24,629 total views
Isinulong ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. ang pagpapalakas at panunumbalik ng mga Pilipino sa pagdarasal ng rosaryo.
Ito ang buod ng mensahe ng Obispo sa naging pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Nuestra Señora del Santísimo Rosario La Naval de Manila sa Santo Domingo Church – National Shrine of Our Lady of the Holy Rosary of La Naval de Manila sa Quezon City.
Ayon sa Obispo, nawa sa tulong ng pagpapalalim sa pagdedebosyon sa Mahal na birheng Maria at pagdadasal ng rosaryo ay mahilom ng Panginoon sa pamamagitan ni Maria ang Pilipinas higit na laban sa mga kalamidad at suliranin na kinarap sa mga nakalipas na buwan at taon.
Ito ay katulad ng mga magkakasunod na bagyo, lindol at pagkabunyag sa mga maanomalyang proyekto sa pamahalaan na lubhang naging pasakit para sa pinakamahihirap na Pilipino.
“Bilang inyong Obispo, gusto kong manawagan na paigtingin natin ang pagdarasal ng Rosaryo, bilang inyong Obispo ako’y nananawagan na atin ibabalik ang ating tradisyon sa pagdarasal ng Rosaryo, I was so touched seeing some video footages of children praying the Rosary during the tremors in Mindanao,” ayon sa mensahe ni Bishop Ayuban.
Panalangin ng Obispo, nawa sa pamamagitan ni Maria at panunumbalik sa Santo Rosaryo ay magkaroon ng katatagan ng loob ang mga Pilipino na higit pang manindigan laban sa mali at magkaroon ng konsensya ang mga tiwaling opisyal upang maibalik ang mga ninakaw sa kaban ng bayan.
Kasabay ng pagdarasal ng Rosaryo ay hinimok ni Bishop Ayuban ang mga Pilipino, higit na ang mga mananampalataya ng Diocese of Cubao na magsuot ng puti sa pagsisimba tuwing araw ng linggo at magsabit ng mga puting laso sa mga simbahan at kanilang tahanan hanggang Nobyembre.
“‘Hate the sin but love and pray for the sinner’ kahit mahirap silang mahalin, ang tunay na anak ni Maria ay hindi nananahimik sa harap ng kasamaan, ngunit sa halip ako ay nag-aanyaya sa inyo at sa lahat sa mga sangkot sa korapsyon na magbalik loob at magsauli sa ninakaw na kaban ng bayan,” bahagi pa ng mensahe ni Bishop Ayuban.
Ito ay bilang pakikiisa sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa paglulunsad ng National Day of Prayer and Public Repentance upang higit na kundenahin at manindigan laban sa katiwalian.




