605 total views
Mga Kapanalig, sa paglagda ni Pangulong Duterte sa Proclamation No. 360, pormal na tinapos ng ating pamahalaan ang usapang pangkapayapaan o peace talks sa NDF-CPP-NPA o ang National Democratic Front, Communist Party of the Philippines, at New People’s Army.
Aabot na ng halos limang dekada ang labanan sa pagitan ng ating pamahalaan at ng mga rebeldeng komunista, at itinuturing na ito bilang pinakamahabang paghihimasik ng isang komunistang organisasyon sa Asya. Sinikap ng mga nagdaang administrasyon na tapusin ang hidwaan. Sa katunayan, mahigit 40 pag-uusap na ang naisagawa na mula pa noong administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino. Ngunit sadyang hindi madali ang proseso ng pakikipagkasundo o negosasyon, lalo na’t nababahiran ang mga pag-uusap ng hindi malampasang mga pagkakaiba sa paniniwala, at kawalan ng tiwala sa isa’t isa, dala na rin ng urong-sulong na usapang pangkapayapaan.
Nang maluklok si Pangulong Duterte, na nagsabing isa raw siyang “sosyalista,” marami ang umasang matutuldukan na ang napakatagal na labanan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng grupo. Noong kampanya, ipinangako ni Pangulong Duterte na isusulong niya ang tunay na usapang pangkapayapaan, at nang manalo nga siya, naging mabilis ang pag-usad ng mga negosasyon. Hangad ng lahat ang kapayapaan, kaya’t positibong tinanggap ng marami ang pag-uusap ng mga kinatawan ng pamahalaan at mga lider ng NDF-CPP-NPA. Ayaw na nating madagdagan pa ang mahigit 30,000 na buhay na nawala, mga pamilyang nagkawatak-watak, mga pamayanang sinira ng karahasan, at mga kabataang namumulat sa isang madugo at magulong buhay.
Sa kasamaang palaad, naging matindi ang batuhan ng putik sa pagitan ng pangulo at mga lider ng mga rebeldeng grupo nitong mga nakaraang linggo. Patuloy din ang palitan ng putok ng mga sundalo at rebelde sa kabila ng mga peace talks sa Oslo, Norway. Ito raw ang nagtulak sa pangulo upang tuluyan nang putulin ang pag-asang makakamit sa ilalim ng kanyang administrasyon ang pangmatagalang kapayapaan. Nakalulungkot na tila ba maagang sumuko ang ating pamahalaan.
Mga Kapanalig, ito ang binibigyang-diin sa mga Catholic social teaching: “nothing is lost by peace; everything may be lost by war.” Walang nawawala sa kapayapaan, ngunit maaring mawala ang lahat sa digmaan. Sa pagwawakas ng peace talks, nangangamba tayong muling iigting ang karahasan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebelde, at magiging matindi ang epekto nito. Higit sa pinsala sa ari-arian at maliban sa mga buhay na nalalagas, sinisira ng digmaan ang moralidad, hindi lamang ng mga magkakalaban ngunit maging ng mga taong namumulat sa karahasan at patayan. Ayon nga kay St John Paul II ang digmaan ay “failure of all humanism”, natatalo sa digmaan ang ating pagiging mga tao.
Kaya’t napakahalagang maghanap tayo ng mga alternatibo sa marahas na pagsusulong ng pagbabago sa kabila ng mga pagkakaiba-iba sa pulitikal na oryentasyon at ideolohiya. Ipinaaalala sa atin ng mga panlipunang katuruan ng Simbahan na mahalagang alamin ang ugat ng hindi pagkakasundo katulad ng kawalan ng katarungan, kahirapan, at pag-abuso ng mga may kapangyarihan.At magagawa ito nang hindi gumagamit ng baril at armas kundi sa pamamagitan ng mahinahon at magalang na pag-uusap. Hakbang ang usapang pangkapayapaan upang matigil na ang labanan, kaya’t kung hangad talaga ng magkabilang panig ang pangmatagalang kapayapaan, bumalik nawa sila sa mesa ng negosasyon at pagkakasunduan.
Malayo tayong mga nasa lungsod sa mga lugar kung saan nagaganap ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde. Sa kabila nito, patuloy nating ipagdasal ang kaligtasan ng ating mga inosenteng kababayan. Ipagdasal din nating lumawak nawa ang pag-iisip ng mga nasa pamahalaan at mga rebeldeng grupo nang sa gayon ay bumalik sila sa daan tungo sa kapayapaan.
Sumainyo ang katotohanan.