193 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ni Pangulong Duterte si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II bilang bagong commissioner ng National Police Commission (o Napolcom) matapos yumao si dating Napolcom Vice Chairman Rogelio Casurao. Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na siya ring nagkumpirma ng pagtatalaga, makatutulong daw ang dati nitong posisyon sa pamahalaan sa kaniyang bagong katungkulan bilang Napolcom Commissioner upang gawing “competent, effective, credible, and responsive” ang serbisyo ng mga kapulisan. Kinuwestiyon ito ng marami at tinuring pa ngang “recycling” ang muling pagtatalaga kay Aguirre.
Nagsilbi bilang kalihim ng Department of Justice (o DOJ) sa ilalim ng administrasyong Duterte mula 2016 hanggang 2018 si Aguirre. Kung ating babalikan, nagbitiw bilang kalihim ng DOJ si Aguirre noong 2018 kasunod ng mga kontrobersiyang bumalot sa DOJ. Nariyan ang pagbasura ng DOJ prosecutors sa drug charges laban sa umamin mismong big-time drug lord at drug dealer na si Kerwin Espinosa at Peter Lim. Si Aguirre din ang nagsilbing abogado ni Bienvenido Laud, dating pulis na sinasabing miyembro ng Davao Death Squad at nagmamay-ari ng Laud Quarry kung saan inililibing daw ang mga biktima ng extra-judicial killings sa lungsod ng Davao. Noong 2017, binalewala naman ng DOJ sa ilalalim pa rin ng pamumuno ni Aguirre ang drug and criminal charges na inihain ng Philippine Drug Enforcement Agency (o PDEA) laban sa dating Bureau of Customs (o BOC) commissioner na si Nicanor Faeldon at iba pang dating opisyal ng ahensya dahil sa P6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa Customs. At nitong taon, nagbigay umano ng proteksyon si Aguirre sa isang sindikatong sangkot sa “pastillas” bribery scheme sa loob ng Bureau of Immigration (o BI).
Ilan lamang ito sa mga isyung kinasangkutan ng DOJ noong si Aguirre pa ang kalihim ng ahensya. Kilalang malapít sa isa’t-isa sina Pangulong Duterte at Aguirre; batchmates sila sa San Beda College of Law, fraternity brothers, at nagsilbing abugado rin si Aguirre ni Pangulong Duterte sa mga kasong nag-uugnay sa Pangulo sa Davao Death Squad. Sa kabila ng paulit-ulit na pagkakasangkot ni Aguirre sa mga kontrobersiya at anomalya, hindi ba’t nakababahalang nagawa pa siyang maitalaga muli sa isang mataas at makapangyarihang katungkulan sa gobyerno? Ito ba ang halimbawa na mataas ang tiyansang maabswelto ka lalo kung may kakilala ka sa pamahalaan?
Binibigyang-diin ng panlipunang turo ng Simbahan na ang tunay na layunin ng isang responsableng lider ay ang magamit ang kapangyarihan nito upang maisagawa ang kaniyang serbisyo nang may pagsasaalang-alang sa kabutihang panlahat o common good, hindi para sa katanyagan at pagkakaroon ng personal na kalamangan. Sa madaling salita, kakampi dapat ng mamamayan ang mga kawani ng gobyerno sa paghahanap ng solusyon sa mga suliranin sa lipunan at hindi upang maging sanhi ng problema.
Isang ahensya ng gobyerno ang Napolcom na nagsisilbing taga-disiplina sa pulisya. Kasama sa mandato nito ang pangangasiwa ng mga police entrance examination, pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga anomalya at iregularidad ng pulisya, at pagtanggal sa mga nagkasalang opisyal. Ngunit paano na lamang kung kuwestiyonable ang integridad ng lider ng isang ahensyang sumasala sa ating kapulisan? Paano mabubuo ang tiwala ng publiko sa mga kapulisan? Ngayong tumitindi ang kawalan ng katurungan higit nating kailangan ang serbisyong may pagmamalasakit sa iba. Upang mangyari ito, mahalaga na ang mga nakatataas na opisyal ang nangunguna at nagsisilbing ehemplo para sa mga opisyal na nasa ilalim nito.
Mga Kapanalig, kinakailangang tapat, may integridad, at may pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno upang matagumpay na maisulong ang kaunlaran at kapakanan ng taumbayan, hindi ang pansariling interes ng iilan. Sabi nga sa Mga Kawikaan 16:12, “kasuklam-suklam ang paggawa ng kasamaan, magpapagtibay lamang ang pamamahala kung sila ay makatuwiran.”