82,327 total views
Mga Kapanalig, ihinto ang red-tagging!
Ito ang panawagan ng ilang mamamahayag at human rights groups matapos manindigan si Pangulong Bongbong Marcos Jr na hindi niya bubuwagin ang National Task Force to End the Local Armed Conflict (o NTF-ELCAC). Ang red-tagging ay ang pagtatatak sa mga tao o grupong kritikal sa pamahalaan o nagsusulong ng katarungang panlipunan bilang mga komunista o terorista. Nalalagay sa peligro ang buhay ng mga nire-red-tag dahil pinagbabantaan silang ikukulong o, ang pinakamasaklap, ipapapatay. Tinataya ng Karapatan, isang human rights group, na nasa apat na raang aktibista ang pinatay matapos silang i-red-tag.
Noong isang linggo, umalma ang Kabataan Partylist at ACT Teachers Partylist sa ‘diumano’y pag-red-tag sa kanila ng 80th Infantry Batallion ng Philippine Army at Department of Education sa isang seminar. Nakalagay daw ang kanilang logo sa mga pamphlets kung saan ipinapakitang terorista ang mga estudyante at raliyistang pumupuna sa ilang patakaran ng pamahalaan. Itinanggi ng NTF-ELCAC ang paratang ng dalawang partylist groups. Ipinakikita lamang daw sa mga pamphlets ang “modus” ng mga recruiters ng New People’s Army. Layunin kasi ng seminar na ipaalám ang mga “red flags” na nire-recruit ang mga estudyante ng mga rebeldeng grupo. Sa kabila nito, naniniwala ang ACT na isa itong porma ng pananakot at pagsalungat sa inilibas na pahayag ng Korte Suprema noong Mayo tungkol sa red-tagging. Ayon sa Korte Suprema, mapanganib at banta sa buhay ng tao ang red-tagging.
Batay sa pag-aaral na inilibas ng National Union of Journalists of the Philippines (o NUJP), 60% ng mga insidente ng red-tagging laban sa mga mamamahayag mula 2016 hanggang Abril 2024 ay galing sa “state actors” o mga nasa pamahalaan. Salungat ito sa unang pahayag ni PBBM na hindi galing sa gobyerno ang red-tagging kundi sa “kung sinu-sino” lamang. Sa parehas na pag-aaral, 40% naman ng mga naitalang insidente ng red-tagging ang nangyari sa ilalim ng panahon ng administrasyong Marcos.
Marami nang nananawagan sa pagbuwag sa NTF-ELCAC. Para kay UN Special Rapporteur Irene Khan, bagamat hindi raw ini-endorso o hinihikayat ng pamahalaan ang red-tagging, malinaw na ginagawa pa rin ito ng mga alagad ng estado. Mungkahi niya, makatutulong kung may executive order na magbabawal sa red-tagging at magpapataw ng kaukulang parusa o pagdidisiplina sa mga lalabag sa kautusang ito.
Kailangan ng mga kongretong aksyon upang matigil ang red-tagging. Banta ito ang red-tagging, hindi lamang sa buhay ng tao, ngunit pati sa ating demokrasya. Ayon sa Catholic social teaching na Centesimus Annus, pinahahalagahan ng Simbahan ang isang demokratikong sistema sapagkat binibigyan nito ng pagkakataon ang taumbayan na makilahok sa pamamahala. Ginagarantiya rin nito ang paghahalal sa mga lider at ang pagpapanagot at pagpapalit sa kanila sa mapayapang paraan. Samakatuwid, banta sa demokrasya ang red-tagging dahil nagdudulot ito ng takot sa mga gustong makilahok sa pamamahala at sa pagpapanagot sa mga nasa pamahalaan. Balakid ito sa pagiging kritikal ng taumbayan dahil matatakot sila para sa kanilang kaligtasan.
Bagamat iginagalang ng Simbahan ang papel ng estadong siguruhing payapa at maayos ang ating lipunan, hindi dapat ito maging hadlang para sa malayang pakikilahok ng taumbayan sa pulitika. Kasama rito ang pagpuna sa mga patakaran at programa ng pamahalaan upang mapabuti ang mga ito at matiyak na makatutulong sa kaunlaran ng bayan.
Mga Kapanalig, ang pakikilahok sa pulitika ay isang pamamaraan upang makasunod tayo sa utos ng Diyos na “kayo’y magmahalan”, wika nga sa Juan 15:12. Sa pakikilahok, maitataguyod natin ang kabutihang panlahat o common good. Hindi ito mangyayari kung nangingibabaw ang takot dahil sa red-tagging. Dapat na itong mahinto upang masiguro ang malayang pakikilahok ng taumbayan at maitaguyod ang demokrasya sa bansa.
Sumainyo ang katotohanan.