256 total views
Ipinagdiwang ng Brothers of Mercy of St. John of God ang kanilang ika-30 anibersaryo sa Hospicio de San Juan de Dios sa Igulot, Bocuae, Bulacan noong unang araw ng Hulyo.
Pinangunahan ni Msgr. Pablo Legaspi- Vicar General ng Diocese of Malolos ang pagdiriwang ng banal na Misa.
Ginanap din ang pagbabasbas at investiture ng habit para sa mga Brothers of Mercy bilang pagbabalik muli sa kanilang pagsusuot ng religious habit.
Ayon kay Msgr. Legaspi, mahalaga ang gampanin ng mga kanilang kongregasyon sa patuloy na paglilingkod sa mga mahihirap at nangangailangan lalu na sa mga may sakit sa pag-iisip, mga pipe at bingi.
Binigyang diin niya na hindi biro ang pagsasakripisyo at pag-aalay ng panahon para mabigyang pansin, maalagaan, at mahalin ang mga taong may espesyal na pangangailangan.
Dagdag pa Msgr. Legazpi, ang pagdiriwang ng ika-30 taon ng Hospicio de San Juan de Dios ay isa ring pasasalamat sa kabutihan ng Diyos at hamon sa mga bumubuo nito na magpatuloy sa paglilingkod sa kapwa.
Umaasa si Msgr. Legaspi na sa pagpapatuloy din ng paglilingkod ng Brothers of Mercy ay madadagdagan pa ang mga nais mapabilang sa kanilang kongregasyon.
Taong 1989 nang maitatag ang Hospicio de San Juan de Dios kasabay din ng pagtatatag sa Brothers of Mercy of St. John of God sa pangunguna nang yumaong si Bro. Francis Joseph Gillen, na mula sa Amerika.
Nakiusap ito sa dating Obispo ng Malolos na si Bishop Cirilo Almario, na magtayo ng isang Hospicio na nakasentro sa pag-aalaga ng mga may sakit sa pag-iisip, na siyang orihinal na apostolado ng kanilang patron na si San Juan de Dios.
Sa kasalukuyan mayroong 99 na lalakeng pasyente sa Hospicio sa Igulot, Bocuae habang mayroon namang 34 na babaeng pasyente sa Hospicio sa Bustos, Bulacan.