Mga Kapanalig, noong Disyembre pa nang makunan ang nag-viral na video kamakailan kung saan makikitang hinablot ng security guard ng isang mall ang panindang sampaguita ng isang babae. Tila inambahan pang saktan ng guwardya ang babae nang umalma siya.
Napukaw ang interes ng publiko sa nangyaring ito. Inalam ng media at ng DSWD ang pagkakailanlan ng babae. Totoong nagtitinda siya ng sampaguita pero itinanggi niyang miyembro siya ng anumang sindikato. Pinatunayan ito ng kapulisan. Paglalako ng sampaguita ang pangunahing kabuhayan ng kanyang pamilya.
Hindi siya 18 taóng gulang; edad 22 na siya at isang first-year medtech student na may partial scholarship. Bakit daw siya nakasuot ng unipormeng pang-high school kung nasa kolehiyo na siya? Paliwanag ng babae, ito ay para humarap daw siya nang disente sa mga mamimili. Hindi raw ito pagmamakaawa. Ayaw rin niyang gamitin ang uniporme niya sa kolehiyo para hindi ito marumihan.
Natyempuhan siyang nakaupo sa harap ng mall dahil umaambon nang mga oras na iyon. Hinihintay din daw niya ang kanyang kakambal na nagtitinda rin ng sampaguita. Pauwi na raw sila noon sa kanilang bahay sa Quezon City, pero gaya ng makikita sa video, puwersahan siyang itinaboy ng guwardya ng mall. Itinanggi ng babaeng minura at dinuraan niya ang bantay ng mall, bagay na lumulutang sa mga komento sa social media.
Dahil sa nangyari, tumigil na ang babae sa pagtitinda ng sampaguita. Nahihirapan na rin daw siyang mag-focus sa pag-aaral, at minsan nang naisip na hindi na pumasok sa eskwelahan. Samantala, hindi muna pinapapasok sa trabaho ang security guard, bagay na ikinalungkot at ikinatatakot din ng babae. Walang plano ang kanyang pamilya magsampa ng kaso laban sa guwardya dahil naiisip nilang baka katulad nila siyang hiráp din sa buhay.
Hindi na kakaiba ang pangyayaring nakunan ng video. Araw-araw, maraming kalupitang nararanasan ang mga kababayan natin mula sa kanilang kapwa, lalo na sa mga may awtoridad na nagpapanatili daw lamang ng kaayusan. Sa inyong lugar siguro, may mga natutulog sa bangketa at itinataboy agad pagsikat ng araw. May mga pulubing nakaabang sa mga pasukan ng establisimyento—pati ng mga simbahan—na sinisita agad dahil istorbo ang tingin sa kanila.
Noong Kapaskuhan, kapansin-pansin ang mga nanghihingi ng barya sa mga nasa sasakyan kapag huminto na ang traffic light. Pilit silang inalis ng gobyerno sa mga lansangan at pinayuhan ang publikong huwag mag-aabot ng anumang halaga.
Ang mga inilalako sa gilid ng kalsada, agad-agad na kinukumpiska at sinisira. Abala raw ang mga ito sa trapiko. Manlulumo na lamang ang mga tindero’t tindera dahil iyon lamang ang pinagkukunan nila ng panggastos sa araw-araw. May iba pa ngang umutang pa para magkaroon ng puhunan.
Ito ang iba’t ibang porma ng kalupitang nangyayari sa ating lipunan, lalo na sa mga lungsod o sentro ng bayan. Walang puwang para sa mga taong walang-wala sa buhay o sa mga “isang kayod, isang tuka”, ‘ika nga. Tama namang mangamba tayo para sa kaligtasan ng mga bata’t matatandang sa lansangan naghahanapbuhay o umaasa para mairaos ang isang araw. Pero, una sa lahat, hindi ba tayo nagtataka kung bakit may mga kababayan tayong nasasadlak sa ganitong kalagayan? Nariyan sila pero tila namanhid na ang marami sa atin. Hindi na natin sila pinapansin—at iniiwan na lang sa mga awtoridad ang pagtataboy sa kanila.
Mga Kapanalig, “parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap.” Mababasa natin iyan sa Mga Kawikaan 19:17. Pag-unawa at pakikisimpatya ang pinakasimpleng maibibigay natin sa mga kababayan nating kapus-palad. Huwag tayong maging kasangkapan ng kalupitan—kalupitang nakapaloob sa mga tinatawag sa mga panlipunang turo ng Simbahan na sinful social structures na kinabibilangan ng mga patakarang nagpapanatili sa kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.
Sumainyo ang katotohanan.






