat lipat ng pwesto.
Kapanalig, marahil isa sa maaaring gawin ng mga syudad sa ating bayan ay bigyan naman ng pwesto ang ating mga sidewalk vendors upang hindi sila maging harang o abala sa daluyan ng tao. Maari sigurong mag-talaga ng isang lugar kung saan madali silang makita at mapuntahan ng mamimili. Sana rin, ang mga lugar na ito ay mura lamang ang renta. Isa kasi sa dahilan kung bakit sa bangketa sila nagtitinda ay ang kamahalan ng upa na bumabawas pa sa kanilang maliit na kita.
Ang pagtatalaga ng lugar para sa ganitong uri ng maliliit na negosyo ay hindi pang-be-baby o coddling sa maralita. Ito ay tungkulin ng lipunan. Ang pag-oorganisa o pagsasaayos ng mga negosyo sa syudad ay hindi lamang dapat naka-target o uimiikot sa mga negosyanteng kayang magbayad ng pwesto at buwis. Kailangan, bigyan din natin ng espasyo ang maliliit na negosyante dahil sila ang bulko ng negosyo sa Pilipinas, at merkado nila ang malaking bahagi ng ating populasyon. Hindi makatarungan na nagbibigay puwang sa mayaman o maykayang negosyante lamang ang ating lipunan habang walang pwesto ang informal sector, na siyang gulugod ng ating ekonomiya. Buhat buhat nila ang ating kabuhayan, pero tinatanggalan naman sila ng kabuhayan sa bawat pagbugaw natin sa kanila sa bangketa. Kailangan bigyan natin ng maayos at disenteng pwesto hindi lamang para kumita sila, kundi upang mabigyan din ng mas murang opsyon ang mamimili.
Ayon sa Brothers and Sisters to Us ng US Catholic Bishops: Justice also demands that we strive for decent working conditions, adequate income, housing, education, and health care for all. Government at the national and local levels must be held accountable by all citizens for the essential services which all are entitled to receive. Maging hamon sana ito sa ating mga pinuno. Tugunan nawa nila ito ng mabilisan, upang mas maraming maralitang Pilipino ang makinabang.
Sumainyo ang Katotohanan.