402 total views
Ibinahagi ni Balanga Bishop Ruperto Santos na nagpabakuna ito kontra coronavirus disease.
Ayon sa obispo, ito ay nagpapatunay na suportado ng diyosesis ang kampanyang pagbabakuna upang malutas na ang suliranin ng pandemya.
“With my vaccination, the Diocese promotes vaccinations and encourages our lay faithful to do the same; To make ourselves safe is to save our people,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng obispo na ang hakbang ay para sa kapakanan ng nakararami at kaligtasang pangkalusugang ng mga nakakasalamuha lalo na sa pagganap ng mga sakramento at pagdiriwang ng Banal na Misa.
Ibinahagi ng Obispo na Sinovac ang bakunang ginamit sa kanya.
Batay sa monitoring ng Department of Health umabot na sa humigit kumulang 800-libo ang bilang ng mga nabakunahan sa bansa.
Inaasahan namang darating pa sa bansa ang karagdagan pang mga bakuna para sa tuloy tuloy na vaccination rollout ng pamahalaan.
Hinimok pa ni Bishop Santos ang mamamayan na patuloy sundin ang safety health protocol bilang pakikiisa at pag-iingat sa kapwa.
“To follow the health protocols is our service to them,” ani Bishop Santos.
Una nang nanawagan sa mananampalataya ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na suportahan ang programang pagbabakuna ng pamahalaan at tiniyak ang pakikiisa ng simbahan dito upang tuluyang mapuksa ang virus at mawakasan ang pandemya.
Ilang obispo na rin ang nagpabakuna kontra COVID-19 tulad nina Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo at Baguio Bishop Victor Bendico.