4,498 total views
Homiliya Para sa Pang-apat na Simbang Gabi, 19 Dis 2024, Lk 1:5-25
Ramdam ko ang pagkainis sa tono ng salita ni anghel Gabriel sa kuwento ng ating ebanghelyo sa araw na ito. Ang trabaho lang naman niya ay magdala ng mabuting balita. Kadalasan ang mahirap ay ang magdala ng masamang balita. Kung ikaw ang messenger siyempre takot ka na baka atakihin sa puso o himatayin ang binabalitaan mo. Paano mo sasabihin—naaksidente ang anak mo habang nagda-drive papuntang trabaho. Isinugod sa ospital dead on arrival.
Pero pwede rin palang mahirapan ang tagapagbalita kahit good news ang dala niya. Nangyayari ito kapag ang taong binabalitaan ay bumigay na dilim ng paghihinagpis. Kapag nawalan na ng saysay ang buhay para sa kanya. Kapag nasanay na siya sa buhay na baog.
Ang salitang “baog” ay hindi lang tungkol sa literal na pagkabaog, katulad ng mga hindi nagkakaanak. Ang mga pari at madre—halimbawa—hindi nagkakaanak hindi naman dahil sila’y baog, kundi dahil pinili naming yakapin ang bokasyon ng pagpapari o pagiging relihiyoso imbes na pag-aasawa. Hindi kami mga baog. Maraming pwedeng ibunga ang buhay ng taong naglilingkod sa Diyos at naglalaan ng sarili para sa kapwa at sa daigdig.
Ang kabaligtaran ng baog ay buhay na mabunga. Kaya ang totoong baog na buhay ay iyung walang naidudulot na kahit anong mabuti sa kapwa at sa mundo. Iyung parang linta kung makipagrelasyon, imbes na magbigay buhay, sumisipsip sa anumang kaunting buhay meron ang iba. Hinuhuthot ang lakas at sigla ng iba. Walang naihahatid na pag-asa, walang naidudulot na pag-unlad, paglaki o pagbabago. Nakababansot.
Hindi naman kasi mga matris lang o mga sex organs ng tao ang pwedeng mabaog at mawalan ng silbi. Mga utak din. Mga pusong wasak, mga nasiraan na ng loob, mga tipong di na lumalaban dahil matagal nang sumuko. Hindi na marunong managinip o mangarap. Ang buhay ay puro kahapon, wala nang bukas kaya wala na ring kasalukuyan. Parang ganoon ang disposisyon ni Zacarias sa ating ebanghelyo.
Parang ganoon din ang disposisyon ng marami sa ating mga kababayan. May mga hindi na nangangarap para sa ating bansa. Para bang masyado nang nasanay sa mga kalamidad hindi lang sa kapaligiran kundi pati sa mga nagpapatakbo ng ating lipunan at pamahalaan.
Marami na sa atin ngayon ang mga tipong wala nang makitang ibang solusyon kundi ang mag-abroad o lisanin ang bansa. Kumbaga sa asawa ng abusive spouse, iyung iba ni hindi na makakalas, nasanay na. Ang dating abused ay di lang nagiging enabler; ang iba nagiging abuser na rin. “If you can’t beat them, join them,” ika nga.
Pero natatandaan ba ninyo ang parable of the fruitless fig tree (talinghaga ng baog na puno ng igos)? Nainis daw ang maylupa dahil nakailang balik na at ni minsan hindi niya ito nakitang nagbunga. Kaya ang mungkahi sa caretaker, sibakin na lang, gawin na lang na panggatong. Pero humirit ang caretaker—bigyan pa daw ng konting panahon. Baka daw kulang lang sa pataba, o sa patubig, o kulang sa araw. Baka kailangan lang konti pang panahon.
Katulad ni Zacarias, minsan kaunting panahon lang ng pananahimik ay sapat na para mapanariwang muli sa alaala ang kagandahang-loob ng Diyos. Katulad niya, minsan kailangan lang nating marinig ang iyak ng susunod na henerasyon. Kailangan lang na mabuksan ang ating mga tenga at puso sa mabuting balita para matauhan sa kilos at galaw ng mapagpalang kamay ng Diyos sa buhay natin.