18,281 total views
Pinawi ni San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza ang pangamba ng mga residenteng naninirahan malapit sa bulkang Kanlaon sa lalawigan ng Negros Occidental at Negros Oriental.
Hinimok ng Obispo ang mga apektado ng pagsabog ng bulkang Kanlaon na maging mahinahon at patuloy na maging handa.
Ayon kay Bishop Alminaza, ang sakuna ay pagkakataon upang hilingin ang awa at pagkalinga ng Diyos upang mapawi ang pangamba at maging ligtas sa panganib sa patuloy na aktibidad ng bulkan.
“This natural calamity reminds us of the fragility of life and our dependence on God’s mercy and providence…Let us not succumb to fear, but instead place our trust in God and focus on the safety and well-being of our families and communities,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Hiniling ng obispo sa mga apektadong mamamayan ang mahigpit na pagsunod sa mga paalala at abiso ng lokal na pamahalaan at City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) para sa kanilang kaligtasan mula sa sakuna.
Dalangin din ni Bishop Alminaza ang pamamatnubay ng Espiritu-Santo para sa kalinawan ng isip ng mga lider upang makalikha ng epektibong desisyon at malampasan ang kinakaharap na hamon.
Ibinahagi rin ng obispo ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng DSAC sa lokal na pamahalaan upang mapabilis pa ang pagtugon sa pangangailangan ng mga higit na apektado.
“We pledge our support and assistance in addressing this situation, embodying th Church’s mission to serve those in need and to be a beacon of hope,” ayon kay Bishop Alminaza.
Umaapela naman ang Obispo ng donasyon upang matustusan ang pangangailangan ng mga pamilya at indibidwal na nasa evacuation centers tulad ng face masks, maiinom na tubig, food packs, at mga gamot.
Sa mga nais magbahagi ng tulong at suporta, maaari itong ipadala sa pamamagitan ng Metrobank account na San Carlos Diocesan Social Action Foundation, Inc. sa account number na 121-3-12120342-2, at sa GCash account na Ricky Beboso sa numerong 0936-950-1340.
Para naman sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan lamang kay San Carlos SAC Director Fr. Ricky Beboso sa numerong 0960-201-8169.
Pinag-iingat naman ang publiko laban sa mga mapagsamantalang maaaring gamitin ang nangyayaring sakuna upang makapanlinlang ng kapwa.