
Homiliya para sa Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (Year A)
Mt 5:17–37
Puwede bang mangyari na ang inaakalang lumalabag sa batas ang siya pala ang tunay na tumutupad dito? At puwede rin bang mangyari na ang nagmamalaking “tagapagtanggol ng batas”—ang siya palang lumalabag dito?
Yan ang gustong linawin ni Jesus sa Ebanghelyo natin ngayon.
Marami kasi noong panahon niya ang nagparatang na pasaway daw siya sa batas. Narinig natin ang pahayag niya:
“Naparito ako, hindi upang ipawalang-bisa ang batas, kundi upang isakatuparan ito.” Hindi niya hangad na suwayin ang batas. Ang hangad niya ay sumunod sa pinaka-diwa nito.
Minsan, inakusahan si Jesus na lumabag sa batas ukol sa Sabbath o araw ng pahinga. Bakit? Kasi nagpagaling daw siya sa araw ng pamamahinga.
Para sa mga Pariseo, bawal magtrabaho sa araw ng Sabbath. Para sa kanila, ang pagpapagaling ay trabaho, kaya isang paglabag.
Pero isipin ninyo:
May isang taong gumaling. May isang taong guminhawa ang pakiramdam dahil sa malasakit niya. Pero ang nakita nila ay hindi ang himala kundi ang “violation.”
Para bang tumingin sa donut pero ang nakita ay hindi ang tinapay kundi ang butas sa gitna nito. Ibig sabihin, nakalimutan nila ang pinaka-dahilan kung bakit nagkaroon ng batas tungkol sa Sabbath.
Sa Book of Deuteronomy 5, malinaw na nakasaad doon kung bakit pinag-utusan ng Panginoon ang Israel na magpahinga sa ikapitong araw ng Linggo. Idiniin doon na ang karapatan na magpahinga ay para sa lahat. Hindi lang sa mayayaman, kundi pati sa mga alipin, mga manggagawa, mga dayuhan, pati na rin sa mga hayop na ginagamit sa pag-aararo ng lupa.
Ibig sabihin, ang diwa ng batas ukol sa Sabbath ay habag, malasakit sa kapwa, lalo sa mga isang kahig, isang tuka. Sa nga tipong hindi kakain kung hindi kakayod. Ang konsepto ng Sabbath ang simula ng “leave with pay”. Babayaran, hindi lang ang araw ng trabaho, kundi pati ang araw ng pahinga matapos ang anim na araw ng trabaho. Kund ang hayop kailangan magpahinga, tao pa kaya? Pagkilala sa dangal, ito ang diwa ng Sabbath—ang mabigyan ng ginhawa ang mga nabibigatan. Kaya ang ginawang pagpapagaling ni Hesus sa Sabbath ay hindi paglabag kundi pagtupad sa Batas.
Sa kabilang dako, tingnan naman natin ang mga Pariseong nagtatanggol daw sa batas. Imbes na ikatuwa nila ang ginhawang naidudulot ni Hesus sa mga nabibigatan sa buhay na kanyang napapagaling, masama ang loob nila. At dahil sa galit, nagplano silang ipapatay si Jesus.
Minsan ganyan talaga: kapag ang batas ay ginagamit hindi upang protektahan ang kapwa-tao, kundi para durugin siya. Di ba tayo nagtataka kung bakit sa kabila ng malilinaw na batas, parang napakahirap para sa mga dukha na magkamit ng katarungan? Di ba tayo nagtataka kung bakit apat na dekada nang nakasulat sa ating Konstitusyon ang pagbawal sa political dynasties, hanggang ngayon hindi pa rin ito maisabatas? Obvious ba? Dahil karamihan sa mambabatas ay galing sa mga political dynasties.
At hindi ba, napakadalas mangyari na ang batas ay nagagamit bilang panakot sa mga lumalaban, para patahimikin ang mahihina, para protektahan ang makapangyarihan?
Kung minsan may batas na nga katulad ng UNCLOS, international law na panig sa ating karapatan sa ating exclusive economic zone pero hindi pa rin maipatupad ng mismong United Nations. Sino ba naman tayo para giyerahin ang Tsina, parang kuto lang tayo sa animal ng higante. Pero dahil ba sila mas malaki may karapatan na silangbi-bully tayo, na bombahin ng tubig ng naglalakihang mga barko nila ang maliliit na bangkang de katig ng ating mga mangingisda sa loob mismo ng dagat na sakop ng ating EEZ ayon sa international law? At kapag nagprotesta tayo, sila pa ang may ganang magsabing nanggugulo o nang-uudyok tayo ng away?
Kaya sa ating Ebanghelyo, hindi kuntento si Jesus sa paimbabaw na pagtupad.Nagbibigay siya ng komentaryo sa tatlo sa sampung utos: Huwag pumatay, huwag makikiapid, huwag sasaksi sa hindi totoo.
Maaaring hindi nga tayo pumapatay, pero baka makalimutan natin na ang pagpatay ay hindi nagsisimula sa pagkitil ng buhay. Nagsisimula iyan sa pagnanasang manlamang, sa pagtatanim ng galit at sama ng loob, na kapag hinayaan natin magnaknak sa loob na parang nana, pwedeng humantong sa karahasan. Ang pagpatay ay sa kalooban nagsisimula.
Ganyan din aniya ang tungkol sa kautusang, “Huwag kang makikiapid sa hindi mo asawa.” Ang pakikiapid ay hindi sa kama nagsisimula. Iyan ay nagsisimula sa pagnanasa, katulad nang nangyari kay Haring David nang makita ang magandang asawa ni Urias na si Batsheba at pinagnasaan ito. Saan humantong ang pagnanasa niya? Hindi lang sa pakikiapid kundi sa pagpatay sa asawang sundalo ng babae para lang maangkin ito.
Ganyan din daw sa kautusan na nagsasabing “Huwag kang sasaksi sa hindi totoo.” Alam ito ng maraming abogado—na sa paggamit ng salita, ang kasinungalingan ay pwedeng bihisan ng katotohanan para magmukhang totoo.Sabi niya, sapat na ang maging tapat sa salita; ang magsabing oo kung talagang oo, hindi kung talagang hindi.
Ang tinuturo ni Jesus ay hindi lang pagsunod sa nakasulat na batas kundi ang maisapuso ang pinakadiwa nito. Ang Sampung Utos ay hindi lang listahan ng bawal at dapat. Ang pinaka-ugat nito ay kasunduan, relasyon.
Sinusunod natin ang Diyos hindi dahil takot tayo sa parusa, kundi dahil nakipagkasundo tayo sa kanya. Dahil mahal niya tayo, minamahal din natin siya ata ang ating kapwa. Kaya para sa kanya, ang pinakabuod ng Kautusan ay Kasunduan: Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat; Ibigin ang kapwa gaya ng sarili.
Kapag sa pag-ibig nakaugat ang batas, hindi tayo mananatili sa mababaw na pagsunod o pag-iwas lang sa bawal. Kusang loob tayong gagawa sa tama at nararapat.
Naaalala nyo ba ang kuwento ng batang Jose Rizal tungkol sa Unggoy at ang Pagong? Minsan isang araw nakakita daw sila ng isang puno ng saging na inanod ng baha at lumulutang sa ilog. Hinila daw nila ito nila sa pampang. Sinabi daw ng unggoy: “Dahil sabay nating nakita ito, hati tayo, para patas.”
Pero naisip na niya agad na lamangan ang pagong: “dapat akin yung bahaging itaas. Doon lalabas ang bunga.”
Yung pagong naman, tahimik lang. Sabi noya “Sige, sa akin na lang yung kalahati ng puno na hindi mo gusto, yung gawing ibaba hanggang ugat.” At siyempre alam na natin ang nangyari. Yung bahaging kinuha ng unggoy itinanim niya pero nalanta. Pero yung natira sa pagong, itinanim, tumubo, lumago, at namunga.
Ganyan ang paanyaya ni Jesus sa atin ngayon. Huwag tayong magpakaunggoy; maging matalinong tulad ng pagong. Ang titik ng batas ay parang kalahating puno ng saging—pero walang kuwenta kung hiwalay sa puno at hindi nakaugat sa lupa.
Ang ugat ng Kautusan ay Kasunduan. Ang pundasyon ng batas ay pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at Pag-ibig sa kapwa.
Kapag sa pag-ibig nakauugat ang ating pagtupad, kusang tutubo ang kabutihan.
Kusang magbubunga ng isang lipunang matuwid at mapayapa. Kusang sasagana ang buhay. Sa ganyan tunay na natutupad ang diwa ng batas.






