28,644 total views
Nanawagan ng panalangin at tulong-pinansyal si Diocese of Mati Bishop Abel Apigo para sa mga mamamayang labis na naapektuhan ng malakas na lindol na yumanig sa Davao Oriental noong Oktubre 10, 2025.
Ayon sa Obispo, ang lindol na may lakas na 7.5 magnitude na tumama sa bayan ng Manay, na sentro ng pagyanig at nagdulot ng malawakang pinsala sa apat na bayan na kinabibilangan ng anim na Parokya sa diyosesis.
Nasira rin ang ilang Simbahan, kumbento, kapilya, paaralan, at mga tahanan, habang marami rin ang nawalan ng tirahan.
Hinimok din ni Bishop Apigo ang sambayanang Kristiyano na ipagdasal at tulungan ang lahat ng mga naapektuhan ng sakuna sa gitna ng matinding pagsubok na kanilang kinakaharap.
“Last October 10, 2025, a Friday, the Diocese of Mati, province of Davao Oriental, was hit by a strong earthquake, 7.5 in magnitude, in which the epicenter was in the municipality of Manay. The destruction covered around four towns, numbering six parishes. And the earthquake damaged churches, convents, chapels, school buildings, and houses. Not to count those displaced by the destruction of their houses. In these difficult times, we turn to you for prayers and for help.” Bahagi ng apela ni Bishop Apigo.
Dagdag pa ng Obispo, bukod sa panalangin ay higit ring kinakailangan ng mga naapektuhan ng lindol ang tulong-pinansyal upang agad na makapagsimula ng pagpapatayo ng mga nasirang Simbahan, kapilya, at paaralan, gayundin sa pagtulong sa mga pamilyang nawalan ng tirahan.
Pagbabahagi ni Bishop Apigo, nananatiling matatag ang pananampalataya ng mga mamamayan sa kabila ng trahedya, habang nagpahayag din ng pasasalamat ang Obispo sa mga pauna ng tulong at panalangin mula sa mga karatig-diyosesis at mga mananampalataya sa buong bansa.
“Please continue to pray for us that we may have the strength to face all the challenges that we are facing now. We need your prayers. Second, we also need your support. We need to help those victims affected by the earthquake. We need to help build our churches, chapels, and schools. And in this regard, I appeal to your generosity. Please help us on the way to our recovery. We need your support in this time of difficulty.” Dagdag pa ni Bishop Apigo.
Maaari namang ipadala ang mga donasyon sa opisyal na bank account ng Diocese of Mati, na makikita sa mga opisyal na anunsyo ng diyosesis.




