203 total views
Mga Kapanalig, tikom pa rin ang bibig ng mga nangagasiwa sa pagbili ng ating pamahalaan ng bakuna kontra COVID-19 tungkol sa presyo ng mga ito, partikular na ang mga bakunang bibilhin natin sa Sinovac BioTech ng China. Mismong si Pangulong Duterte ang nagsabing kailangan talagang isikreto ang presyo ng bakuna dahil mayroon tayong “confidentiality agreements” sa mga pharmaceutical companies. Ito raw ang kalakaran sa industriya ng gamot kaya aniya, “bulung-bulungan muna.” Aba, parang nasa pamilihan lamang ng isda, ‘di po ba?
Giit pa niya, kung babaliin natin ang mga kasunduang ito sa pamamagitan ng pagsasapubliko sa halaga ng mga bibilhin nating bakuna, maaari raw makansela ang pagdadala sa atin ng kinakailangan nating bakuna. Hindi rin daw ito magiging patas sa ibang bansa na baka raw malugi kung malalaman nila kung magkano natin binili ang bakuna mula sa Sinovac. Aabot sa 25 milyong doses ng CoronaVac, ang bakunang nilinang at ibinibenta ng Sinovac, ang na-secure na umano ng pamahalaan.
Sa impormasyong nakalap ni Senador Ping Lacson, ang isang dose ng CoronaVac ay nagkakahalaga ng limang dolyar o ₱240 sa mga bansang kapitbahay natin sa Southeast Asia. Pero sa Pilipinas, aabot daw ito sa 38 dolyar o mahigit ₱1,800 kada dose. Napakalayo sa presyo sa ibang bansa, kung tama nga ang napag-alaman ng senador. Sa halip na linawin ang isyu, sinabi lamang ng tagapagsalita ng pangulo na si Secretary Harry Roque at ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na ang bawat dose ng Sinovac ay mula ₱650 hanggang ₱700, ilang daang piso pa ring mas mataas sa sinasabing halaga nito sa ibang bansa.
Bakit mahalagang malaman natin ang halaga ng bakunang bibilhin ng pamahalaan at gagamitin nito upang mailigtas nga tayo sa COVID-19?
Unang-una, kalusugan ng mga mamamayan ang nakataya rito. Noong isang linggo, lumampas na nga sa 500,000 ang nagpositibo sa COVID-19 bagamat mas nakararami naman ang mga gumaling at naka-recover na. Mahigit 10,000 na rin ang bilang ng mga namatay, bagamat napakalayo nito sa bilang na naitatala sa ibang bansa. Kaya napakahalagang ipinaliliwanag sa atin ng pamahalaan ang plano nito sa pagbabakuna upang hindi na lumala ang ating kalagayan. Saan man magmumula ang bakunang bibilhin natin, hindi lamang presyo ang ating kailangang alamin. Dapat ding epektibo ang mga ito, at lumalabas nga sa mga isinagawang pag-aaral na ang bakunang gawa ng Sinovac ay 50.4% lamang na effective. Malayo ito sa 95% ng Pfizer, at 94.5% ng Moderna, bagamat mas mahal ang mga ito kaysa sa bakuna ng Sinovac.
Ikalawa, karapatan nating malaman ang presyo ng mga bibilhin nating bakuna dahil pera ng bayan ang gagamiting pambili sa mga ito. Uutangin natin ang bilyong pisong pambili natin ng bakuna, at utang ito na babayaran natin at ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino. Ayon sa Department of Finance (o DOF), plano ng pamahalaang umutang ng 62.5 bilyong piso mula sa mga multilateral banks katulad ng World Bank at Asian Development Bank.
Ang kapakanan ng lahat ng mamamayan ang pangunahing tuon ng lipunan, at ang pamahalaan, na binubuo at pinatatakbo ng mga taong nabigyan ng awtoridad na mangasiwa, ang dapat na nangunguna sa pagkamit nito. Sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, sinasabing umiiral ang mga pulitikal na pamayanan at institusyon para sa kabutihang panlahat o common good. At taliwas sa common good kung hindi tapat ang mga namumuno sa mga pinamumunuan, kung may mga pinagtatakan sila at hindi lubusang ipinaliliwanag.
Mga Kapanalig, sa pagtitiyak na may bakunang makararating sa ating bansa, umaasa tayong isinasabuhay ng ating mga pinuno ang nasasaad sa Filipos 2:4 “Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.”
Sumainyo ang katotohanan.